Limang taong gulang pa lang ang nanay ko noong nangyari ito sa kanilang pagbabakasyon sa bahay ng kanilang tiyuhin sa Sorsogon, ngunit habang ikinekwento niya samin 'to ay tila ba kahapon lang naganap ang lahat.Simulan na natin.....
Panahon ng tag-init ng bumisita ang buong pamilya ng aking ina na noo'y singko anyos lang, sa mga kaanak nila sa Sorsogon. Isang napakagandang lugar na tila ba isang birhen na wari'y wala pang sinuman ang nakakatapak sa paraisong iyon, isang makapigil hiningang tanawin na nanaisin mong mapuntahan bago ka pumanaw. Marahil na rin siguro noo'y dekada sisenta pa lamang kaya't wala pang masyadong tao na pwedeng umabuso sa lugar na iyon. Buong panahon ng tag-init ay talaga namang sinulit nila ang bakasyon sa kanilang probinsiya, ang luntiang kapatagan, ang mga puno, ang bahay kubong tinutuluyan, ang ilog kung saan ginagawa nilang palikuran sa tuwing dudumi at sa tuwing mahuhulog ang dumi sa ilog ay pinag-aagawan ng mga gurame upang kainin, tunay nga namang isang paraiso na nanaiisin ninuman na mapuntahan. Inari nilang kanila ang buong lugar bilang isang malaking playground, na kahit saang dako ng probinsiya ay pwede silang pumunta upang maglaro, liban sa isang lugar....
May bilin sa kanilang magkakapatid na pwedeng pumunta kahit saan huwag lang silang lalagpas sa hangganan kung nasaan naroon ang
ang isang malaking batong buhay o batong kulay puti na kung tatantiyahin mo ay aabot ng sampung talampakan ang laki na nakalagay sa gitna ng masukal na gubat, bilin sa kanila ay ito ang magsisilbing palatandaan na hindi nila pwedeng lampasan, bilin ng tiyuhin nila na siyang residente doon ay may isang pamilya na doon daw ay naninirahan, na mayroong baligtad na mga mata at lagi ding nangangaso tuwing dapithapon at hindi nakikisalamuha sa mga taga doon kaya naman pinangingilagan daw ang pamilyang ito na piniling doon mamuhay lagpas ng hangganan kung saan makikita ang malaking batong buhay. Isang hapon kasama ng aking nanay ang mga nakakatandang kapatid na lalaki habang nangunguha ng gagamba sa gubat ay may nakasalubong silang isang babaeng nasa edad kwarenta na may kaliitan, nakatali ang makapal na buhok, may kaitimang balat at sarat na ilong, tipikal na hitsura ng isang katutubo na makikita mo sa bundok ngunit may isang bagay na umagaw sa atensiyon nilang magkakapatid at naglagay ng pagkabahala sa kanilang murang isipan...
Ang ginang ay may kakaibang mata, wari mo'y nakangiti ang mga mata nito at nasa ilalim ang talukap ng mata, nakatitig lang ang ginang sa kanila ng matagal, animo'y tinatandaan ang bawat mukha nila. saad pa ng aking ina hindi niya kayang titigan ang mata ng ginang animo'y mata ito ng isang mabangis na hayop na nagkukubli sa katawan ng ginang, hanggang ngayon daw ay natatandaan niya pa din ang mga mata ng ginang na pakiramdam niya ay nakkiipagtitigan siya sa hindi tao. Pagkauwi nila ay naikwento nila sa tiyuhin nila ang nangyari, ngunit iisa lamang ang tanong nito sa kanila "Lumagpas ba kayo sa batong buhay?". Sabi naman nila na hindi at nakasalubong lang nila ito malapit sa ilog kung saan sila dumuduming magkakapatid, hindi na kumibo ang tiyuhin nila.Kinagabihan, habang natutulog na sila ay nagising ang aking ina sa ingay na narinig, ingay na nagmumula sa labas, ingay na nagmumula sa mga paang nakayapak na takbo ng takbo. Tantsiya niya ay madaling araw na at siya na lang ang nag-iisang gising sa loob ng madilim na bahay, habang katabi ang mga kaanak niyang nahihimbing at pihadong mga nanaginip na. Gumapang dahan-dahan ang aking ina patungo sa siwang ng dingding na yari sa pawid, upang matanaw ang pinanggagalingan ng mga yabag.
Nanlaki ang mga mata sa nakita niya...Ang ginang na nakasalubong sa gubat kanina ay siya ring tumatakbo sa paligid ng bahay, tumatakbo paikot sa labas ng buong kabahayan iniikutan ang bahay, paulit-ulit parang nauulol na aso, matagal na sandali niyang ginawa yun, walang hinto tila ba hindi napapagod. Patuloy na tumunghay ang aking ina sa siwang sa dingding at maririnig mula dito ang hingal na nagmumula sa ginang, parang hayop ang huning lumalabas sa bawat paghingal niya, at sa tuwing mahahapyawan niya ng tingin ang ginang mula sa siwang ay nakikita niyang wala na sa katinuan ang ginang...
Nagulat na lang siya nang biglang huminto ang mga yabag sa bandang likuran niya kung saan naroon ang pintuan ng bahay, tanaw niya ang anino ng ginang mula sa labas, sigurado siyang nakatayo ito sa tapat ng kanilang pintuan tila ba may inaabangan ang babaeng pagkakataon, tila ba gusto nitong pumasok ng bahay nila, dinig na dinig pa din ang paghingal niya mula sa labas. Hanggang sa isang kalabog ang narinig niya...
May nagbukas ng pinto at nalantad ang hitsura ng babaeng nakabestidang pantulog at may magulong buhok habang nakayapak, nagulat ang nanay ko nung malaman niya kung sino ang nagbukas ng pintuan...
Ang kanyang tiyuhin. Ang tiyuhin nila ang nagbukas ng pintuan na nakatayo din sa tapat ng pinto habang nakaharap sa babaeng nasa labas ng bahay at biglang tinarak ang tangan-tangang itak sa lupang sahig sabay wika ng...
"Manay, hindi po lumagpas ang mga pamangkin ko sa batong-buhay, kayo daw po ang nakasalubong nila malapit sa ilog, kayo po ang lumagpas, Manay."
PS. Sabi pa ng nanay ay isang buong pamilya sila na nakatira doon, paglagpas ng batong buhay.
PPS. Isang buong angkan sila na mayroong baligtad na mata, animo'y mga matang nakangiti na nasa ilalim ang mga talukap.
PPPS. Maraming salamat sa mga nag-aabang ng mga istorya ko, nababasa ko ang mga komento nyo, ayaw kong pagtuunan ng pansin ang mga walang kwentang komento.
PPPPS. Maraming salamat, sa susunod na lang ulit.- The Man from Manila
BINABASA MO ANG
Scary Stories 4
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree