Batangas - 1995

237 5 0
                                    


Nueve anyos lamang si Wena noong mangyari ito, siya nga pla ang asawa ng aking pinsan, tubong Cuenca Batangas si Wena at talaga namang masasabi mo na isa siyang tunay na batangeña dahil sa angking tapang, talaga namang kahit lalaki ay hindi uurungan at pihadong maglalabas ito ng balisong, ngunit wala mang katapat ang tapang na taglay ay mayroon din siyang karanasan sa buhay na nagpabahag ng kanyang buntot. Simulan na natin.....

Napadalaw ang kanilang buong mag- anak sa Batangas noong panahong iyon, mula sa Maynila, at dahil nga mga taga - siyudad ay sabik sa lasa at sabaw ng orihinal na loming gawa sa Batangas. Mag-a-alas siyete na ng gabi nang umuwi sila mula sa lomihan, lulan ng isang van ang buong mag-anak, sa daan nila pauwi ay may napansin ang kanyang tiyahin habang binabagtas ng sasakyan nila ang madilim na daan. Mayroon daw siyang napansin na tila nakalutang na itim na kumot sa daan at tila ba sumusunod ito sa kanila, sinubukan daw itong lingunin ng lahat ngunit siya lang ang nakakita, hanggang sa bigla na lang itong naglaho. Yamang hindi sigurado sa nakita at dahil na din sa madilim ang kalsada ay pinagpalagay niya na lang na baka siya ay namamalikmata lamang.
Kinagabihan ay nilagnat ang tiyahin niya na nakakita ng kumot na itim sa daan, halos abutin na ng kwarenta ang kanyang temperatura ayon sa termometro na mula sa kanyang kilikili.

Kinabukasan ay nagising si Wena na nag-uusap ang tiyuhin at ang kanyang lola tungkol sa nakita ng kanyang tiyahin bago lagnatin noong nagdaang gabi, ang mga sumunod na sinabi ng kanyang lola ay tila ba naglagay ng interes sa kanyang murang isipan "Baka may kumukursunadang aswang sa asawa mo, mahilig silang mangursunada ng mga dayo, may kaputian pa naman ang asawa mo." Wika pa ng lola niya ay "Minarkahan niya siguro ang asawa mo kagabi, baka dumalaw dito yan.." Nakaramdam ng takot si Wena sa pinag-uusapan ng mga nakakatanda, naisin mang magtanong at sumali sa usapan ay nanatiling tikom ang mga labi dahil hindi siya maaaring sumabat sa kanilang usapan. Kinagabihan noong araw ding iyon ay nagsimulang manakit daw ang tagiliran ng tiyahin niya, inaalagaan naman siya ng lola at ng iba pang mga kamag-anak na kasama sa malaking bahay. Abala sila sa pagpupunas ng basang bimpo sa mga braso ng tiyahin upang mapababa ang lagnat nito, tumagal nang ganoon ang sitwasyon sa salas ng kanilang bahay. Bandang alas nueve na ng gabi nang matapos ang pinapanood na teleserye sa telebisyon, nang mapansing wala ang mga pinsang lalaki na kanina lang ay kasa-kasama niyang nanood.
Hinanap niya sa bawat silid ng bahay ang mga pinsan ngunit wala. Wala din sila sa kusina, nagpatuloy siya sa paghahanap sa mga pinsan hanggang sa masumpungan ang mga ito sa kwarto ng kanilang lola na nasa ikalawang palapag. Nakapatay ang mga ilaw nang sumilip siya sa kwarto kung nasaan ang kanyang mga pinsan, at tila ba abala sa kung ano at nakasilip sa malaking bintana na yari sa kahoy at may disenyong
kwadra-kwadrado na tinakpan ng mga materyales na yari sa kabibe, na kung iisipin ay pihadong dekada singkwenta pa naitayo. Bahagyang nakabukas ang mga bintana sapat lang upang makita nila ang labas, at sapat lang din upang hindi sila makita mula sa labas. Hindi umiimik ang mga pinsang lalaki na nakasilip mula sa maliit na siwang mula sa bintanang nakabukas ng bahagya. Pinilit ni Wena na sumingit upang makita kung anuman ang sinisilip ng mga pinsan nila sa labas ng bintana, gumawa siya ng paraan upang makasilip din, ngunit ayaw siyang pasingitin ng mga ito, nagbukas na lang din siya ng ibang bintana at bahagya niya din itong binuksan kagaya ng ginagawa ng mga pinsang lalaki at unti-unti ay sumilip din mula sa siwang. Mula sa bintana ay matatanaw mo ang likod bahay na may malawak na lugar na puro puno, masukal at madilim, isang tanawin na hindi mo nanaising tignan sa dilim ng gabi. Napansin niya mula sa ibaba ng mga puno ang pilit tinatanaw ng kanyang mga pinsan, may nagsisiga at may isang magandang babae na mula sa kadiliman ay makikita mong siya ay may maputing kutis, napakunot ng noo at napataas ng kilay si Wena sa nakita, ano nga ba naman ang gagawin ng isang magandang dilag sa masukal na lugar sa kadiliman ng gabi at nagsisiga pa! Matagal na ganoon ang eksena at patuloy na pinapalakas ng dalaga ang apoy mula sa kanyang sinisigaan.

Ang mga sumunod na tagpo ay gumulat sa kanilang magpipinsan, lalong-lalo na sa mga pinsang lalaki, sapagkat unti-unti ay nag-alis ng saplot ang dalaga, ang damit panlabas at hanggang sa damit panloob at lumantad ang kabuuan ng isang magandang babaeng hubad, napakaganda ng kutis, balingkinitan ang katawan napakahabang itim na buhok, matangos na ilong, mala porselanang balat, matambok na puwetan at nakatayong mga suso.
Isang perpektong tanawin sa gitna ng madilim at masukal na kagubatan.

Ang mga ganitong tanawin ang tunay ngang inaasam ng mga kalalakihan, ngunit hindi ang mga susunod na tagpo. Ang babae ay nagsimulang sumayaw ng malumanay habang umiikot sa paligid ng apoy mula sa sinisigaang mga tuyong kahoy.
ang dalaga ay tila ba nagsimulang magluwa ng  may karamihang laway, ngunit tila ba hindi siya sigurado sa nakita dahil nga medyo may kalayuan ang kinalalagyan nila mula sa babae, pero iisang bagay ang sigurado at siya ding naging dahilan upang magsipagtakbuhan ang mga pinsang lalaki, nagsimulang umangat ang hubad na dalaga sa hangin habang patuloy pa din siya sa pagsayaw..
Tila ba napako si Wena sa kinalalagyan habang tahimik na nakasilip mula sa maliit na siwang sa bintana. Kinakabahan man dahil alam niyang hindi normal at labag na sa batas ng siyensiya ang ganoong tagpo, ay tila ba ayaw niyang umalis at nag-aabang sa mga susunod na tagpo hanggang sa isang kisap mata niya'y nawala ang babae at ang apoy, ngunit ang pinagsigaan na mga tuyong kahoy na mayroon pang bahagyang usok ay naiwan pa doon.

Ikatlong gabi na ng kanilang mga bisita sa kanilang malaking bahay, bumaba na din ang lagnat ng tiyahin, pinakiusapan si Wena ng kanyang lola na bantayan saglit ang kanyang tiyahin na may sakit , dahil mamamalengke lang sila saglit kasama ang tiyuhin para  maghanda ng hapunan. Medyo maginhawa naman na ang kanyang tiyahin ng mga oras na iyon, at nahimbing na ng tulog. Alas singko na ng hapon ngunit wala pa din ang kanyang lola at tiyuhin na namelengke, sa inip ay naidlip muna siya sa sofa sa labas ng kwarto kung saan naroon ang tiyahin na nagpapahinga, iniwan niyang bahagyang bukas ang pintuan upang kahit papaano ay matanaw at marinig niya ang tiyahin kung siya ay tatawagin nito. Madilim na nung siya ay mamulat mula sa pagkakaidlip napansin niyang iritable at biling pa din ng biling sa higaan ang tiyahin habang natutulog pa din, akmang tatayo na sana siya upang buksan ang ilaw at silipin sana ang tiyahin ng may umagaw sa kanyang atensiyon. Mula sa madilim na sulok ng kwartong kinalalagyan ng tiyahin ay may naaninag siya babaeng bahagyang nakatalikod. Tumindig ang balahibo ng rumehistro sa isip niya na walang saplot ang babaeng nasa loob na nagmamatyag sa kanyang tiyahin habang natutulog. Ito yung babaeng nakahubad na nakita niya sa labas habang nagsasayaw sa hangin, bahagyang gumalaw ang ulo ng babaeng nakahubad, alam ni Wena na napansin siya nito at gaya ng nauna ay bigla nalang itong naglaho.
Nung gabing iyon ay nagkwento ang tiyahin niya sa kanilang lola na, nanaginip daw siya na may isang babaeng pangit na nakahubad, malagong buhok at naglalaway ang nagbukas ng kanyang pinto at unti-unting lumalapit sa kanya. Nasambit na lang ng lola nila na "dinalaw ka niya habang wala kami."

PS. Naikwento ni Wena na madalas daw makita ang babaeng ito na lumilipad sa gabi habang nakaharap sa buwan.
PPS. Sabi pa niya, dapat daw ay maunahan mo ng tingin ang aswang para hindi gumana ang tagabulag niya sayo, kung hindi ay makakapasok sila ng malaya sa loob ng bahay mo.

- The Man from Manila

Scary Stories 4Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon