Hello, Spookify! Kamusta kayo? Ito ulit si Marga at may ikukwento ako sa inyo about sa barangay namin.Bata pa lang ako ay marami na akong naririnig na mga kwentong katatakutan dito sa barangay namin. Yung kapitbahay kasi namin, hangout place ng mga nagsusugal. Madalas akong magpunta dun para makipaglaro sa mga kaedad ko. Kapag nag-i-sleepover din kami sa Lola ko (na 10 bahay lang naman ang layo sa amin), lagi niya rin kaming kinukwentuhan lalo na kapag ayaw matulog ng mga pinsan ko. Ang akala ko noon, pawang mga urban legends lang yung mga kwento dito sa amin. Kumbaga, panakot lang sa mga bata.
Sabi nila, ang barangay daw namin ay dating isinumpa ng isang paring Kastila. Yun ang itinuturong dahilan kung bakit "dry" at may kahirapan ang buhay dito sa amin kumpara sa mga katabing barangay. Madalas ding masira ang mga pananim dito dahil sa mga peste. Isa sa mga pinakamalalang pesteng dumating dito ay noong dumagsa yung mga locusts. Kwento ng Daddy ko, iitim daw bigla yung langit kapag lumilipad yung mga locusts dahil sobrang dami. Tapos, maririnig mo rin daw yung sound nila kaya magtatakbuhan ang mga bata nun kapag padating na sila. Kapag dumapo sila sa mga pananim, tangkay na lang ang matitira pag-alis nila. Sabi ni Daddy, hindi lang naman ang barangay namin ang nakaranas nun pero di na siguro talaga maiaalis sa isip ng mga matatanda sa lugar namin yung paniniwala nila sa sumpa. Kung ano ang sumpang iyon at kung bakit ay wala namang makapagpaliwanag dahil matagal na iyon at nagpasalin-salin na rin sa iba't ibang henerasyon ang kwento.
Pagpasok mo sa barangay namin ay may madadaanan kang isang tulay. Maiksi lang siya at mababa pero hindi naman ganoon kababa kaya kahit tumaas yung sapa sa ilalim niya ay hindi ito inaapawan ng tubig. Makitid lang din ang tulay na ito so kapag dalawa yung tricycle na sabay dadaan, kelangan nilang mag-slow down para padaanin muna yung isa o kaya ay gumilid sila sa tulay para magkasya silang pareho. Sobrang dilim dito kapag gabi. May poste naman ng ilaw pero yung bombilya, hindi tumatagal ng tatlong araw dahil napupundi ito kaagad. Kaya madalas na walang ilaw doon. Wala namang masyadong nagrereklamo kasi wala rin talagang gaanong dumadaan doon kapag gabing-gabi na. Noong hindi pa nare-renovate yung tulay, every year ay may naaaksidente dito. Minsan mild lang, yung tipong biglang mapapatid yung kadena ng motor, sasabog yung gulong, o kaya ay gegewang yung sasakyan. May mga natutumba at nagagasgasan pero dahil mabagal lang yung takbo nila pag nasa tulay na, di ganoon kalala yung mga aksidente doon. Tapos, ang mga madalas na maaksidente dito ay yung mga dayo at yung taga ibang barangay na dumadaan dito sa amin. At wala ring pinipiling oras, may madaling araw, umaga, o kaya ay hapon. Yung mga taga dito sa amin, alam nila yung kwento ng tulay kaya bumubusina sila kapag dumadaan doon lalo na kung solo nila yung daan (meaning wala silang kasalubong o kasunod at sobrang tahimik yung part na yun ng daan).
Nung nangyari yung big accident sa tulay, dun na sila nag-decide na ipaayos ito. Pista nun sa kabilang barangay kaya madaming dumadaan na sasakyan sa amin. High school ako nun at pauwi na ako galing school. Huminto yung service kong tricycle kasi ang daming tao at mga motor na nakaharang sa tulay. So bumaba muna siya para makiusyoso. Pagbalik niya, sinabi niya sa akin na may naaksidente daw. Natakot naman ako kaya sabi ko iuwi na ako. Nung pagtapat namin sa mismong scene, nag-slow down kami para patabihin ng driver yung mga tao. Kitang-kita ko yung single na motor na nayupi dahil siguro sa sobrang lakas ng pagkakabangga sa barrier sa gilid ng tulay. (pasintabi po sa mga kumakain. it's better to skip this part.) Ang daming dugo sa semento, may mga chunks ng laman na nagkalat sa paligid nung mga nakahandusay na katawan. Tapos tinuturo pa nila dun sa mga tanod yung utak nung driver ng motor na nahulog daw sa sapa. I projectile vomited right then and there sa loob ng tricycle. Ilang araw din akong di nakakain ng maayos nun. Nakainom daw kasi yung driver tapos may dalawa pang angkas. Lalaki silang lahat. Dead on the spot. And it turned out, yung isa sa mga iyon ay taga samin. So after ng accident na yun, nagkaron ng bridge widening project at never ng may nadisgrasya ulit doon.
Yung sapa sa ilalim ng tulay, um-e-extend yun hanggang doon sa likod ng mga kabahayan and then liliko para kumonekta sa ilog papuntang kabayanan. Makitid lang din yung sapa pero pagdating sa bandang likuran ng elementary school, malawak yung part na yun. May mga tilapiang nakukuha doon pero kapag dumating yung time na natatakpan ng kangkong at water lilies yung surface ng buong sapa, hindi na ito pinangingisdaan ng mga tao dahil bumabaho ito at lumalalim kahit hindi naman tag-ulan. Kahit yung mga nakatira malapit sa sapa, ingat na ingat rin sila at never nangangahas na lumusong. Yun daw kasi yung panahon na may umaahong babae sa sapa.
Malalaman mo daw na umahon ito dahil sa kalagitnaan ng gabi, aalingasaw ang napakabahong amoy na parang nabubulok na laman. Wala pang nakakita sa kanya pero alam nilang babae ito dahil naririnig nila yung boses niya na parang kumakanta at umiiyak. Ang nakakatakot doon ay kapag umahon ang babae, sunod-sunod ang mga namamatay sa barangay namin. Pagkalibing ng isa, meron agad kasunod. Minsan nga daw, halos sabay-sabay pa yung mga namamatay. Mula sa sapa, mag-iikot daw siya sa barangay na may hila-hilang kadena. Kung hindi naman kadena, yung hagulgol niya ang maririnig, o kaya yung pagkanta niya. Maraming naniniwala na ang babae ding yun ang dahilan ng mga aksidente sa sapa. Yun daw yung "kumukuha" ng mga kaluluwa kaya maraming aksidente doon. Meron din namang hindi naniniwala at itinuturing isa lang yung babae sa mga urban legends dito sa amin.
Year 2012, last week ng February, galing ako sa isang seminar nun at pagdating ng bahay ay diretso tulog na. Naalimpungatan ako dahil nakaramdam ako ng gutom. Tahimik na sa paligid at patay na rin ang lahat ng ilaw sa loob ng bahay namin. Tinamad na akong tumayo kaya't nagpasya akong itulog na lang yung gutom ko. Eksaktong pagkapikit ko ay narinig ko ang isang pag-awit na galing sa malayo. Tumagilid ako ng higa patalikod sa may bintana. Malinaw kong naririnig ang pag-awit ng isang babae ngunit hindi ko maintindihan ang mga salita. Nagsimula na siguro ang Pabasa, naisip ko. Yung kumakanta kasi parang galing sa dako nung chapel na malapit sa elementary school. Then, naramdaman kong parang tumalon yung puso ko nang ma-realized kong napakaaga pa para sa Pabasa. Dun na ako nangilabot. Palakas ng palakas yung boses na parang papalapit yung kumakanta at hindi ako makagalaw. Ang unang naisip ko nun ay binabangungot ako pero nakamulat naman yung mga mata ko at naaaninag ko yung paligid kaya alam kong gising ako.
Sa pagkakataong iyon ay ramdam kong nasa tapat na ng bahay namin yung kumakanta. Parang matanda at malungkot yung tono ng boses niya. Sobrang tahimik sa paligid kaya kahit nasa labas siya ay nanunuot sa loob ng tenga ko yung kinakanta niya. Sinubukan kong magtulug-tulugan pero lalo lamang tumitindi ang kilabot ko. Nung pumikit ako, pakiramdam ko ay parang tinatawag niya ako. Dun na ako nag-panic. Ganito ba niya tinatawag ang mga kaluluwa ng mga namatay? Abot-abot ang panalangin ko sa mga oras na iyon. Naramdaman kong huminto yung kumakanta sa pagitan ng bahay namin at ng aming kapitbahay. This time, yung kanta parang naging iyak na. Parang nakakaawang pakinggan. May parte sa isipan ko na gustong sumilip sa bintana, na parang binibigyan ako ng pagkakataong malaman kung ano ba ang nasa likod ng lahat ng ito. Ngunit may parte naman ng isipan ko na pumipigil sa akin. Na para bang pagsisisihan ko kapag sumilip ako sa bintana. Yung pakiramdam na parang may humihila sa akin patayo pero di ako makagalaw sa place ko. Patuloy lang akong nagdasal. Umiiyak na sa sobrang takot. Hanggang sa nagsimula na muling kumilos papalayo yung babae. Tapos feel ko na nagtutubig yung ilong ko dahil sa pag-iyak kaya napasinghot ako at dun na nagsimulang uminit ang aking pakiramdam at nakagalaw na ako. Hinila ko ang kumot at nakatulog nang umiiyak.
Paggising ko ay mabilis akong lumabas para ikwento kina Mommy yung nangyari sa akin kagabi. Sabi ko binangungot yata ako. Pero hindi lang pala ako yung nakarinig dun sa babae. Pati yung isang sister ko. Then, nung dumating yung nagtitinda ng kutsinta, nabanggit niya sa amin na yung mga tao sa may unahan, pinagkukwentuhan daw yung mabahong amoy na umalingasaw mula sa sapa at yung maghu-jueteng na namatay. Within that day, dalawang patay yung pinanghingi nila ng donasyon at may apat pang sumunod the succeeding weeks. Dun sa mga lamay, kada umpukan ay isa lang yung topic nila. Yung pag-ahon ng babae sa sapa.
Hindi ako sure kung may kaugnayan ba yung sinasabing sumpa doon sa babae. Kung yung babae ba ang nagsisilbing "sundo" ng mga namamatay at naaaksidente dito sa amin. Moderno na rin ang buhay sa barangay namin ngayon kaya parang nakakalimutan na yung mga kwento tungkol diyan. Pero kapag napupuno ng kangkong at water lilies yung sapa namin, off-limits na ito sa kahit na sino. Sana lang ay wala na ulit umahon mula doon.
Thank you sa pag-post, Admin Chai! Thank you rin po sa lahat ng mga nagbasa!
Marga Vermilion, 2019
BINABASA MO ANG
Scary Stories 4
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree