Chapter XXIII

4.9K 899 79
                                    

Chapter XXIII: Attending Important Matters (Part 2)

Marahil hindi nakikita ni Finn bilang kalaban sina Rai at Ignacio dahil sa kaniyang pagkakakilala sa mga ito, ganoon man, hindi pa rin mawawala sa kaniya ang pagdududa o pag-aalinlangan. Siguro nga ay may magandang relasyon ang dalawa sa kaniyang totoong ina, subalit hindi niya sigurado kung ano ang mangyayari kapag natuklasan ng dalawa na wala nang kapangyarihan ang kaniyang ina bilang Water Celestial Queen dahil siya na ang kasalukuyang Water Celestial King.

Mas gugustuhin niya pa rin na mag-ingat kaysa magpakampante dahil nakasalalay sa usaping ito ang buhay ng kaniyang ina.

Wala siyang impormasyon kung ano ang kasalukuyan sitwasyon ng kaniyang ina sa divine realm, pero kung hanggang ngayon ay inaakala pa rin nina Rai at Ignacio na makapangyarihan pa rin ito, ibig sabihin ay hindi pa siya nanganganib at hindi pa siya ginugulo ng kaniyang mga kaaway.

Ito ang gustong panatilihin ni Finn hanggang maaari, at upang mapanatili ito, kailangan niyang isikreto ang kaniyang totoong pagkatao sa iba. Isa pang kailangan niyang gawin ay ang pagtatago sa kaniyang kapangyarihan. Handi niya maaaring gamitin ang kaniyang celestial power sa harap ng publiko at hangga't maaari, ang ibang kapangyarihan niya lang ang kaniyang gagamitin para hindi malaman ng iba na siya na ang kasalukuyang Water Celestial King at hindi ang kaniyang inang si Kailani.

Hindi na inusisa ni Finn ang tungkol kina Rai at Ignacio. Tinanong niya na lang si Creed kung mayroon pa siyang dapat na malaman tungkol sa mga kayamanan, at natuwa siya nang malaman niyang sa kasalukuyan ay napakarami na nilang kayamanan na maaari nilang mapakinabangan sa labanan man o sa pagbuo ng iba't ibang produkto ng iba't ibang propesyon.

Bukod pa roon, iniulat sa kaniya ni Creed na patuloy pa rin ang ikasiyam hanggang ikalabing-dalawang dibisyon sa pagbuo ng mga pambihirang kayamanan. Patuloy ang produksyon ng mga Conveying Sound Inscription, Numbing Inscription, Four Guardians Killing Formation, Multi-explosive Poisonous Pill, at Mirror of Power.

Napag-alaman niya rin na unti-unti nang nagkakaroon ang ikalabing-isang dibisyon ng pag-unlad sa pagbuo ng Unique Armament.

Isa itong napakagandang balita para sa kaniya. Marahil hindi magiging ganoon kadali, subalit kung nagkakaroon na ng pag-unlad ang mga ito, magandang senyales iyon para sa kanilang lahat dahil sa kasalukuyan, kailangang-kailangan ng New Order ang mga blacksmith na may kakayahang bumuo ng Unique Armament.

Marami pang karapat-dapat bukod sa mga kapitan at bise kapitan ang kailangang magantimpalaan ng Unique Armament. May mga materyales na sila sa pagbuo at ang kailangan na lang nila ay mga ekspertong bubuo. Siya pa lang at si Ysir ang may kakayahang bumuo ng Unique Armament, at dahil sobrang abala siya, wala na siyang gaanong panahon para magpanday.

Mabuti na lang dahil nakagawa na sila ni Ysir ng ilang Unique Armament na kailangan na lang malagyan ng soul gem. Ganoon man, may posibilidad na ang mga ginawa nilang Unique Armament ay hindi angkop sa mga karapat-dapat. Iba pa rin kapag gumawa sila ng Unique Armament na pinasadya talaga kagaya na lang ng mga kapitan at bise kapitan na unang nabigyan.

Matapos ang ilang sandaling diskusyon patungkol sa mga kayamanan, tinapos na ni Creed ang kaniyang pag-uulat dahil sa tingin niya ay nasabi niya na ang lahat ng kaniyang mga nasabi.

“Kailangan ko talagang bisitahin ang ating imbakan dahil marami rin akong dalang kayamanan mula sa Warwolf Clan. Idedeposito ko ang lahat ng iyon matapos ko lang talaga ang mga dapat kong unahin,” ani Finn. “Maraming salamat sa iyong sipag at pasensya, Kapitan Creed. Mabuti na lang talaga at nariyan ka at ang ikasiyam na dibisyon--kayong lahat. Mas pinapadali ninyo ang lahat para sa ating grupo. Narinig ko na mula sa iyo ang mga kailangan kong marinig. Ngayon, ipaubaya mo na lang sa akin ang tungkol sa mga panauhin na gustong bumahagi sa atin ng kayamanan--ako na ang bahalang umasikaso at makipag-usap sa kanila,” dagdag niya at bahagya siyang ngumiti.

Legend of Divine God [Vol 14: Remnants of the Gods]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon