Chapter LXV

5.2K 934 81
                                    

Chapter LXV: Another Remnant of a God and the Ancient Phoenix Shrine's Current Situation

‘Ang blue-green alchemy flame ay bahagi ng kapangyarihan ng Life God..?’ Ulit ni Finn sa kaniyang isip habang nakatulala siya kay Voraan.

Sa kasalukuyang nararanasan niya, mas lalo nang gumulo ang lahat dahil kailanman, hindi niya inaakalang matutuklasan niya ang misteryong bumabalot sa isang pambihirang bagay na tinataglay niya. Akala niya ay alam niya na ang lahat tungkol sa kaniyang blue-green alchemy flame, subalit matapos marinig ang sinabi ni Voraan, napagtanto niyang hindi niya pa talaga alam ang lahat ng impormasyon tungkol sa alchemy flame na taglay niya.

Hindi niya akalain na mayroon pa siyang malalaman na mas malalim dito, at hindi niya lubos akalain na ang blue-green alchemy flame ay bahagi ng kapangyarihan ng isang aktuwal na diyos.

Ibig sabihin, pag-aari niya ang isa pang retaso ng kapangyarihan ng isang diyos. At sa kabuoan, bukod sa alchemy flame na bahagi ng kapangyarihan ng Life God, taglay niya rin ang retaso ng kapangyarihan ng Elemental God ganoon din ang mga naiwang kayamanan at tauhan ng Beast God.

Tila ba ang lahat ng nararanasan niya ngayon sa tribong ito ay hindi makatotohanan. Samu't saring kaalaman na hindi kapani-paniwala ang kaniyang natutuklasan kagaya na lang ng pagiging konektado ng Azure Wood Family sa mga ankur tapos ngayon, pagkatuklas niya sa totoong pinagmulan ng kaniyang blue-green alchemy flame.

Animo'y isa itong magandang panaginip, pero malinaw sa kaniya na ang lahat ng ito ay totoo. Talaga ngang pagmamay-ari niya ang mga kapangyarihan at kayamanan na iniwan ng tatlong diyos. Mapaglaro talaga ang tadhana, ito ang nasa isip ni Finn.

Subalit, ang laro ng tadhana ay pumapabor sa kaniya. Sino ang mag-aakala na sila ay konektado sa Life God at mga ankur? Dahil sa koneksyong ito, ang lahat ng pakay nila rito ay naging madali. Hindi sila gaanong nahirapan at matapos malaman ng mga ankur na taglay ni Finn ang blue-green alchemy flame, kusang-loob nang ibinigay ng mga ito ang hinihiling niya nang walang hinihinging kapalit.

Samantala, dahil pansin ni Voraan na hindi pa rin nakakabawi ang pangkat ni Finn sa kaniyang rebelasyon, kinuha niya ang pagkakataong ito para maipaliwanag pa ng husto ang dapat malaman ni Finn.

“Nakikita kong hindi pa kayong lubusang naniniwala sa aking rebelasyon. Gayunpaman, hayaan n'yong ipaliwanag ko sa inyo ng maayos ang tungkol sa blue-green alchemy flame. Marahil ito ang gusto ng kapalaran at ito ang nais ng aming diyos kaya ipapaalam ko na sa iyo, Finn Doria, ang lahat ng nalalaman ko patungkol sa apoy na taglay mo,” sambit ni Voraan. “Pero bago iyon, tanggapin at itabi mo muna sa iyong imbakan ang kahon na naglalaman ng tatlong Fruit of Life. Sa iyo na ang mga Fruit of Life na iyan bilang aming paggawad sa iyong kahilingan,” dagdag niya.

Sa puntong iyon, isinara ni Fentian ang kahon at mas inilapit niya pa ito kay Finn. Nanatiling blangko ang kaniyang ekspresyon at marahan siyang nagwika, “Ikaw na ngayon ang nagmamay-ari sa mga kayamanang ito kaya labas na kami kung paano mo gagamitin ang mga ito. Gamitin mo man ang mga ito sa tama o sa dala ng kapusukan, wala na kaming pakialam doon.”

Tinanggap ni Finn ang kahon. Itinago niya ito sa kaniyang interspatial ring at sinabing, “Maraming salamat. Hindi ko sasayangin ang bawat piraso ng Fruit of Life. Sisiguruhin ko na ang bawat isa rito ay makabuluhan ang patutunguhan.”

Hindi sumagot si Fentian at bumalik na ito sa kanina nitong puwesto. Nangibabaw ang nakakailang na sitwasyon sa pagitan nila at mabuti na lang, binasag ni Voraan ang katahimikan.

“Kagaya nga ng sinabi ko kanina, ang apoy na tinataglay mo ay isa sa mga bagay na iniwan ng Life God sa mundong ito. Bahagi iyan ng kaniyang kapangyarihan at napagdesisyunan niyang likhain iyan dahil kagaya ng dahilan niya sa paglikha sa Tree of Life, gusto niyang magamit ang apoy na iyan sa pagtulong sa iba't ibang nilalang,” paglalahad ni Voraan. “Napakabuti ng aming diyos. Palagi niyang isinasaalang-alang ang buhay ng iba. Lagi siyang gumagawa ng paraan para mapabuti ang buhay ng iba't ibang nilalang, at patunay na roon ang apoy na iyan ganoon din ang Tree of Life na aming inaalagaan.”

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon