Chapter XXXV: Act According to the Plan
Patuloy na naghintay sina Firuzeh, Ursur, ang Dark Crow, ang mga kapitan, at ang mga bise kapitan sa pagbabalik nina Finn at Migassa. Tapos na si Yopoper sa pagpapaliwanag kay Firuzeh kung ano ang mga napagtagumpayan ng New Order sa Land of Origins, at siyempre ikinatuwa ni Firuzeh ang kaniyang mga nalaman dahil napagtanto niyang napakaganda nga talaga ng takbo ng mga pangyayari para sa kanilang puwersa.
Maganda ang ginagawa ng New Order sa Land of Origins at halata niya sa kuwento ni Yopoper na pumapabor sa kanila ang mga pangyayari.
Tuwang-tuwa rin si Firuzeh dahil mas lalong nakikilala si Finn ng mundo. Masaya siya na hinahangaan ito lalo na sa larangan ng alchemy. Ganoon man, medyo nag-aalala siya dahil sa proseso ay nagkakaroon ito ng malalakas at maiimpluwensyang kalaban. Naiintindihan niyang hindi maiiwasan ang ganitong pangyayari, subalit hindi niya mapigilan na mag-alala lalo na nang malaman niyang isa sa mga gustong-gustong makapatay kay Finn ay ang tauhan ng kasalukuyang alchemy god.
‘Ang pagtataglay ni Finn Silva ng blue-green alchemy flame ay isang iregularidad. Sapat na rason na ito para puntiryahin siya ni Zyfrin. Pero... hindi na siya bata at marunong siyang mag-isip kaya alam niya na kung ano ang kaniyang gagawin. Ang kailangan ko na lang gawin ay magtiwala sa kaniya at tulungan siya sa ibang bagay kagaya ng pagtulong na ibinibigay niya sa akin,’ sa isip ni Firuzeh.
Nalunod sa malalim na pag-iisip si Firuzeh. Hindi niya lang inaalala ang pagkakaroon ng mga kalaban ni Finn at ng New Order, nag-aalala rin siya para sa mga bagong miyembro ng New Order. Sa pagsali ng mga bagong miyembro, naiintindihan niyang may kaakibat itong peligro para kay Finn dahil sa rami ng sikreto nitong itinatago. Hindi magtatagal ay lalabas at lalabas din ang tungkol sa mga sikreto nito, at kung mangyayari iyon sa Land of Origins tapos pagsisimulan ito ng malaking kaguluhan, alam niya sa sarili niyang wala siyang gaanong maitutulong dahil kahit lumabas siya sa Myriad World Mirror, malilimitahan lang din ang kaniyang kapangyarihan.
Magmimistulan lang din siyang 9th Level Heavenly Supreme Rank at sa totoo lang, pakiramdam niya ay mas kapaki-pakinabang pa kaysa sa kaniya ang mga soul puppet dahil hindi nalilimitahan ang kapangyarihan ng mga ito.
‘Bukod sa magiging pangkaraniwang adventurer lang ako sa labas, magdudulot lang ako ng mas malaking panganib kung makikilala ako ng mga adventurer mula sa divine realm. Baka mas lalo lang lumala ang lahat kapag lumabas ako para tumulong,’ buntong-hingang sambit niya sa kaniyang isip.
Samantala...
Habang malalim na nag-iisip si Firuzeh, si Ursur, ang Dark Crow, ang mga kapitan, at mga bise kapitan ay sunod-sunod na napalingon sa isang direksyon dahil may dalawang pigura na kasalukuyang papalapit sa kanila. Karamihan ay nasabik sa pagbabalik nina Finn at Migassa dahil ito na ang hudyat ng pagsisimula nila sa pagsasanay.
Ganoon man, ang kanilang pananabik ay mabilis na napalitan ng pagkalito. Bawat isa sa kanila ay itinuon ang atensyon kay Migassa na kasalukuyang naglalakad kasabay si Finn. Halata sa kanilang ekspresyon ang pagkagulat, at sa kasalukuyan, pare-pareho ang tanong nila sa kanilang isipan.
‘Ano'ng nangyari..? Bakit parang may nagbago kay Migassa?’ Tanong ng mga naroroon.
Kaagad na sinalubong ni Firuzeh ang dalawa. Gulat na gulat din ang kaniyang ekspresyon habang tinitingnan niya si Migassa mula ulo hanggang paa.
“Totoo ba ang nakikita ko..? Ang iyong katawan..” pabulong na sambit ni Firuzeh.
Malapad na ngumiti si Migassa kay Firuzeh at masiglang sinabing, “Malaya na ako sa sumpa! Ito na ang aking pisikal na katawan at makakapagsanay na ulit ako bilang adventurer!”
“Paanong...”
Hindi pa rin lubusang makapaniwala si Firuzeh dahil sa pagkakaalam niya, ang kondisyon ni Migassa ay sobrang komplikado sa puntong kahit siya na dating alchemy god ay hindi alam kung paano ito sosolusyunan. Sa madaling sabi, para sa kaniya ay wala ng lunas sa sumpang nakakabit kay Migassa kaya sobra siyang hindi makapaniwala na muli na itong nakabalik sa pisikal nitong katawan.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...