Chapter X: Reappearance
Nagpatuloy ang piging at kasiyahan sa mansyon. Nagsidatingan na rin ang iba pang namumuno sa Warwolf Clan kabilang na sina Keanu, Accalia, Fenris, at ang iba pang mga elder na humarap sa mga lumahok sa nagdaang kompetisyon. Tapos na sila sa kani-kanilang responsibilidad at napag-alaman nina Finn na sa kasalukuyan, ang New Order na lang ang natitirang panauhin sa loob ng teritoryo ng Warwolf Clan.
Lahat ng tagalabas kabilang na ang mga panauhin mula sa Holy Light Realm, ganoon din ang mga panauhing naninirahan sa Land of Origins ay umalis na. May ilan na nais manatili sana upang makausap si Finn patungkol sa isang posibleng negosasyon, subalit wala silang nagawa kung hindi ang umalis dahil ayaw pumayag ng mga warwolf na sila ay manatili.
Sa madaling sabi, bukod sa New Order, itinaboy na ng mga warwolf ang kanilang mga panauhin.
Dahil dito, kagaya ng nangyari sa Creation Palace, may mangilan-ngilan ang naghihintay sa paglabas nina Finn sa labas ng teritoryo ng mga warwolf. Para sa iba na walang koneksyon sa New Order, hindi nila maaaring palampasin ang pagkakataong ito na makausap at makaharap si Finn para sa isang posibleng negosasyon.
Nalaman na nila mula sa Warwolf Clan ang nangyari sa Creation Palace. Napag-alaman nila na kayang bumuo ng New Order ng mga kayamanan na mapakikinabangan sa pakikipagsapalaran sa mundong ito kaya umaasa sila na makababahagi sila ng kayamanan kagaya ng Four Guardians Killing Formation o Conveying Sound Inscription.
Ang dalawang kayamanan na ito ang magbibigay sa kanila ng tsansa na mabuhay sa kanilang isinasagawang pakikipagsapalaran sa mundong ito. Magagamit nilang alas ang Four Guardians Killing Formation habang malaki ang maitutulong ng Conveying Sound Inscription sa kanilang komunikasyon.
Tungkol sa pangkat na nagmula sa Holy Light Realm, hindi nila pinoproblema ang tungkol sa bagay na ito dahil sigurado sila na tatagpuin sila ni Finn sa oras na lumabas na ito sa teritoryo ng Warwolf Clan.
Nananabik na si Whang na sumama kay Finn dahil binigyan sila nito ng kasiguraduhan patungkol sa mga kayamanan.
Samantala, sa loob ng mansyon...
Patuloy ang kasiyahan ng mga miyembro ng New Order at ng Warwolf Clan. Nadagdagan pa ang saya nang matanggap na ng mga lumahok sa kompetisyon ang kani-kanilang gantimpala. Halos lahat sa kanila ay pinili ang natural na kayamanan dahil hindi na nila kailangan ng mga pangunahing impormasyon. Mayroon na sila noon at iyon ay malayang ibinibigay sa kanila ni Finn.
Karamihan ay hindi na rin humiling ng mga sandata dahil maaari nila iyong makuha sa New Order basta may sapat silang kontribusyon.
Habang nagkakasiyahan, sina Finn at Keanu ay nagkakaroon ng kaswal na pag-uusap. Sila lang dalawa ang naroroon dahil si Eon ay hinila na ni Meiyin para makihalubilo sa mga warwolf kasama sina Poll, Altair, at Yuros. Tungkol kay Auberon, nagkusa itong umalis sa tabi ni Finn para bigyan ang kaniyang batang panginoon at ang pinuno ng mga warwolf ng pagkakataon na makapag-usap nang sila lang.
--
“Talaga bang hindi n'yo nais na manatili rito nang maikling panahon pa? Maaari nating ipagpatuloy ang piging hanggang sa kayo ay makontento o magsawa sa kasiyahan,” ani Keanu.
Bahagyang ngumiti si Finn at malumanay siyang tumugon, “Naghihintay na sa amin ang Order of the Holy Light sa labas ng inyong teritoryo. Pinaalalahanan ko sila na hintayin kami, at ayaw ko namang sayangin ang kanilang oras sa paghihintay.”
“Order of the Holy Light..? Kabilang sila sa mga panauhin na nakalabas na sa aming teritoryo. Mayroon ngang nakarating na ulat sa akin na may mga naghihintay sa inyo sa labas... Gusto mo bang papasukin ko sila para makasama n'yo sila rito?” Tanong ni Keanu.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...