Part 1Elementary pa lang ako nung unang nakakita ako ng mga elemento na hindi nakikita ng ibang tao. Nakatira kami sa isang compound sa loob ng isang subdivision sa lungsod ng Caloocan. Pagmamay-ari ito ng lola ko at ang mga magulang ko ang namamahala nito. Pinagigitnaan ng dalawang puno ng niyog ang aming gate. Sa loob ng compound ay may pitong bahay kabilang na ang aming tinutuluyan, may iba't ibang uri rin ng mga puno dito. Sa harap ng aming bahay ay may collection si mama ng iba't ibang uri ng mga halaman na napakabango lalo na tuwing umiihip ang hangin. Sa likod ng aming bahay ay may puno ng sampalok, bayabas, mangga at santol, sa gilid naman ay puno ng langka, kamias at avocado. Sa bandang gitna ng compound ay may puno ng kaymito at katapat nito ay ang napakalaking puno ng mangga.
Isang gabi, madilim ang compound kasi nag outing 'yong karamihan sa mga naninirahan doon. Inutusan ni mama si kuya na ibalik ang hiniram na kawa sa kapit-bahay sa dulong bahay. At dahil likas na matatakutin ang kuya ko, nagpasama s'ya sakin. Bandang gitna na kami nang biglang tumakbo si kuya para takutin ako. Syempre, tumakbo din ako. Pag balik namin, iniwan ulit ako ni kuya at nagtatatakbo na naman. Sumigaw ako ng "kuya!", Sabay iyak. Napatingala ako sa puno ng mangga dahil ang kapal ng usok parang may nagsisiga. Tapos nakakita ako ng malaking lalaki na sobrang itim at pula ang mga mata, nanggagaling pala sa kanyang sigarilyo ang makapal na usok. Kumaripas ako ng takbo at nagsumbong kila mama at papa na iniwan ako ni kuya at may nakita akong kapre. Biniro pa ako ni papa na dapat daw ay humingi ako ng mga numero para tayaan sa lotto. E 'di ba, sabi nila kapag humiling ka daw sa kapre, ikaw ang kapalit n'on? Loko 'tong papa ko. Hahaha.
Sabi ni lola dating sementeryo daw ang aming subdivision at ang compound naman namin ay dating tapunan ng mga taong sinasalvage, nire-rape at pinapatay. Kaya pala nakakapulot kami noon ng mga nitso na ginagawang karakrusan ng mga tambay sa amin.
Tanghali nung nakita ko si papa na pinuputol ang sanga ng puno ng mangga. Sabi n'ya may parating daw na bagyo kaya puputulin n'ya na at baka may madisgrasya pa. Kinagabihan ang taas ng lagnat ni papa. Pinainom ng gamot at pinunasan pero hindi nawawala ang taas ng lagnat n'ya. Dinala s'ya sa ospital pero niresetahan lang s'ya ng gamot at pinauwi na upang makapagpahinga. Magdamag na binantayan ni mama si papa. Kinabukasan, nanghihina na si papa. Pumunta sila sa albularyo. Pag-uwi nila, medyo maayos na ang lagay papa. Ang sabi sa tawas, may nakaupo daw na magkasintahan sa pinutol n'yang sanga at naputol din ang buhok ng babae kaya't nagalit daw ito. Kailangan daw humingi ng tawad ni papa at mag-alay ng pagkain sa puno. Ginawa ni papa 'yon at kinahapunan lang ay gumaling na s'ya pero yung alaga n'yang pabo ay bigla na lang namatay, wala naman itong sakit. Nakapagtataka.
Ilang araw pagkatapos n'on ay naglinis si mama ng bodega, inabot na s'ya ng tanghali kakalinis kaya't ako na lang naghanda ng pagkain namin. Nakapagluto na din naman si mama bago s'ya pumunta ng bodega. Tinawag ko s'ya para kumain pero parang ang tamlay n'ya. Inisip ko na baka napagod lang. Hindi pa s'ya natatapos kumain ng bigla s'yang himatayin. Paggising n'ya ang sakit daw ng katawan n'ya. Sabi n'ya tumawag daw kami ng albularyo baka daw may nasaktan s'yang di nakikita. Nagtaka ako kung bakit 'yon agad ang pumasok sa isip n'ya. Agad din namang dumating ang albularyo. Pagkatapos ng pagtatawas ay tama ang hinala ni mama. Babae ang nasagi n'ya habang naglilinis sa bodega. Nag-alay si mama ng pagkaing niluto n'ya at humingi ng tawad. Umuwi 'yong kuya ko na umiiyak at namamaga ang kanang kamay. Tinanong ni mama kung ano'ng nangyari, hindi n'ya daw alam. Saktong nasa bahay pa ang albularyo at tinawas n'ya si kuya. Tinanong nito kung may binato o hinampas ba si kuya. Sumagot naman ng opo si kuya. Sabi n'ya naglalaro daw sila sa garden n'ong nakita n'ya yung punso. May mga langgam daw kaya pinagbabato n'ya. Ang sabi sa tawas ay mga dwendeng itim daw ang natamaan ni kuya at mahihirapan daw s'yang humingi ng tawad dito. Pero sinubukan nilang maglagay ng pagkain at taimtim na humingi ng tawad. Lumipas ang gabi ngunit hindi nawala ang pamamaga ng kamay ni kuya. Sa loob ng isang linggo, tuwing umaga at gabi sila nag aalay at humihingi ng tawad sa punso. Hanggang sa unti-unti nang nawawala ang pamamaga.
BINABASA MO ANG
Scary Stories 4
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree