Signos

317 11 0
                                    


Hello, Spookify! Naniniwala ba kayo sa mga signos o senyales na mamamatay na ang isang tao?.

Ikinuwento ito sa akin ni Tita Shey. Pauwi sila nun ng kaibigan niya galing sa supermarket at nag-aabang sila ng jeep sa sidewalk. Sa bandang kaliwa nila, may isang manong na nakatayo. Maya-maya, biglang natumba yung manong at napahiga sa semento. Nagulat sina Tita Shey at nilapitan yung matanda. Akala nina Tita, nahilo si Manong or tumaas ang blood pressure. So chineck niya kaagad yung pulse, breathing, etc. Okay naman siya at walang gasgas. Nung tanungin nila kung ano nararamdaman niya, wala naman daw. Galit pa nga yung matanda at tinatanong kung nasaan yung sasakyang bumangga sa kanya. Nagtaka naman sina Tita kasi wala silang nakitang anumang sasakyan. Sabi ng mga nakiusyoso, baka daw napahiya lang si Manong kaya nagdahilan na lang siya. Pero pinipilit ni Manong na meron. Kulay itim daw na parang karo ng patay. May part kay Tita Shey na parang gustong maniwala sa matanda kasi, hinahaplos ni Manong yung right side ng balakang niya wherein yung left side ang tumama sa semento. Sabi ni Manong, yung part daw na yun yung masakit kasi dun tumama yung hood ng sasakyan. After a few days, dun pa lang niya naikwento sa amin yung nangyari. Galing kasi sila sa lamay nung tatay ng workmate niya. And yes, tama po ang iniisip ninyo. Si Manong na tinulungan nina Tita ay yung namatay na pinuntahan nila. Sabi daw ng workmate niya, cardiac arrest ang ikinamatay ni Manong.

Ito naman ay nangyari sa kapitbahay namin. After lunch nun at nagbi-Bingo kami sa side ng bahay nina Ate Edith. Lumapit yung asawa niya na si Kuya Ed saka hinalikan si Ate Edith sa noo. Kinantyawan namin sila tapos tumatawang binuhat ni Kuya Ed yung anak nila saka pinaghahalikan din sa tiyan. After that, nagpaalam na si Kuya para mamasada. Nung nakalabas na sa gate nila si Kuya, biglang nagsisigaw si Ate Edith at tinatawag si Kuya Ed. Hininto naman ni Kuya yung tricycle niya sa gilid ng daan saka lumingon sa amin. Natulala si Ate Edith ng ilang segundo. Nung tanungin namin kung napano siya, sabi niya nakita daw niya yung trike ni Kuya na biglang natumba kaya siya sumigaw. Pero nakita niya ulit na maayos naman ang asawa niya kaya natigilan siya bigla. Bumalik si Kuya Ed saka inalo si Ate. Ayaw ng paalisin nun si Kuya Ed kaso nung bandang hapon na, kailangan nyang sunduin yung mga service niyang estudyante. Pinahubad yung lahat ng mga suot ni Kuya saka sinunog ni Ate Edith ang mga iyon bago siya bumyahe. Pauwi na si Kuya nun sakay yung mga service niya, may isang naka-backride saka tatlo sa loob ng trike, nang mabangga sila ng isang delivery truck. Tumilapon yung naka-backride sa sobrang lakas ng impact. Buti na lang, nag-landing yung bata dun sa side ng kalsada na may makapal na talahib kaya ang natamo niyang damages ay mga scratches lang mula sa mga talahib saka na-fractured yung isa niyang binti. Yung iba naman, nabukulan lang, nagasgasan, ganun, pero walang major casualties. Si Kuya Ed, nabali yung kanang braso niya. Dinala sila lahat sa ospital pero sina Kuya lang at yung nabalian ng paa ang in-admit para maobserbahan pa. Nakausap pa ng mga pulis nun si Kuya para kunan ng statement. Kinabukasan, namatay si Kuya Ed dahil sa internal bleeding at may namuong dugo sa utak niya.

Sunod ko namang ikukwento ay tungkol kay Tito Fer na kumpare ni Daddy. Nung buhay pa si Dad, every afternoon ay pumupunta sa amin yung mga kumpare niya tapos nagkukwentuhan sila. That particular afternoon, dumating si Tito Fer pero agad din siyang nagpaalam kasi kailangan daw niyang kunin yung mga kalabaw nila sa bukid. I don't know kung familiar kayo, pero dito kasi sa amin, dinadala ng mga magsasaka yung mga kalabaw, baka, at mga kambing nila sa bukid tuwing madaling araw. Dun nila ginagatasan ang mga ito, pinapaliguan, at pinapastol. Tapos nakatali ng lubid yung mga sungay nila at yung other end ng lubid ay may tulos na ipinapako naman sa lupa para di makagala ng malayo yung mga hayop. Pag hapon na, iuuwi na yung mga alaga nila sa kanilang mga bahay. So, ayun nga, nagpaalam na si Tito Fer pero bago siya umalis, niyakap niya isa-isa yung mga kumpare niya, especially si Dad. Saktong palabas ako nun na may dalang kape at tinanong ko si Tito kung bakit aalis na siya. Hinawakan niya lang ako sa ulo tapos sabi niya, "Etong batang ito, mana sa akin na matalino." Tuwang-tuwa naman ako nun kasi napuri ako. Sa lahat ng mga kumpare ni Dad, favorite ko si Tito Fer dahil lagi siyang nakikipaglaro sakin ng dama (yung game na parang chess pero simpler version). Maya-maya tinawag ako ulit ni Dad para maglabas ng asukal. Nung inaabot ko yung asukal, nabitawan ko yung garapon kaya sinubukan kong saluhin gamit yung katawan ko na siya namang dahilan para matabig ko yung tasa ng kape na para sana kay Tito Fer. Lupa yung binagsakan ng tasa pero nagkapira-piraso ito. Pinapasok ako nun ni Dad at siya na yung naglinis. Medyo naging uneasy daw yung feeling nila nun kasi naalala nila bigla si Tito Fer. So, si Tito Rudy, yung isa pang kumpare ni Dad, inutusan niya yung manugang niya para i-check si Tito Fer sa bukid at tulungan sa mga kalabaw. Magtatakip-silim na nun nang humahangos na dumating yung manugang ni Tito Rudy at ibinalita na dinala sa ospital si Tito Fer. Dali-dali namang pumunta dun sina Dad. Namatay rin kinagabihan si Tito sa ospital. Ang nangyari pala, pagdating dun ng manugang ni Tito Rudy, wala si Tito Fer pero nandun pa yung ibang mga kalabaw. Hinanap siya hanggang dun sa kabilang part ng sapa pero di niya nakita. Nung pauwi na sana siya, naisipan daw niyang subukang tumingin dun sa may tubuhan. At kahit malayo pa siya, natanaw na niya yung katawan ni Tito Fer na nakahandusay sa lupa. Yung isang paa niya, nakapulupot doon sa part ng lubid na may tulos. Puro dugo raw si Tito nun kasi nakaladkad siya ng kalabaw niya. Yung mga tubo nun, kakatanim pa lang nila kaya medyo mababa pa. Matulis din yung top part ng mga tubo dahil pa-slant yung pagkakaputol nila. Wakwak yung likuran ni Tito at halos litaw na yung mga buto. Yung binti niya, nangingitim na rin sa sobrang higpit ng nakapulupot na lubid dala na rin siguro nung force nung pagkakahila nung kalabaw sa kanya. Hindi sila sure kung aksidente talaga o may foul play na nangyari. Nakakapagtaka daw kasi kung bakit kinaladkad siya nung kalabaw eh ilang taon na niyang pagmamay-ari iyon. Kasi di ba, kakilala ng mga hayop yung amo nila? Saka sanay na sanay na si Tito sa mga ganung gawain. Sobrang layo ng distansya kung saan nakita si Tito mula dun sa spot kung saan nakatali yung mga kalabaw kaya kapag naaalala ko yun, di ko ma-imagine kung gaano kasakit yung naranasan ni Tito that time. Nagsisisi nga yung anak niya na kung sinamahan niya lang daw si Tito sa bukid, hindi sana siya mamamatay. Kaso, huli na ang lahat.

Kinuwento naman ito sa akin ng kapatid ko. Yung tatay ng classmate niyang si Gigi, namatay sa Abu Dhabi (yata, not so sure pero sa Middle East siya). Before pa yun, ka-video call siya nina Gigi sa Skype, pero napansin daw ng nanay na parang blurred yung image sa part ng face nung tatay. Hanggang sa parang nag-appear na wala siyang ulo, at glitch lang yung sa pwesto dapat ng ulo niya. Sinabi nila iyon sa tatay niya pero ni-reason out nila na dahil lang iyon sa signal. The next week, namatay yung tatay ni Gigi due to electric shock habang may nire-repair na makina.

Last na po ito. Kwento naman ito ng workmate kong si Azi. Nasa CR kami nun at nagsisipilyo sa sink. Nung yumuko si Azi para magmumog, parang nakita kong naiwan yung nakatayo niyang reflection sa salamin. Napakurap ako nun at inakalang namamalik-mata lang ako kasi pagtingin ko ulit, nakasunod na kay Azi yung reflection niya. Ang naisip ko, baka dala lang iyon ng puyat kaya may mga nai-imagine akong mga bagay. After naming magsipilyo, umihi muna kami. Paglabas ko sa cubicle, nakita ko si Azi na palabas na sa pintuan kaya tinawag ko siya. At that same time, nag-flush yung toilet sa katabi kong cubicle at lumabas dun si Azi. "Oh, bakit?" tanong niya sa akin. Sinabi ko sa kanya yung mga nakita ko pero tumawa lang siya. Naulit pa yun the next few days. Nasa locker room kami nun ni Azi nang biglang pumasok si Deth. Nung nakita niya ako, tinanong niya kung may problema daw ba si Azi, hindi raw kasi namamansin. Nasa likuran ko si Azi at nagkakalkal sa bag niya. Nilingon ko siya at sabay namang nag-angat siya ng tingin kaya napansin siya ni Deth. "Hala, nandyan ka pala. Eh sino yung nakasalubong ko dun sa labas?" tanong samin ni Deth. Kinausap ko nun si Azi dahil hindi na maganda yung pakiramdam ko sa mga nakikita namin. Ang tigas ng ulo niya, di daw siya naniniwala sa mga ganyan. Pero bandang huli pumayag rin siya na mag-pray kaming dalawa. Yung last na naka-encounter ng signos na yan kay Azi ay ang boyfriend niyang si Mark. Pabalik na ko nun sa workstation ko galing sa CR, nung makasalubong ko si Mark na may dalang bandage saka Betadine. Then, nakisuyo siya sa akin na ibigay ko kay Azi yung mga dala niya kasi pinapatawag daw siya ng supervisor namin. Nagtaka naman ako kaya tinanong ko siya kung para saan yun. Sabi ni Mark, may sugat daw kasi si Azi sa ulo. Tinanong daw niya kung napano yun kaso di kumikibo si Azi at ayaw sumama sa clinic kaya kumuha na lang siya ng mga gamit. Sinabi ko kay Mark na imposible yun kasi wala naman ni katiting na galos si Azi. Nung pinuntahan namin si Azi, gulat na gulat si Mark kasi kanina daw meron talagang dugo yung ulo niya. Nagalit naman si Azi nun kasi akala niya ay pina-prank siya ng boyfriend niya. Kinabukasan, hindi na nakapasok si Azi sa work dahil nasagasaan siya ng bus habang tumatawid sa kalsada.

May mga naniniwala sa mga signs na nagpapahiwatig ng pagkamatay ng isang tao, may mga skeptical din naman. Maaaring coincidences lang ang mga ganitong pangyayari kasi syempre wala namang nakakaalam kung hanggang saan lang ang buhay ng isang tao. Yung iba rin siguro, kaya nire-reject nila yung thought na baka mapahamak o mamamatay na sila is because of the fear of death itself. Sino ba naman kasi yung gustong mawala na kung may pamilya ka, trabaho, o mga kaibigan na hindi mo pa handang iwanan, di ba? Pero minsan talaga mapapaisip ka eh kung bakit may nakikita at nararamdaman kang mga bagay na kakaiba. Yun bang "Kaya pala hinalikan niya ako kanina, nagpapaalam na pala siya," or "Nakita ko kasi siyang ganito, ganyan, sign na pala yun na mawawala na siya," mga ganyang thoughts. Saan o kanino po kaya galing yung mga ganyang signos?

Sabi nga nila, "Life is too short." Di natin alam kung hanggang saan at hanggang kailan tayo dito sa mundo kaya habang nandito pa tayo, let's make our lives meaningful and worthwhile. Spend time with our families and loved ones. Try new things and be happy. We'll never know kasi na baka bukas makalawa, hindi na natin magagawa ang mga ito.

P.S. Sobrang thank you po sa mga comments ninyo sa My Tito's Wedding. Di ko man po kayo ma-reply-an isa-isa, pero do know that I appreciate each and every blessing you give sa family ko. Salamat po sa pagbabasa. Salamat, Admin Chai, sa pag-post ng mga stories ko. God bless!

Marga Vermilion, 2019

Scary Stories 4Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon