Chapter LV: The Tribe Leader and the Six Elders
Hindi na nasundan ang kaswal na pag-uusap nina Finn at Dionne. Nanahimik na lang silang pareho habang hinihintay ang pagbabalik ni Khais. Bukod sa tahimik na paghihintay, mahahalata rin sa mga mata ng dalawa ang malalim na pag-iisip. Hanggang ngayon ay nahihiwagaan pa rin si Finn sa kakaibang atensyon na ibinibigay ni Dionne kay Meiyin, at sa kaniyang nasaksihan magmula pa nang makaharap nila sina Dionne at Khais, sigurado siya na may kahulugan ang kakaibang pagtitig nito sa kaniyang nakababatang kapatid.
Tila ba interesado si Dionne kay Meiyin, ganoon man, hindi niya matukoy kung bakit. Gusto niya sanang itanong ang tungkol dito, pero isinantabi niya muna iyon dahil naalala niyang hindi sinagot ni Dionne ang kaniyang tanong kanina. Tinanong niya na ito kung bakit, pero hindi ito sumagot; bagkus, tinugunan siya nito ng isa pang tanong.
Sa madaling sabi, kahit itanong niya rito kung ano'ng dahilan, siguradong hindi rin ito sasagot nang direkta.
‘Kapag nagkaroon ng pagkakataon, aalamin ko ang dahilan. Hindi ako maaaring magkamali sa aking napansin, may ibig sabihin ang tingin na ibinibigay nila kay Meiyin. May kakaiba sa kanilang mga mata noong mga sandaling iyon kaya nakasisiguro ako na mayroon silang itinatago,’ sa isip ni Finn at sinulyapan niya si Meiyin na hanggang ngayon ay hindi pa rin komportable.
Dahil sa nararamdamang hindi pagkakomportable, lumapit si Meiyin kay Finn at pabulong siyang nagwika, “Kuya Finn... ano'ng problema niya? Hindi ako komportable sa paraan niya ng pagtitig sa akin.”
Binigyan ni Finn ng matamis na ngiti si Meiyin at malumanay siyang nagwika, “Huwag kang mag-alala. Hangga't naririto ako, hindi kita hahayaang mapahamak.”
Matapos masaksihan ang pangyayaring ito, bahagyang tumawa si Dionne at marahan siyang nagsalita, “Oh? Masyado ka bang naiilang sa aking tingin? Paumanhin kung gayon; mayroon lang akong napansin na pamilyar sa iyo kaya kita tinititigan.”
Bumakas ang naguguluhang ekspresyon sa mukha ni Meiyin habang nagsalubong ang kilay ni Finn. Nakita niya ang pagkakataon na ito para magtanong kaya hindi niya ito pinalampas at agad niyang itinanong kay Dionne ang kanina pa bumabagabag sa kaniya.
“Napansin na pamilyar? Ano iyon?” Tanong ni Finn kay Dionne.
Ngumiti si Dionne at bahagya niyang ibinuka ang kaniyang bibig para tumugon, “Hindi n'yo na kailangang malaman pa. Hindi naman ito ang sadya ninyo sa amin, hindi ba?”
Sa sinabing ito ni Dionne, natahimik na lang si Finn. Napabuntong-hininga siya dahil talaga ngang wala itong balak na ipaalam sa kaniya ang dahilan kung bakit kakaiba ang ibinibigay nilang tingin kay Meiyin.
“Kung ayaw mong sabihin, walang problema. Itutuon na lang namin ang aming atensyon sa talagang sadya namin sa inyo,” ani Finn at ginantihan niya ng makahulugang ngiti si Dionne.
“Mapilit kang tunay, pero bahala ka. Hindi naman ako ang masasaktan at aasa,” tugon ni Dionne.
Bahagyang ngiti na lang ang itinugon ni Finn sa sinabi ni Dionne. Ayaw niya nang makipagtalo dahil napagtanto niyang walang patutunguhan ang pakikiusap niya rito. Ang kailangan niyang makaharap at makausap ay ang pinuno ng mga ankur dahil kagaya ng sabi ni Dionne, ang pinuno at mga elder lang ang may awtoridad sa ganitong sitwasyon.
Nagtagal pa ang kanilang paghihintay hanggang sa lumitaw ang pigura ni Khais sa tabi ni Dionne. Napaayos ng tayo si Finn. Kaagad niyang sinuri ang ekspresyon sa mukha ni Khais at sa totoo lang, nakararamdam siya ng kaunting kaba dahil hindi niya matukoy kung ano ang naging tugon ng pinuno ng mga ankur.
“Ano'ng sabi ni pinuno?” Tanong ni Dionne habang ang kaniyang tingin ay nananatiling nakatuon kay Khais.
“Malaking pagkakamali ito simula pa lang. Gulo lang ang dulot nila kaya hindi natin dapat ginagawa ang lahat ng ito!” Mariing tugon ni Khais.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...