Chapter LXVII

4.9K 968 67
                                    

Chapter LXVII: Gratefulness and Change of Plans

“Kung pinag-iingat n'yo ako, ibig sabihin ay buhay pa ang nilalang na iyon,” mahinang sabi ni Finn.

Muli siyang hinarap ni Voraan at makahulugang tumugon, “Kung buhay kami hanggang ngayon, mas malaki ang posibilidad na siya rin.”

“Mas makapangyarihan siya sa isang diyos at hindi ako naniniwalang maliit lang ang kaniyang life span kaya sigurado ako na buhay pa siya hanggang ngayon. Siya na ang pinakamakapangyarihang nilalang sa buong sanlibutan at walang kahit na sino ang may kakayahan na pumatay sa kaniya. At kung nasaan siya ngayon, walang makapagsasabi. Subalit, hindi malabong nariyan lang siya sa tabi-tabi at nagmamasid dahil ang kasalukuyang nangyayari sa mundong ito ay malaking kaganapan para sa lahat,” aniya pa.

Natahimik si Finn at muli siyang napaisip. Labis na papuri ang ibinibigay ni Voraan sa nilalang na iyon at nararamdaman niya na hindi galit ang mga ankur sa nilalang na iyon.

Dahil dito, hindi niya tuloy mapigilan na maitanong sa kaniyang sarili: ang nilalang ba na iyon ay masama o mabuti? Hindi pa malinaw sa kaniya ang tungkol sa bagay na ito dahil hindi direktang sinabi Voraan na ang nilalang na iyon ay masama. At kahit na nalaman niya na ang nilalang na iyon ang dahilan ng digmaan sa pagitan ng mga diyos, hindi niya kaagad iniisip na masama ito. Wala siyang balak na ito ay husgahan dahil kahit na ang nilalang na iyon ang naging ugat ng digmaan, hindi pa rin malinaw kung ginusto niya iyon o mayroon lamang nagtulak sa kaniya para mangyari ang lahat ng iyon.

Katulad nila; hindi nila hangad na makidigma sa iba, subalit ang mga kalaban ang kusang lumalapit sa kanila para manggulo. Ang ginagawa lang nila ay ang lumaban dahil natural lang na ito ang kanilang maging reaksyon kapag nasa panganib ang kanilang buhay.

Malaking kalokohan kung hahayaan lang nila na sila ay apihin. Hinding-hindi siya papayag na maghintay lang sila sa kanilang kamatayan kaya lumalaban siya sa tuwing may kumakalaban sa kanila. Kung hindi sila lalaban, mamamatay sila at hindi nila maisasakatuparan ang kanilang mga hangarin.

Ito ang rason kung bakit gusto nilang maging pinakamakapangyarihang puwersa sa divine realm, para magkaroon sila ng kontrol sa sitwayon lalo na kapag nagsimula nang kumilos ang mga diyablo. Kung hindi sila ang pinakamakapangyarihan sa oras na nariyan na muli ang mga diyablo, paano nila mapagkakaisa ang iba't ibang puwersa para labanan ang mga diyablo?

Isa pa, gusto ni Finn na siya ang mamuno hindi dahil gusto niya ang pagkilala. Gusto niyang mamuno dahil higit sa lahat, mas tiwala siya sa sarili niya.

Matapos ang sandaling panamahimik, bahagyang ngumiti si Finn at marahan siyang nagwika, “Maraming salamat sa pagtugon sa aking mga katanungan. Nais ko ring magpasalamat sa lahat ng Fruit of Life na ibinigay n'yo sa amin. Tatanawin ko itong malaking utang na loob at kung darating man ang pagkakataon na muli tayong magkita, sana ay makabawi ako sa inyo.”

Bahagyang umiling si Voraan at taimtim na ekspresyon siyang tumugon, “Kung ako ang tatanungin, hinihiling kong ito na ang una at huli nating pagkikita-kita. Katahimikan at kapayapaan ang hangad namin, at hindi kami pabor na magkaroon ng mga panauhin.”

“Naiintindihan ko. Nangangako ako na hindi na namin kayo gagambalain sa hinaharap at wala kaming sino mang pagsasabihan ng tungkol sa inyong teritoryo,” tangong tugon ni Finn. “Gano'n man...”

Huminto siya sa pagsasalita. Mayroon siyang inilabas na piraso ng papel at iniabot niya ito kay Voraan. “Ang bagay na ito ay tinatawag na Conveying Sound Inscription. Maaari n'yo itong gamitin kung sakaling gusto n'yong magparating ng mensahe sa akin. Gamitan n'yo lang ito ng enerhiya at sabihin n'yo lang ang gusto n'yong sabihin at siguradong iyon ay agad na makararating sa akin,” pagpapaliwanag niya.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon