Chapter XXVIII

5.1K 957 55
                                    

Chapter XXVIII: Take the Risk or Lose the Chance

Pinagmasdan ni Finn at ng kaniyang mga kasama ang paglayo ng air ship nina Aemir sa kastilyo ng New Order. Hindi na niya hinatid o pinahatid ang mga ito palabas ng kanilang teritoryo dahil sa tingin niya ay hindi na kailangan pa ang bagay na iyon. Malayo-layo pa ang magiging paglalakbay nina Aemir habang sila, kailangan pa nilang gawin ang kani-kanilang trabaho.

Ngayong sa tingin niya ay naisakatuparan niya na ang lahat ng dapat niyang isakatuparan, pinaplano niya nang ipatawag ang lahat ng miyembro ng New Order na may matataas na posisyon para sa isang pagpupulong.

Ganoon man...

“Hindi pa tapos sina Kapitan Creed sa pakikipagtransaksyon sa mga panauhin, pero inabisuhan ko na sila na pagkatapos nilang makausap ang lahat ng panauhin na kasalukuyang nasa ating teritoryo, ihihinto muna natin ang pakikipagtransaksyon at pagtanggap ng mga panauhin para masimulan na ang mahalagang pagpupulong,” biglang hayag ni Finn dahilan para mapabaling sa kaniya sina Auberon, Altair, at Yuros.

“Dahil hindi pa makasusunod agad ang mga kapitan at bise kapitan ng ikasiyam na dibisyon, napagdesisyunan ko na harapin muna ang iba pa nating panauhin na ang layunin ay maglingkod sa akin,” dagdag niya pa.

Napakunot ang noo ni Yuros at kaagad siyang nagtanong, “Kailangan mo ba ng tulong, Pinunong Finn?”

Umiling si Finn at bahagya siyang ngumiti. “Kaya ko na ang isang ito. Ako na ang bahalang humarap sa kanila. Ang mas mainam ninyong gawin ay abisuhan ang mga kapitan at bise kapitan ganoon din sina Eon, Meiyin, at Poll na magtungo na sa ating silid-pagpupulong sa kastilyo. Imbitahan n'yo rin sina Ursur, Fenris, at ang buong Dark Crow dahil may sasabihin ako sa pagpupulong na may kaugnayan sa kanila,” hayag niya.

Agad na naintindihan nina Yuros ang instruksyon ni Finn. Hindi na sila nagtagal sa taas ng kastilyo at matapos nilang magpaalam kina Finn at Auberon, umalis na rin sila agad para isakatuparan ang gustong mangyari ng kanilang pinuno.

Naiwan na lang doon sina Auberon at Finn. Hinarap ni Finn si Auberon at pagkatapos, marahan siyang nagwika, “Mauna ka na sa silid-pagpupulong, Auberon. Susunod ako roon pagkatapos kong makaharap ang mga panauhing naninirahan sa mundong ito.”

“Masusunod, batang panginoon,” tugon Auberon matapos niyang mag-isip sandali.

Hindi na siya nagtagal doon. Iniwan niya na si Finn sa taas ng kastilyo at umalis na siya para mag-isang magtungo sa silid-pagpupulong.

Nang makaalis na lahat ng kaniyang mga kasama, huminga ng malalim si Finn. Hindi kaagad siya umalis; bagkus, umupo siya sa sahig at may mga balumbon at libro siyang inilabas. Ang mga balumbon ay naglalaman ng talaan ng mga nilalang sa mundong ito na nagnanais maglingkod sa kaniya. Tungkol sa libro, ito ang libro na ibinigay sa kaniya ng Creation Palace tungkol sa mga indibidwal, pangkat, puwersa, at organisasyong naninirahan sa Land of Origins.

Hindi pa siya nagkakaroon ng pagkakataon na pag-aralan ang mga nakatala rito, at ngayong may mga nagnanais na maglingkod sa kaniya na naninirahan dito, kailangan niya munang malaman kung ano at sinu-sino ang mga ito.

Habang pinagmamasdan ang mga nakatala sa balumbon, hindi niya mapigilan na mapahinga ng malalim matapos siyang makakita ng mga hindi kapani-paniwalang impormasyon. Nakaramdam siya ng komplikasyon kaya agad niyang binuklat ang libro na galing sa Creation Palace upang mas maintindihan pa niya ang sitwasyon at upang makapag-isip na rin kung ano ang kaniyang magiging desisyon.

Makaraan ang ilang sandali, isinara niya na ang libro at itinago ito kasama ang mga balumbon. Mababakas pa rin ang pag-aalinlangan sa kaniyang ekspresyon. Pilit siyang huminahon, tumanaw siya sa malayo at sinabing, “Ito ba ay magandang bagay o..”

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon