The Man behind the Door

998 25 0
                                    


Hi spookify readers and admins. Share ko lang yung experience naming magtotropa. Isa ito sa mga nakakakilabot na experience namin. Hanggang ngayon habang tinatype ko to tumataas balahibo ko. Sana magkaroon kayo ng time para basahin to.

Lately lang tong nangyari. Wala ng paliguy-ligoy pa. Wala ng kung anu-anong intro. Tama ang nabasa ninyo. May lalaking nagpapakita sa likod ng pinto namin tuwing 2:37am. Ako ang unang nakakita sa kanya. Akala ko normal lang na nagpapakita siya pero may iba pala itong hangarin. Nakita ko siya nung minsang bumaba ako para kunin ang mga gamit ko para sa projects. Sabi nila may third eye ako kaya nakakakita ako ng ganito kaya medyo nasanay na ako. Pagbaba ko nung gabing iyon di ko naiwasang dumungaw doon sa pinto papunta sa kwarto kung saan namin inilalagay lahat ng gamit. Pagtingin ko doon ay may nakita akong isang lalaki na nakatalikod (paano ko nasabi dahil nakaturo siya sa may bintana which is opposite nung pinto) na nakaitim at may sombrerong parang sa magsasaka. Tuwing nakikita ko siya ay dahan-dahan akong humahakbang kasi sa lahat ng nakikita ko ay siya lang ang nakaitim. Ang nakakapagtaka lang tuwing 2:37am hanggang 2:39am lang kung makita ko siya. Pag lampas na ng 2:39am ay wala na siya sa kanyang pwesto. Nasanay na ako sa pangyayaring iyon at lagi ko nalang siyang nakikita tuwing bumababa ako ng ganung oras. Hinayaan ko nalang dahil di naman niya ako ginagambala.

Minsan napag-isipan naming magtotropa na mag-sleep over sa amin. Dahil sa maliit ang kwarto ko ay naglatag nalang kami sa may sala. Nagkwentuhan ng nakakatakot at kung anu-ano pa. Hanggang sa naikwento ko sa kanila yung nangyayari sa isang kwarto sa aming bahay. Pero pinagtawanan lang nila ito at sinabing nananakot lang daw ako. Pero binalaan ko sila that time na sana wag nilang papasukin yung kwarto sa oras na ibibigay ko. Mga 1:30am ng tumawag ang magulang ng isa sa tropa namin dahil nagkaroon ng emergency kaya kailangan ko siyang ihatid dahil wala ng dumadaang sasakyan nun sa amin. Bago ako umalis ay binalaan ko ulit sila.

Mga 3:15am na nang makabalik ako. Natagpuan ko nalang silang nakaupo sa isang sulok at takot na takot. Nilapitan ko sila at tinanong kung anong nangyari sabay sagot sa akin na "Di niya kami titigilan. Di niya kami titigilan." Tinanong ko kung anong nangyari kaso yun pa rin ang patuloy nilang sinasabi. Inisip ko na baka may ginawa sila sa kwarto na tinutukoy ko kaya tinawag ko kaagad ang albularyo sa barangay namin. Kinuwento ko ang lahat sa kanya at sumama siya sa akin. Pagdating namin ay nasa sulok pa rin sila. Ang ginawa ng albularyo ay nag-orasyon siya hanggang sa makatulog sila. Nang makatulog sila ay kinausap niya ako. Sinabi niya na may namamahay daw na masamang elemento sa bahay namin na takot masinagan ng araw. Ginambala daw ito ng mga tropa ko kaya bumabawi daw ito. Pinakita niya sa akin yung nabuo mula sa kandila. Parang isang lalaki at nagulat ako dahil nakasuot ito ng sumbrero. Ikinuwento ko sa albularyo yung nakikita ko tuwing gabi. Sinabihan niya akong nakadikit na daw yung elementong iyon sa pamamahay namin at mahirap daw na paalisin iyon kaya mas mabuti pa ay pabendisiyonan yung kwarto at pagsapit ng gabi ay wala ng papasok doon. Pagkatapos nun ay umalis na siya. Kinaumagahan nagising ang mga tropa ko. Takot na takot pa din pero nahimasmasan na. Tinanong ko sila kung anong nangyari. Ito ang kwento nila sa akin

"Pag alis mo napag-usapan namin yung kwento mo. Gusto naming malaman kung totoo ba ito kaya ginawa namin inantay namin yung oras. Mga 2:30am nung pumasok kami doon sa kwarto. Sa sobrang takot nga ni Mark nagdadasal pa siya habang nasa loob pero wala naman kaming nakita. Mga 2:36am ng biglang may narinig kaming kumatok. Akala namin ikaw iyon kaya pumunta kami ni Andrew sa may pintuan. Naiwan si Mark sa may pintuan nung kwarto. Pagtingin namin wala namang tao tapos bigla nalang nagsisigaw si Mark kaya pumunta kami agad. Pagtingin namin sa kanya nakaturo siya doon sa kwarto edi kami naman tumingin. Nakita namin isang lalaking ubod ng itim na may pulang mga mata habang nakaturo sa amin. Paulit-ulit naming naririnig yung sinasabi niyang "Di ko kayo titigilan" napatakbo nalang kami sa sala nun. Kahit na kami ay nagdadasal naririnig pa rin namin yung sinasabi niya. Parang ang tagal na naming nandoon tapos bigla kang dumating. Doon na natapos lahat."

Kinilabutan ako sa kinuwento nila. Di ko alam kung anong gagawin ko. Pagkatapos nun ay umuwi na sila. Pero mas kinabahan ako dahil sa kinikilos ni Mark. After ilang araw nagtaka kami kung bakit di na pumapasok si Mark hanggang sa narinig nalang namin na namatay na pala siya.

Hanggang diyan po muna. Marami pa pong nakakatakot na kwento tungkol sa lalaking kanilang nakita. Ilan pa po sa tropa ko ang may naramdamang kakaiba. Yung iba nga po ay nakaranas ng muntikan na pagkamatay. Ikukwento ko nalang po ito sa susunod. Sana po ma-post ito. Salamat.

Groot
Laguna

Scary Stories 4Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon