Chapter LXVI

4.6K 931 107
                                    

Chapter LXVI: Mind-blowing

Samantala, nangibabaw ang katahimikan sa lugar na iyon matapos marinig ng mga nasa paligid ang tanong ni Finn. Ang tanong na ito ay medyo sensitibo--alam niya iyon, subalit mayroon siyang nais malaman. Dahil medyo sensitibo nga ang paksang ito, animo'y may tensyong bumalot sa kanila at tila ba bigla na lang nag-iba ang ihip ng hangin. Kapansin-pansin din ang pagbabago sa ekspresyon ni Voraan at ng anim na elder habang ang mga ankur sa paligid ay hindi mapigilan na magtinginan.

“Ni minsan ay hindi sumagi sa aming isip na lisanin ang lugar na ito. Ito ang aming tahanan at kagaya nang paulit-ulit naming sinasabi sa inyo, wala na kaming pakialam sa makamundong bagay dahil ang tanging gusto na lang namin ay tahimik at payapa na manatili rito habang binabantayan ang Tree of Life,” seryosong tugon ni Voraan. “Hindi ako naniniwalang hindi mo alam na malinaw ang aming intensyon na manatiling payapa at tahimik sa lugar na ito. Nakikita kita bilang matalino at may malawak na pag-iisip kaya sigurado ako na alam mong wala kaming balak na umalis dito.”

“Ganoon man, bukod sa mga diyablo, mayroon bang ibang rason kung bakit mo naitanong ang isang bagay na may malinaw namang kasagutan?” Dagdag niyang tanong.

Sa sandaling panahon na nakakuwentuhan niya si Finn tungkol sa mga bagay-bagay, napansin niya na ang pagkakaroon nito ng malawak ng pag-iisip. Hindi siya naniniwala na hindi nito nauunawaan na wala silang balak na umalis dahil una pa lang, mariin na nilang inihayag kay Finn ang kanilang intensyon na magkaroon ng tahimik at payapang pamumuhay sa lugar na ito.

Dahil dito, nahihiwagaan siya kung ano ang iniisip nito ngayon at kung bakit ito nagtanong ng ganoon.

Makaraan ang ilang saglit, bahagyang umiling si Finn at malumanay siyang nagwika, “Wala na. Nais ko lang malaman kung hindi sumasagi sa isip n'yo na ipagpatuloy ang hangarin ng Life God na puksain ang mga diyablo. Gusto ko sana kayong alukin na sumama sa akin para isakatuparan ang hangarin na ito. Masasabing may pagkakapareho ang hangad ko at hangad ng inyong diyos, hindi ba? Umaasa lang ako na may posibilidad dahil malaking tulong para sa amin ang inyong lakas at kapangyarihan para tuluyan nang mapuksa ang mga diyablo.”

“Sa ibang salita, ang intensyon mo ay sumumpa kami ng katapatan at maglingkod kami sa iyo para matulungan ka namin na puksain ang mga diyablo?” Agad na tanong ni Fentian. “Iyan ang hindi mangyayari kailan man. Tanging ang Life God lang ang aming paglilingkuran at kung sakaling umabot man kami sa aming hangganan, mananatiling ang aming katapatan ay sa aming diyos lamang,” hayag niya pa.

Sa mga sinabing ito ni Fentian, napabuntong-hininga na lang si Finn. Bahagya siyang umiling at sinabing, “Hindi ko hinihiling na maglingkod kayo sa akin. Ang tanging gusto ko lang ay tulungan n'yo kami na maisakatuparan ang pinakang hangarin namin na mapuksa ang mga diyablo. Wala akong balak na hilingin ang inyong katapatan sa akin dahil ang tanging hinihiling ko lang ay tulungan n'yo kami tungkol sa mga diyablo. Tungkol sa ibang bagay na labas ang mga diyablo, wala kayong obligasyon o responsibilidad na kumilos o tumulong sa akin o sa amin.”

Nanatiling walang pagbabago sa reaksyon ng mga ankur kahit na naipahayag niya na ang totoo niyang hangarin. Halatang hindi kumbinsido ang mga ito, at nakumpirma niya iyon sa mga sunod niyang narinig.

“Bukod sa panunumpa ng katapatan, wala ng ibang paraan para makaalis kami rito, Finn Doria. Wala kaming gustong sumpaan ng katapatan kung hindi ang Life God lang. Kailangan mo iyong irespeto dahil iyon ang dapat. At kahit na may paraan man, buo ang loob namin na hindi lisanin ang lugar na ito dahil kung aalis kami rito, walang mangangalaga sa Tree of Life,” singit ni Vivian. “Tungkol sa pagpuksa sa mga diyablo... labas na kami sa bagay na iyan. Hindi namin responsibilidad ang mga diyablo at hindi namin kailangan na problemahin sila dahil iba ang mundo namin at mundo n'yo. Hindi sila banta sa amin at hindi kalaunan, kapag natapos na ang pagsubok na ibibigay ng mundong ito sa inyong mga tagalabas, muli ng maghihiwalay ang ating mga landas.”

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon