Chapter XLI: Treasures After Treasures
Naiintindihan niyang nakakulong sila sa Nine Saint Barrier Formation at imposible silang makalabas mula rito, ganoon man, labis ang kaniyang pagtataka kung bakit una pa lang ay hinayaan nila na makulong sila rito. Hindi sila mga halimaw, siguradong nakapag-iisip sila nang tama at alam nila na hindi sila makaaalis dito kung wala silang susi para mabuksan ang Saint Barrier Formation. Higit pa roon, kitang-kita ni Finn na walang senyales ng pagpupumiglas mula sa mga kalansay na kawal. Hindi man lamang nila sinubukan na umalis sa lugar na ito, bagkus, hanggang kamatayan ay nanatili silang nakahanay na tila ba naghihintay.
Huminga nang malalim si Finn. Tinitigan niya ang mga kalansay na kawal at pabulong na sinabing, “Maaari kayang tauhan sila ng Beast God..? Kung oo, talagang napakatapat nila para hayaan na mangyari sa kanila ito. Pumayag silang magpakulong at mamatay rito. Nagsilbi silang bantay sa templong ito para kung sakaling dumating ang inaabangan nila, nakahanda silang umatake nang pasurpresa.”
“Gano'n man, hindi dumating kung sinoman o anoman ang hinihintay nila hanggang kanilang kamatayan. Hindi nila sinubukan na lumabas... at isa lang ang iniisip kong dahilan--maaaring natatakot silang lumabas kaya hinayaan na lang nilang dito sa lugar na ito magwakas ang kanilang buhay,” dagdag niya pa.
Naging malaking palaisipan ito kay Finn. Mas lalo pa siyang nahiwagaan sa Land of Origins, lalong-lalo na sa nangyari dito matagal na panahon na ang nakararaan. Umiral ang kaniyang kuryusidad. Nahihiwagaan siya kung anu-ano ang nangyari sa digmaan sa pagitan ng mga diyos dahil katulad na lang nito, napakaraming kawal ang hinayaan na makulong sila rito hanggang kanilang kamatayan.
Ganoon man, walang patutunguhan ang kaniyang pag-iisip sa ngayon dahil kahit anong pag-iisip niya, hindi niya makukuha ang sagot sa kaniyang katanungan. Sa halip na magsayang siya ng oras sa pag-iisip, sinimulan niya na lang na libutin ang buong silid upang masuri niya nang malapitan ang mga kalansay na kawal.
Bukod pa roon, hindi pa siya sigurado kung ligtas ang silid na ito. Aalamin niya muna kung may patibong na nakatago rito bago niya ipatawag ang mga miyembro ng New Order.
Malaking problema kung sakaling may patibong o nakatagong mekanismo rito. Kung sakaling makumpleto sila rito at biglang sumara ang mga daanan paakyat, mahihirapan silang makalabas lalo na't ang mga materyales na ginamit sa paggawa sa silid na ito ay halatang napakatibay. Napagtanto iyon niya dahil sa hinaba-haba ng panahong lumipas, hindi man lamang nagkaroon ng lamat ang mga dingding, sahig, o kisame.
Sinimulan niya ang kaniyang pagsuri sa isa sa mga kawal na nakahanay. Habang sinusuri niya ang kabuoan nito, napansin niyang may mga singsing na nakasuot sa ilang daliri nito. Ikinabigla niya ang kaniyang nakita, pero mabilis na nagbago ang kaniyang ekspresyon at agad na bumakas sa kaniyang mukha ang labis na pananabik dahil sa kaniyang natuklasan.
Maingat niyang kinuha ang isa sa tatlong singsing ng kalansay na kawal. Sinuri niya ito at nang mapagtanto niyang nasa maayos pa itong kondisyon, kaagad niya itong minarkahan upang matingnan niya kung may lamang mga kayamanan ang singsing.
At hindi siya binigo ng kaniyang hinala dahil matapos niyang markahan at masuri ang singsing, natuklasan niya na sa loob niyo mayroong napakaraming kayamanan.
Hindi niya na maitago ang kaniyang pagkagalak. Sunod-sunod niyang maingat na kinuha ang iba pang interspatial ring at sinuri niya ang mga ito. Makaraan ang ilang saglit, napapikit na lang siya at bumakas ang napakalapad na ngiti sa kaniyang mga labi.
“Sa tinagal-tagal ng panahon, nanatiling nasa maayos na kondisyon ang mga interspatial ring... Pero, natural lang na maayos pa ito dahil ito na ang pinakamataas na kalidad ng interspatial ring ma maaaring magawa ng isang blacksmith. Ginamitan din ito ng inscription kaya mas lalo itong naging matibay,” pabulong na sambit ni Finn. Huminga siya ng malalim. Pinagmasdan niya ang tatlong singsing sa kaniyang palad at sinabing, “Tungkol sa mga kayamanang nakapaloob dito... ang mga interspatial item na na maaaring pag-imbakan lang ng mga walang buhay na bagay o nilalang ang pinaka angkop na imbalan dahil sa mabagal na takbo ng oras dito. Kahit abutin pa ng napakahabang panahon, hindi masisira ang nakaimbak dito.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]
FantasyArmado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakikipagsapalaran sa mundo ng pinagmulan. Dahil sa mga napagtagumpayan ni Finn, tatlo sa kilalang puwers...