2015 umuwi ang tito ko galing Japan matapos ang contract nila kasama ang banda niya. Kasalukuyang nakatira nun ang tito ko kasama ang kinakasama niya sa bagong pagawa nilang bahay katabi lang ng mismong bahay namin. At dahil sanay sa inuman ang tito ko palaging nasa bahay nila ang mga kabanda niya kasama na yung Erica na kaibigan nila. Dahil may kasikipan ang bahay ng tito ko may mga araw na nakikitulog samin yung ibang babaeng kabandmates ng tito ko kasama na dun si Erica at nagkakakwentuhan sila ni mama ng mga experiences niya sa Japan.
Naikwento naman samin ni Ate Erica ang iba pa niyang experience sa Japan dahil sa halos 10 years daw siyang pabalik-balik nun halos sa Japan. Bago daw naging vocalist ng banda si Erica naging entertainer din daw siya noon sa Japan at naikwento niya din samin ni mama na may third eye nga daw siya.Si Ate Erica daw ay taga Leyte kaya nagkapalagayan sila ng loob ni Mama dahil si Mama naman ay tubong Catbalogan, Samar. Nung unang tuntong daw niya ng Japan halos takot na takot daw si Erica kasi wala daw talaga siyang alam na salitang hapon dahil nung araw sariling sikap daw talaga ang pag-aaral ng nihonggo. First timer daw sa Japan si Ate Erica at dala ng pakikisama siya ang isa sa nautusang maging taga laba ng damit ng mga kasamahan niyang entertainer na kapwa pinay, meron daw siyang isang kapwa pinay na naging sobrang close nun, ang pangalan daw ay Anne. Yung Anne daw na yun hindi niya alam na may inggit sa kanya dahil malakas siya sa customer nung araw, niregaluhan daw ni Anne si Ate Erica ng isang bracelet na may beads na kulay itim at sinabing galing iyon sa isang customer ni Anne, dahil naniwala si Ate Erica na mamahalin yung bato sa beads nung bracelet tinanggap niya ito. Ilang araw lang daw ang makalipas nagsimula na siyang magkasakit, namaos daw ng sobra ang boses niya na halos wala ng lumalabas na boses sa kanya. Halos ilang araw daw siyang di nakapasok sa trabaho dahil boses niya ang puhunan niya sa pagtatrabaho.
Makalipas ang ilang araw gumaling naman daw si Ate Erica at nakapasok na ulit sa trabaho. Dito naman nag-start na makaramdam siya ng kakaiba sa apartment na tinutuluyan nila. May Second Floor daw yung apartment nila at may rooftop sa taas kung saan pwede kang magsampay. Habang nagsasampay daw siya ng mga costume nilang magkakatrabaho, may bigla daw tumulak sa likod niya na muntik na siyang malaglag sa rooftop nila. Nagkukwento daw si Erica sa mga katrabaho niya tapos sinasabi lang daw nung mga kasamahan niya na "Hay naku! Natural lang yan, di kumpleto Japan experience mo pag walang ganyan" sabay tawa sa kanya. Ilang linggo ang makalipas, gabi-gabi naman daw nilalagnat si Erica tapos hindi niya daw maintindihan kung bakit parang sinisilaban sa init ang katawan niya, nagsimula na din daw siyang tubuan ng malalaking tigyawat sa likod na naging dahilan para di niya maisuot yung ibang costume nila. Nagrereklamo at napapagalitan na din daw siya ng manager ng club nila dahil dumadalas ang pag-absent niya. Tumawag daw si Erica sa nanay at tiyahin niya at ipinaalam na baka hindi ma-extend ang contract niya sa Japan dahil sa nangyayari sa kanya kaya nagdesisyon daw ang nanay at mga tiyahin niya na padalhan siya ng anting-anting na may dasal ng albularyo sa kanila dahil nga alam ng magulang niyang lapitin siya ng maligno. Matagal daw bago nakarating sa kanya yung anting-anting na parang pakwintas daw kaya nag-suffer na siya ng matindi to the point na isang gabi naiwan daw siya sa apartment nila dahil nga may sakit pa din siya. Maghahatinggabi na daw yun ng marinig niyang may naghahampas sa pader ng apartment nila, di daw siya makatulog kaya sinilip niya sa bintana, napatili daw siya ng makitang may babaeng nakalambitin sa kabilang bintana ng apartment nila at pinipilit buksan yung bintana. Sobrang putla daw nung babae nung tumingin sa kanya tapos bigla na lang daw gumapang sa pader papunta sa bintana kung saan siya nakasilip. Ang alam niya hinimatay daw siya sa sobrang takot tapos nagising na lang siya mag-uumaga na tapos sobrang sakit na naman ng lalamunan niya. Nagpasama siya sa isa niyang katrabaho dahil hindi na niya gusto yung nararamdaman niya sa lalamunan niya, Nung nagpa-check up daw siya sa doctor nakitang puro nana na ang lalamunan niya. Umiyak daw ng umiyak si Ate Erica na halos gusto na niyang umuwi sa Pinas. Tumawag daw ulit siya sa nanay niya at tinanong siya kung may nakaaway daw ba siya sa Japan o nakatampuhan pero wala siyang masagot kasi wala naman talaga siyang maalalang may nakasamaan siya ng loob. Lumipas pa ang ilang weeks bumagsak daw talaga ang katawan ni Erica na halos suka na lang siya ng suka tapos kung anu-ano pang nakikita niya. Nakiusap siya sa mga kasamahan niya na baka pwedeng tulungan siya na baka may kakilalang albularyo daw sa Japan kaso wala din daw alam mga katrabaho ni Erica, hanggang sa bigla na lang makaraan ang isang buwan nagpaalam daw si Anne sa kanila na lilipat ng ibang club na pagtatrabahuhan sa Nagoya, ilang araw after ng pag-alis ni Anne hindi na din daw makita ni Erica yung bracelet na ibinigay daw ni Anne sa kanya at himalang lumakas at gumaling na lang daw siya bigla.
Hindi na naghabol si Ate Erica dun sa Anne kahit may kutob na siyang ito ang dahilan kung bakit siya biglang nagkasakit. Ipinagdasal na lang daw niya na sana hindi sapitin ni Anne yung mga ginawa nito sa kanya.PS. Gumaling na't lahat si Erica di pa din nakakarating yung pinadalang anting-anting sa kanya hahaha.
PPS. Habang nagkukwentuhan si Mama at Ate Erica sinabi ni mama kay Ate Erica na yung mga nagpapakita sa kanyaay baka daw hindi yun gawa nung bracelet, ang mga evil spirits daw kasi alam nila kapag mahina ang katawan ng isang tao lalo pa't may third eye ka. Para kang isang open portal sa kanila kaya pipilitin nilang i-grab yung opportunity na pasukin ka sa oras na mahina ka para madali sa kanilang i-possess ka. Yun daw siguro ang dahilan kaya madaming nakikita si Ate Erica nung mga panahon na yun lalo pa't bukas din third eye niya. Ganito din kasi ang nangyari dun sa Lila na nakwento kong katrabaho ni mama na sinapian. May malaking family problem daw kasi yung Lila nung mga panahon na sinapian siya, sa mga ganung pagkakataon sinusubok talaga ang faith natin kay God. Ang katawan daw ng tao ay isang sagradong templo ng Diyos kaya kapag mahina ka at ang iyong pananampalataya marami daw talagang dark entities ang makikipag-agawan sa katawan mo.—PODI
BINABASA MO ANG
Scary Stories 4
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree