Chapter XXXVII

5.2K 981 81
                                    

Chapter XXXVII: Destroying the Formation (Part 1)

Taimtim na pinagmamasdan at sinusuri ni Finn ang pundasyon ng Saint Barrier Formation na nakatatag sa isang bangin. Kaagad niya ring inihinto ang isinasagawa  niyang pagsuri at hindi niya napigilan na mapabuntong-hininga. Ito na ang ikapitong lugar na nakita ng mga miyembro ng New Order. Huli na ito, subalit halata sa ekspresyon niya na hindi pa rin nila natutukuyan ang kanilang hinahanap.

“Ito ang ikatlo sa siyam na Saint Barrier Formation. Ibig sabihin, wala sa nahanap ninyo ang una at ikasiyam na Saint Barrier Formation,” malumanay na hayag ni Finn matapos niyang balingan ng tingin sina Augustus at Belian.

Sumama ang ekspresyon ng dalawa. Wala sa pitong lugar na kanilang nakita ang unang Saint Barrier Formation. Ibig sabihin, kakailanganin pa nila itong hanapin. Inakala talaga nila na nasuyod na nila ang buong isla, pero may nakalusot sa kanilang dalawang lugar at hindi nila alam kung saan nila hahanapin ang dalawang iyon.

Komplikado ang nararamdaman nila. Hindi nila alam ang kanilang gagawin kaya noong wala na silang maisip, tumingin sila kay Finn at nagtanong, “Ano'ng gagawin natin, Panginoon..?”

Nanatiling tahimik sina Auberon, Eon, at Meiyin. Malalim na nag-iisip si Ceerae habang si Poll ay taimtim na pinagmamasdan ang bangin. Hindi niya makita kung ano ang nasa ilalim nito dahil sobrang dilim, ganoon man, nakararamdam siya ng madilim na aura mula rito. Napakahina noon, subalit nararamdaman niya na may pinagmumulan ng death energy sa kailaliman ng bangin.

“Bumalik na muna tayo sa taas para ipaalam sa kanila kung ano ang natuklasan natin dito,” ani Finn.

Hindi tumutol sina Belian at Augustus. Nagkasundo sila kaya agad silang lumipad paakyat upang magtungo sa kinaroroonan ng kanilang mga kasama.

Ipinaliwanag nina Augustus kung ano ang resulta ng pag-iinspeksyon ni Finn, at kagaya nilang dalawa ni Belian, nagtatanong din ang karamihan kay Finn kung ano ang kanilang gagawin.

“Dahil ang una at ang ikasiyam na Saint Barrier Formation ang wala, wala tayong pagpipilian kung hindi maghanap,” seryosong sabi ni Finn. “Sa pagkakataong ito, wala tayong papalampasin kahit maliit na detalye. Kailangan nating matagpuan kung nasaan ang dalawang selyadong lugar dahil sila ang susi para magtagumpay tayo sa misyong ito,” dagdag niya pa.

“Mas makabubuti kung maghihiwa-hiwalay tayo para mas mapabilis ang ating paghahanap sa dalawang lugar na ating hinahanap,” komento ni Auberon. “Pero, hindi tayo maaaring lumayo sa isa't isa para kapag natagpuan na natin kung ano ang hinahanap natin, agad tayong makakapagsama-sama,” dagdag niya pa.

“Sumasang-ayon ako kay Auberon. At dahil narito na rin naman tayo, iminumungkahi ko na magsimula tayo sa bahaging ito ng isla,” hayag ni Finn. Inilibot niya ang kaniyang paningin. Agad siyang napaisip habang pinagmamasdan niya ang labing-apat na dibisyon, at nang makabuo na siya ng desisyon, kaagad niya itong inihayag, “Dahil paghahanap pa lang sa mga selyadong lugar ang ating gagawin, siguro naman ay ayos lang kahit maghiwa-hiwalay tayo.”

“Ang una hanggang ikalabintatlong dibisyon ang magkakaniya-kaniya habang ang espesyal na dibisyon ay mahahati sa apat na pangkat. Tungkol sa aming anim, kami ang magsasama-sama sa grupo,” aniya pa.

Hindi nagkaroon ng pagtutol ang mga namumuno sa Division of Imperial Armies; bagkus, sumang-ayon sila sa pagkakaayos ni Finn sa pamamagitan ng pagtungo.

Dahil walang tumutol sa kaniyang desisyon, inihayag na rin ni Finn kung saang lugar magtutungo ang bawat pangkat. Nagtalaga siya ng mga pangkat na magtutungo sa hilaga, kanluran, silangan, at timog, at sinabihan niya na lang ang mga ito na sila na ang bahala kung saan sila pupuwesto para maghanap.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon