Napakalaki ng parte ng college life ko sa aking buhay Paranormal. Ito kasi ang part ng buhay ko kung saan ako natutong mag-aral ukol sa paranormal at dito din ako naging aktibo sa mga gawain na may kinalaman dito. Dito nga nabuksan ang aking "Sixth Sense" o ESP (Extra-Sensory Perception) at una kong maranasan makakita ng multo. Naging isa ako sa tanungan ng mga misteryo at katatakutan hindi lang ng aking mga kaklase, katrabaho at mga kamag-anak, kundi maging ng mga kapwa ko miyembro ng forum at mga friends sa facebook. Naging tanyag ako sa pangalang Blackhat at may sariling account pa nga sa facebook (dahil lang talaga sa mga pekeng psychic kaya nawala yung account ko na nag-start pa nung 2009). So itong ikukuwento ko ay isa sa tatlong kwento ng mga karanasan ko sa paranormal noong ako ay nasa kolehiyo pa. Bahala na kayo kung maniniwala kayo o hindi pero promise ito ay tunay na naranasan ko at walang halong biro. So start na tayo.Tinanong kami ni Trek, "Kayo ba? Nakita n'yo na ba siya?" kinakausap nya kaming dalawa ni Macky. Nagtinginan lang kami at umiling-iling. "Ay bago lang pala 'tong mga ito" ang sabi pa niya. "Sigurado kapag inabot sila dito ng gabi malamang makita na rin nila siya." Hindi ko talaga maintindihan kung anong tinutukoy nya. Dalawang minuto pa lang naman kasi akong nakikisali sa kwentuhan nila. Tatlong minuto pa nga bago ko ma-gets ang kanilang pinag-uusapan. Baguhan lang kami ni Macky sa trabahong iyon. Magkaklase kami at magkaibigan at pareho ding natanggap bilang mga Student Assistant Maintenance sa pribadong kolehiyo na yun. Akala namin nagbibiro lang sila. Nang biglang basagin ni Kuya Manny -- isa sa mga technician namin, ang katahimikan. Ang sabi niya "Tapos may nakita ka sa bubong na nakasabit, sabay sabing 'waaaahhhh!'" sabay tawa. Napuno ng tawanan ang buong kwarto. Nagsalita din si Franco, "Naalala ko pa 'yung dati, di ko talaga iyon makakalimutan. Nasa CR ako ng faculty para maglinis. Kumakanta ako noon tapos bigla nalang akong nagulat ng may sumabay na boses ng babae. Huminto pa nga ako para pakinggan. Meron talaga kaya napatakbo nalang ako eh!" Ngumiti lang si Ms. Lhen, ang receptionist namin, na para bang di natatakot. Anim kami noon sa Reception area, pinag-uusapan lang ang multong iyon. Bigla namang ikinuwento ni Ms. Lhen ang karanasan niya, "Kayo nga puro paramdam lang eh! Ako kaya nakita ko talaga ng personal. Nag-CR ako non sa Faculty tsaka nanalamin. Tapos may nakita nalang ako bigla sa likod ko na babaeng nakapula na T-Shirt. Sabi ko 'Nancy, huwag ka namang pasulpot-sulpot bigla! Tinatakot mo ako eh!'" Nanginginig na silang lahat sa takot, maliban sakin. Alam ni Macky na mahilig ako sa Paranormal dahil mahilig ako sa katatakutan. Paranormal Researcher pa lang ako noon. Nag-aaral mag-isa. Noong mga panahon na iyon parehas kaming nasa 1st year College at iisa lang ng klaseng pinapasukan. Pagkatapos nun ay umalis na kami sa lugar na un at umakyat na sa third floor para maglinis ng mga kwarto. Bawat isa ay may kanya-kanyang Ghost Story at hindi namin alam na kami na ang susunod na magkakaroon ng sariling kwentong katatakutan.
Isang araw ay tatlo kami nila Macky at Trek na busy sa paglilinis ng mga kwarto sa third floor. Nagpaalam akong huhugasan lang ang mop at dahil nasa first floor kami naglilinis ng mga mop, ibig sabihin ay kailangan kung bumaba at iwan sila. Nung pabalik na ako ay narinig ko silang dalawa na sumisigaw. Binilisan ko ang pagpasok sa kwarto at tinanong sila kung anong nangyari. Tinanong din nila ako imbes na sagutin kung gaano na ako katagal sa labas ng pinto. Sinabi kong kararating ko lang. Natakot sila lalo ng malamang sila lang pala ang nasa floor na yun. Sinabi nilang may sumisilip daw sa kanila mula sa labas at imposibleng tao ito. Sembreak iyon at walang klase. Ang tanging naroroon ay kami, guard na nasa baba, admin na nasa office at ang mga nasa library na mga late na nag-OJT. Kahit natatakot, kinailangan naming tapusin ang lahat para makaalis na.
Mayroon namang isang beses, nasa loob ako ng room kasama ang mga kaklase. Dahil wala namang instructor ng mga oras na yun, kung anu-ano lang ang ginagawa namin. May ibang nag-ingay, may nagkwentuhan, at may lumabas. Maya-maya ay dumating ang mga classmates namin na lumabas. "Billy, hinahanap ka ni Sir Ares. May ipapakita daw sayo."
Tinanong ko sila kung bakit, may gusto daw ipapanood sa akin at magtatanong na din daw. Pagdating ko doon, hawak ang cellphone, inabot sakin ni Sir Ares ang device para ipanood ang isang video na nakuhanan ilang minuto lang ang nakakalipas. Pinanood ko ang video. Sa video, makikitang kinukuhanan ni Sir Ares ang kanyang sarili habang kumakanta. Saglit nyang kinuhanan ang mga nasa harapan nya at tinapat din sa kanya pagkatapos. Sa mga sandaling ito, sya na lang ang nakukuhanan ng video habang kumakanta at ang mga kahon ng mga papel sa likod nya. Nang maya-maya ay may sumilip mula sa likod nya!
Kuha ng camera ang ulo hanggang dibdib ni Sir Ares pero mapapansin na sa may bandang balikat ay may sumilip pero bumbunan at noo lang ng babae ang nakita. Malalaman mong babae 'yung sumilip kasi mahaba at bagsak ang buhok nya, pero hindi nakita ang mata. "Kumakanta lang ako. Yung mga OJT nasa harap ko. Wala namang tao sa likod ko, puro kahon lang." ang sabi pa ni Sir Ares. Pinaliwanag ko na si Nancy ang nagpakita. Baka gusto lang magpapansin. Pagkatapos nun, balik lang sa normal dahil kahit natatakot ay kailangang magtrabaho.
Pero sino nga ba ang babaeng nakapula? Iyan din ang katanungan ko noong unang araw ko sa trabaho. Doon ko din nalaman na hindi Nancy ang tunay nyang pangalan. Ito lang ang pangalan na ibinigay ni Kuya Manny para mabigyan sya ng identification. "Bakit po ba namatay si Nancy?" ang tanong ni Macky. Naalala ko yung nasa loob kami noon ng Reception at ang sabi ni Ms. Lhen, "Dati kasing bahay ito, tapos sa kabila ay pabrika ng tela. Nang nasunog ang building na ito, kasamang nasunog si Nancy. Kaya kapag nagpakita siya sa inyo tawagin n'yo lang siya sa pangalan niya."
Ang huling beses na narinig kong kwento tungkol sa kanya ay galing kay Kuya Manny. Naglalakad sya sa corridor ng second floor sa pagitan ng technical at computer laboratory nang nakakita sya ng dalawang paa naglalakad sa loob ng technical lab! Baka naman nagpapasalamat lang sya sa lalaking nagbigay ng pangalan sa kanya? At baka gusto lang magpakita ng ebidensya na totoo sya.>>Blackhat
*Marikina
BINABASA MO ANG
Scary Stories 4
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree