Chapter XLV: Gift from All of their Hard Work
“Nakakabagabag ang ganitong katahimikan... Gaano na ba katagal sila sa kanilang misyon? Walang nangyayaring kaguluhan sa ibang bahagi ng isla, pero hindi ko mapigilan na kabahan at mangamba dahil masyado na silang natatagalan at wala pa silang paramdam magmula nang umalis sila...” taimtim na ekspresyong sabi ni Neleos--ang dating pinuno ng Azure Wood Family. “Hindi ako mapanatag dahil wala tayong natatanggap na balita mula sa kanila,” dagdag niya pa.
Bumuntong-hininga ang nasa tabi niya--si Emery Doria--ang kasalukuyang pinuno ng Azure Wood Family. Pareho silang miyembro ng ikasiyam na dibisyon, subalit hindi sila mahusay sa larangan ng inscription at pangkaraniwan lang ang kanilang talento kaya hindi sila kasama sa dalawampung inscription master na nagsasagawa ng misyon.
Kasalukuyang nasa taas ng kastilyo ang dalawa. Tinatanaw nila ang kagubatan ilang kilometro ang layo sa kastilyo, at umaasa sila na makakasaksi sila ng senyales na maayos lang sina Finn.
Huminga ng malalim si Emery at marahan siyang nagwika, “Wala tayong magagawa kung hindi ang manalangin na sana ay ligtas at magtagumpay sila sa kanilang misyon, Grand Elder. Hindi tayo maaaring sumunod sa kanila dahil ayon sa ikalawang dibisyon, walang sinoman ang maaaring lumayo ng limang kilometro sa kastilyo--at ito ay utos mismo ni Pinunong Finn kaya sa ngayon, ang puwede lang nating gawin ay maghintay.”
Pilit na ngumiti si Neleos. Ibang-iba na siya sa dating Neleos na mababakasan ng sobrang katandaan. Marahil matanda pa rin ang kaniyang hitsura, subalit hindi na siya puno ng kulubot sa mukha ngayon at kung pakikiramdamang mabuti ang daloy ng enerhiya sa kaniyang katawan, mapapansing napakasigla niya at punong-puno siya ng buhay.
Hindi na siya ang problemadong pinuno ng Azure Wood Family, siya na ngayon si Neleos na may maayos at masayang buhay--at ang lahat ng iyon ay dahil kay Finn. Nagsimula ang lahat ng magandang pangyayari sa kaniyang buhay magmula nang bumalik sa kanila si Finn mula sa Sacred Dragon Institute. Marahil nakaranas siya ng ilang pagdadalamhati at problema, pero lahat ng iyon ay nakaraan na at sa kasalukuyan, hindi na muli siya namomroblema at wala na ang mabigat na pasan-pasan niya.
“Tama... Ang magagawa na lang natin ay ipanalangin ang kanilang kaligtasan at pagtatagumpay. Ginagawa nila ang misyong iyon para sa New Order--para sa atin. Gustong masigurado ni Pinunong Finn ang ating kaligtasan sa islang ito kaya kahit alam nilang mapanganib, itinuloy pa rin nila ang misyon,” pilit-ngiting lahad ni Neleos. “Iyon ay dahil inaalala niya ang ating kaligtasan. Hindi lang siya basta-basta pinuno, isa siyang lider na nangunguna at nakikibahagi sa mga pasanin natin.”
Tumango si Emery bilang pagsang-ayon. Maihahalintulad din sa iniisip ni Neleos ang iniisip niya patungkol kay Finn. Noon pa man, hinahangaan niya na ito ng sobra dahil ibinangon nito ang kanilang angkan mula sa pagkakalugmok. Halos magkasing-edad lang sila, subalit kumpara dito, walang-wala siya. Hindi siya kasing talentado nito dahil sa totoo lang, kung wala ang mga kayamanan na nagbigay sa kaniya ng potensyal, hindi siya makakaabot sa posisyong mayroon siya ngayon.
Naging pinuno lang siya ng Azure Wood Family dahil ayaw tanggapin nina Finn, Creed, at Sig ang posisyong ito. Siya na ang sunod na pinaka karapat-dapat at dahil malaking oportunidad ang pagiging pinuno ng Azure Wood Family, tinanggap niya ito ng buong puso.
“Tama na ang pagpapahinga. Oras na para bumalik tayo sa ating trabaho,” ani Neleos at pumihit na siya upang bumaba ng kastilyo para bumalik sa gawaan ng mga inscription master.
Ganoon man, hindi pa man siya nakakalimang hakbang ay natigilan na kaagad siya nang marinig niya ang pagtawag ni Emery.
“N-Nagbalik na sila, Grand Elder! Kasalukuyan na silang pabalik sa kastilyo!” Sabik na sabik na sambit ni Emery habang tinatanaw niya ang mga pigura na lumilipad sa ibabaw ng kagubatan.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...