Chapter XXV: Too Taxing
Siyempre, hindi lang Four Guardians Killing Formation ang pinag-iinteresan ng mga panauhin. Karamihan sa may gustong makakuha nito ay mga adventurer mula sa divine realm. Sila ang naghahangad na pansamantalang bumalik sa kanila ang orihinal nilang antas at ranggo upang may magamit silang alas sa mundong ito, at kung magkakaroon sila ng Four Guardians Killing Formation, makalalamang sila sa iba at hindi na sila gaanong mangangamba na maglakbay sa mundong ito.
Tungkol sa nagmula lang sa iba't ibang upper realm at middle realm, mas interesado sila sa Conveying Sound Inscription at iba pang kayamanan na kayang buoin ng New Order.
At ang dahilan?
Ang mga kayamanang ito ang mas praktikal at mas makatotohanan dahil sa pagkakaunawa nila, mas madaling makuha ang ibang kayamanan kumpara sa Four Guardians Killing Formation. Marahil hindi sasapat ang kayamanan na mayroon sila para sa formation na iyon kaya isinantabi na nila ang tungkol dito at mas itinuon na lang nila ang kanilang interes sa Conveying Sound Inscription at sa iba pa.
Ang Conveying Sound Inscription ay kapaki-pakinabang din dahil magagamit ito sa pagpapadala ng mensahe.
Kagaya na lang sa pakikipagsapalaran. Ang isang pinuno ay maaaring magtalaga ng isang maliit na hukbo para maglakbay sa Land of Origins para maghanap ng oportunidad o kayamanan na nakakubli sa mundong ito. At kapag nakakita na ang hukbong ipinadala niya para mag-imbistiga, imbis na bumalik ay maaari niyang gamitin ang Conveying Sound Inscription para mag-ulat. Sa pamamagitan nito, malalaman kaagad niya ang nangyari at makagagawa agad siya ng paraan.
Hindi masasayang ang kanilang oras sa pagpabalik-balik at hindi sila mauunahan ng ibang puwersa dahil mas mabilis silang kumilos. Ito ang dahilan kaya naisip nilang mas praktikal na piliin ang Conveying Sound Inscription kaysa sa Four Guardians Killing Formation na hindi nila kayang bilhin nang hindi isinusuko ang halos lahat ng kanilang kayamanan.
Marami ring nagmula sa Land of Origins, upper realm, at middle realm ang pabor sa desisyon ni Finn. Sa totoo lang ay nangangamba sila sa mga adventurer na mula sa divine realm. Kung magkakaroon ang mga ito ng Four Guardians Killing Formation, pansamantalang mawawala ang restriksyon ng mundong ito sa mga ito. Malaking panganib ito para sa kanila at maaaring maging dahilan pa iyon para hindi na maging patas ang pakikipagsapalaran sa mundong ito.
Samantala, habang pinagmamasdan ang may paninindigang ekspresyon ni Finn, napasinghal na lang sa loob-loob nila ang ilang indibidwal na ang talagang pinag-iinteresan lang ay ang Four Guardians Killing Formation. Nagpakita na sila ng intensyon ng pag-alis, at nang humahakbang na sila, may mga miyembro ng ikalawang dibisyon ang lumalapit sa kanila para sila ay gabayan palabas.
Hindi pinansin ng mga indibidwal na ito ang mga miyembro ng ikalawang dibisyon, subalit hindi rin sila gumawa ng eksena. Nagmamalaki, pero marunong silang mag-isip at alam nila na hindi magandang hakbang kung magsisimula sila ng gulo sa lugar na ito.
Maraming makapangyarihan ang nasa auditoryum. Nariyan si Finn, Auberon, Eon, at higit sa lahat, ang mga warwolf na nagtataglay ng mataas na antas at ranggo.
Kung magsisimula sila ng gulo, para na rin silang gumawa ng ikapapahamak nila dahil sa kasalukuyan, animo'y nasa isa silang haula kung saan hindi sila makalalabas kung hindi kagustuhan ng mga nagbabantay sa Reflecting Barrier Formation. Marahil makapangyarihan sila sa divine realm, pero sa teritoryo ng New Order, wala silang gaanong pinagkaiba sa mga pangkaraniwan.
Habang patuloy ang pag-alis ng ilang panauhin, nananatiling walang pagbabago sa ekspresyon ni Finn. Seryoso pa rin siya at tila ba hindi siya apektado kahit nababawasan na ang kanilang mga panauhin. Sa halip na madismaya o malungkot, sa totoo lang ay natutuwa pa siya sa loob-loob niya dahil ang mga umaalis na panauhin ay mga adventurer mula sa divine realm. Karamihan pa sa mga ito ay may hindi magandang reputasyon kaya nagdidiwang pa siya na umalis ang mga ito dahil mas nakikita niya bilang banta ang mga ito kaysa maging posibleng kakampi.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...