Chapter LVIII: Strong Desire to Help
“Hindi tama na ilagay natin sa kapahamakan ang buhay ng dalagitang iyon. Bakit hindi na lang natin sila tanggihan at itaboy? Kayang-kaya nating gawin iyon kaya bakit kailangan pa nating bigyan ang dalagita ng pagsubok na malabo niyang magawa? Wala siyang kapangyarihan na mayroon tayo, hihigupin lang ng sagradong puno ang kaniyang life force kapag nagkamali siya,” seryosong sabi ni Sylvie, ng isa sa anim na elder habang nakatingala siya sa Tree of Life.
“Sumasang-ayon ako kay Sylvie na hindi tama ang pagbibigay natin ng hamon sa dalagitang iyon. At sa totoo lang, habang tumatagal ay naiisip kong bakit hindi na lang natin pagbigyan ang hiling nila? Dinala sila ng tadhana sa atin kaya marahil ito talaga ang gustong mangyari ng tadhana,” dagdag ni Kax, isa rin sa anim na elder.
Sinulyapan ni Voraan sina Kax at Sylvie. Bahagya siyang umiling at marahang sinabing, “Sinubukan na nating tanggihan siya ng ilang beses, tama ba? Pero mapilit siya kaya binigyan natin siya ng pagkakataon, at siya ang pumili na tanggapin iyon. Gusto niyang gawin ang pagsubok natin, handa siyang harapin ang hamon para sa kaniyang kaibigan kaya hayaan na natin siya.”
“Tungkol sa sinabi mo, Kax... Hindi natin maaaring gawin iyan. Marahil tadhana nga talaga na mahanap nila tayo, pero hindi ibig sabihin noon ay ibibigay na natin ang gusto nila.”
Tumingala siya sa at pinagmasdan niyang muli ang Tree of Life. Naging maaliwalas ang kaniyang ekspresyon habang tinitingnan niya ang puno at makaraan ang ilang saglit, muli siyang nagsalita, “Alam na alam mo na ang bawat Fruit of Life ay mahalaga sa atin dahil ang mga sagradong prutas na iyan ang dahilan kaya tayo nananatiling buhay hanggang ngayon. Isang kabayanihan ang pagpapakabuti, subalit kung ang paggawa ng kabutihang ito ay magiging dahilan ng pagkawala ng isa sa atin, mas mabuti pang maging maramot tayo.”
“Lagi ninyong tatandaan na hindi tayo katulad ng iba na dumarami. Saksi kayo sa unti-unti nating pagkaubos at kung magpapatuloy ito, hindi kalaunan ay tuluyan na tayong mawawala sa mundong ito,” dagdag niya.
Nanahimik na't hindi na nagbigay ng komento sina Kax at Sylvie. Napabuntong-hininga na lang sila dahil kailangan nilang makaranas ng ganito kakomplikadong sitwasyon. Noon ay isa sila sa nasa tuktok dahil sa proteksyon at suportang ibinibigay sa kanila ng Life God, subalit matapos nitong mamatay, doon na rin nagsimula ang pagdating ng mga kamalasan at sumpa sa kanilang tribo.
May malaking nangyari sa kanila dahilan para gustuhin na lang nila na manahimik at mamuhay ng mapayapa. Hindi na sila nakipagkompetensiya o nakipag-interaksyon sa ibang naninirahan sa mundong ito dahil hindi na sila ang dating tribo na hinahangaan, pero sa kabilang banda--kinakatakutan.
“Narito na sila. Panatilihin n'yo ang inyong pananahimik upang wala silang masyadong malaman. Mag-usap kayo gamit ang inyong isip kung kinakailangan. Mas kaunti ang alam nila, mas mainam para sa atin,” seryosong sambit ni Voraan.
Tumango ang mga elder bilang tugon. Habang naghihintay sa pagdating nina Finn, isa sa mga elder ang nakapansin ng pagdami ng mga manonood. Napakunot ang kaniyang noo at marahan siyang nagtanong, “Ang ating mga katribo, hahayaan ba natin silang manood? Kung naririto sila, baka may masabi silang hindi dapat.”
Nanatiling nasa Tree of Life ang atensyon ni Voraan. Ipinikit niya pa ang kaniyang mga mata bago siya tumugon. “Hayaan natin silang manood. Paalalahanan n'yo na lang sila na hindi nila maaaring iparinig sa mga tagalabas ang kanilang mga sinasabi. Kapag may lumabag, agad na papatawan ng karampatang parusa.”
Matapos marinig ang utos, agad na nakipagkomunikasyon ang mga elder sa mga ankur na nanonood. Pinaalalahanan nila ang mga ito kagaya ng sinabi ni Voraan. Bukod pa roon, sinabihan din ng mga elder ang kanilang mga katribo na ipabatid sa mga darating pa ang utos ng kanilang pinuno.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...