Chapter VII

4.3K 909 51
                                    

Chapter VII: The Rewards and the Gifts (Part 1)

“Pero, bago namin ibigay sa iyo ang iyong mga gantimpala, uunahin muna naming ibahagi kina Auberon, Eon, at Kiden Sylveria ang kani-kanilang makukuhang gantimpala. Umabot sila sa huling yugto ng kompetisyon kaya nararapat lang na mabigyan sila ng gantimpalang katumbas ng kanilang pinaghirapan,” ani Keanu. Inilahad niya ang kaniyang kamay at sinabing, “At dahil ikaw, Auberon ang unang nakakuha ng puwesto sa huling yugto, ikaw muna ang uunahin naming bigyan ng gantimpala.”

Naging sentro ng atensyon si Auberon at bumaling ang lahat sa kaniya matapos ang pahayag ni Keanu. Naging interesado ang bawat bahagi ng New Order kung ano ang gantimpalang inilaan ng Warwolf Clan sa kasalukuyan nilang nag-iisang heneral.

“Pinag-isipan naming mabuti kung ano ang nababagay sa iyo at kung ano ang iyong kailangan, at sa napagpulungan, nagkaroon ang buong pamunuan ng aming angkan ng pagkakasundo na ito ang gantimpala na aming ibibigay sa iyo,” dagdag ni Keanu.

Matapos niyang magsalita, inilabas niya kaagad ang tinutukoy niyang gantimpala para kay Auberon. Pinalutang niya sa sa ibabaw ng lamesa ang kayamanan upang makita ito ng lahat ng naroroon, at sa paglitaw ng kayamanan na ito, bawat isang naroroon ay namangha rito.

Kahit si Auberon na karaniwang may blangkong ekspresyon ay hindi napigilan na magpakita ng interes. Tinitigan niya ang bagay na lumulutang sa gitna ng mesa at ilang sandali pa, muling tumuon ang kaniyang atensyon kay Keanu dahil nagpatuloy ito sa pagsasalita.

“Ang nasa inyong harapan ay isa sa pinaka iingat-ingatang Unique Armament ng aming angkan--ang Lightbringer Longbow,” paglalahad ni Keanu. Sumeryoso pa lalo ang kaniyang ekspresyon at ipinagpatuloy niya ang kaniyang pagpapaliwanag, “Isa iyang sinaunang Unique Armament na magpahanggang ngayon ay hindi pa rin lubusang nakokontrol ng aming angkan dahil hindi iyan angkop na sandata para sa kagaya naming mga warwolf. Hindi namin alam kung sino ang lumikha sa Unique Armament na iyan dahil ang tanging nakasaad lang sa kasaysayan ng aming angkan ay ginamit na sandata iyan ng aming ninuno, subalit hindi niya kailanman nagawa iyang Life Armament kahit na hanggang kamatayan niya ay gamit niya iyan.”

“Isa iyang kayamanan na umiiral na noong buhay pa ang mga diyos. Napakatanda na niyan, gayunpaman, sigurado kami na gawa iyan sa mga pambihirang sinaunang materyales dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin iyan makikitaan ng lamat o senyales ng pagkasira. At ngayon, napagdesisyunan namin na iyan ang igantimpala sa iyo dahil bagay na bagay sa iyong kapangyarihan ang elementong tinataglay ng panang iyan. Umaasa kami na ikaw na ang makapagpapalabas sa totoong potensyal ng Lightbringer Longbow dahil isa kang makapangyarihang adventurer at ang tinataglay mong kapangyarihan ay elemento ng ginintuang liwanag.”

“Marahil kapag tinanggap mo ang kayamanang iyan, hindi magtatagal ay magiging Life Armament mo na 'yan. Ano'ng masasabi mo, Auberon?” dagdag niya habang mahahalata sa kaniyang tono ng pananalita ang papuri at paghanga kay Auberon.

Nasurpresa sina Finn sa kasaysayan ng Lightbringer Longbow na gustong igantimpala ng Warwolf Clan kay Auberon. Sa mga impormasyong binanggit pa lang ni Keanu ay sigurado na sila na ang Unique Armament na ito ay hindi pangkaraniwan. Isa itong sinaunang Unique Armament at malaki ang posibilidad na angat na angat ito kumpara sa mga Unique Armament na ginawa nina Ysir at Finn.

Samantala, hindi kaagad tumugon si Auberon sa mga pahayag ni Keanu. Binalingan niya muna ng tingin si Finn na para bang hinihingi niya ang opinyon nito.

Napansin ni Finn ang makahulugang tingin ni Auberon. Nagkibit-balikat siya at nakangiting sinabing, “Pinaplano ko sanang pagawan ka ng Unique Armament na pana sa ikalabing-isang dibisyon dahil ang gamit mong sandatang pana ay Supreme Armament lang, pero mukhang hindi na kailangan iyon dahil sa kayamanan na iyan.”

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon