Hello, Spookify! May ikukwento ako sa inyo.Minsan, umuwi kami sa hometown ni Mommy dahil kinuha siyang ninang sa kasal ng anak ng isa sa mga kababata niya. Nung pauwi na kami, nag-request kami kay Mommy na dumaan kami dun sa dati nilang tirahan para makita namin yung lugar nila. Ayaw sana ni Mommy pero nag-offer yung isa pa niyang kababata na si Tita Merly na samahan kami kaya napilit rin namin siya.
Parang compound yung place nila. May isang malaking bahay sa unahan na dating kinatatayuan ng tindahan nina Mommy. Sa side nito ay may eskinita papunta sa mga bahay sa likuran. Pag-exit mo sa eskinita, unang bubungad yung dati nilang bahay na ngayon ay ginawa ng simbahan ng mga Espiritista. Sa likod nito, may tatlong bahay ulit. Then, may space doon na ginawang taniman ng mga gulay. Sa gitna nung taniman ay mayroong hugis square na semento kung saan may nakatayong poso. After ng poso, may isa pang bahay doon na giba-giba na. Kung titingnan mo mula sa ere, hugis krus yung pagkakapwesto ng mga bahay sa loob ng compound.
Nung makita ni Mommy yung poso, sinabi niya sa amin na mas matanda pa daw ito kaysa sa kanya. Tinuro ng kapatid ko yung gibang bahay sa likod. Halos natatabunan na ito ng mga halaman at damo. Nabanggit ni Tita Merly na mga ilang taon lang daw after umalis nina Mommy doon ay pinagiba na yung bahay. Tinanong namin kung bakit pero di nila kami sinagot.
A few days after, dun ikinuwento ni Mommy sa amin ang tungkol sa bahay na iyon at kung bakit sila umalis sa dati nilang tirahan.
Circa 1975. Si Ben, ang asawa niyang si Mary, at dalawang anak nila na 3 years old at 3 months old, ang nakatira dun sa pinakalikod na bahay. Construction worker si Ben at isang simpleng maybahay naman si Mary. Larawan sila ng isang masayang pamilya. Mabait daw na tao si Ben, hinahayaan niya ang lahat ng mga kapitbahay na umigib sa poso nila. Yung ibang mga poso kasi hindi iniinom yung tubig dahil matabsing ang lasa.
Isang araw, natanggal sa trabaho si Ben. Magmula nun ay naging matamlay siya, lagi daw nag-iisa at nakatulala. Wala kasi siyang makuhang bagong trabaho kaya yung pamilya ni Mary, laging nagpaparinig sa kanila kapag humihingi sila ng bigas o humihiram ng pera. Ito yung naging simula ng madalas na pag-aaway ng mag-asawa. Naging madalas din daw ang pagsakit ng ulo ni Ben. Minsan, makikita nilang nakaupo na parang malalim ang iniisip at maya-maya daw ay mapapahawak na lang bigla sa ulo niya at dadaing dahil sa sakit.
Tanghali noon at naglalaro sina Mommy at mga kapatid niya sa may poso nang magsimula na namang mag-away ang mag-asawa. Pinapasok sila nun ni Lolo Mael (kapatid ng Lola ko) para hindi nila marinig yung away. After a while, tumigil na daw sila sa pag-aaway at ang maririnig na lang ay yung mga daing ni Ben dahil masakit na naman ang ulo niya. So, lumabas si Mary para bumili ng gamot sa tindahan nina Mommy sa may unahan. Sunod naman na narinig nila ay yung pag-iyak nung dalawang bata. Nung makabalik na si Mary sa bahay nila, tumahimik na daw ulit. Hanggang nung hapon na, walang lumabas kahit isa sa kanila.
Nabahala daw si Lolo Mael nun dahil sobrang tahimik sa bahay nina Ben. Nagpasya siyang sumilip sa bintana pero sarado yun. Pumunta siya sa likod-bahay at swerteng hindi naka-lock yung pinto kaya nakapasok siya. Nagulat daw sina Mommy nung marinig nila si Lolo Mael na sumisigaw. Nadatnan niya kasing nakahandusay sa sahig si Mary at yung 3-year old na bata, kapwa duguan. Yung baby naman, nasa duyan at duguan din. Si Ben, nakatalungko daw sa isang sulok at nakasubsob sa mga tuhod niya. Nasa tabi niya yung martilyo na ginamit niyang pamukpok sa ulo ng kanyang mag-iina. Hinablot daw ni Lolo si Ben at niyugyog nang malakas para matauhan. Nagsidatingan na rin nun yung ibang mga kapitbahay para tingnan kung ano ang nangyari. Nung nakita ni Ben yung mga tao, bigla raw daw siyang tumakbo papunta dun sa breaker ng kuryente nila saka humawak doon. Pero nahila siya kaagad ni Lolo at sabay silang natumba sa sahig na puro dugo.
Tumawag sila ng pulis at inabisuhan na rin yung pamilya ni Mary. Gusto daw nun ng mga kapatid ni Mary ay patayin nila si Ben kaya lang ay kinuha na siya kaagad ng mga pulis. Sabi ni Mommy, yung pader daw ng bahay nina Ben, may mga splatter ng dugo. Kada angat siguro ni Ben dun sa martilyo, tumitilamsik yung trail ng dugo ng pamilya niya. Habang kinukwento ito ni Mommy, sobrang nangingilabot kaming pareho at na-i-imagine ko yung scenario. Sabi ng mga kapamilya at kaibigan na dumadalaw sa kanya, tinatanong daw ni Ben kung bakit hindi siya dinadalaw ni Mary at ng mga anak niya. Miss na miss na daw niya ang nga ito. Kapag tatanungin daw nila si Ben kung alam ba niya yung dahilan kung bakit siya nakulong, iiling lang daw ito at saka tahimik na iiyak. Hindi na nila sinabi kay Ben ang nangyari sa pamilya niya dahil baka ano pa daw ang magawa nito.
Mula noon, naging sobrang tahimik na yung bahay nila. Wala ng ibang tumira doon kaya naging malungkot yung awra ng bahay. Wala na rin halos nag-iigib dun sa poso nina Ben dahil natatakot na yung mga tao. Every time na nakikita nila yung bahay, naaalala daw nila yung malagim na nangyari doon. May mga nagsasabi na meron daw silang naririnig doon na iyak ng baby, tumatakbong bata, mga kalabog. Minsan, nag-volunteer si Lolo Mael na alisin yung mga damo na nagsimula nang umokupa dun sa paligid ng bahay. Pakiramdam daw niya ay may nagmamasid sa kanya. Nung sumilip si Lolo sa loob, may nakita siyang itim na figure na pumasok dun sa isang kwarto. Simula nun ay hindi na siya bumalik sa bahay at pinagbawalan na rin sina Mommy na lumapit doon.
May mga naging usap-usapan daw na parang sinisisi ng mga tao yung pamilya ni Mary. Kilala daw talaga silang matapobre dahil may kaya sila sa buhay. Siguro daw ay narindi na si Ben sa mga pagbubunganga sa kanya ng mga in-laws niya, dagdag pa yung matinding pressure dahil hindi siya makahanap ng trabaho, kaya nagawa niya iyon. May iba naman na nagsasabing baka daw nasapian si Ben nung mga oras na yun dahil alam ng lahat kung gaano niya kamahal ang mag-iina niya.
Madalas daw na napapanaginipan noon ni Mommy yung nangyari kina Mary. Sa panaginip niya ay nakikita ni Mommy yung scene kung paano pinatay ni Ben ang mag-iina niya. Lagi ding maysakit nun si Tita Rose (yung sumunod kay Mommy) at sinasabi daw niya na may batang gusto siyang isama. Kaya nung umuwi yung Lolo ko mula sa Saudi, nagpasya sila na ilipat ang buong pamilya sa hometown ni Lolo. Ang huling balita nila kay Ben, inilipat na daw ito sa provincial jail.
It was really unfortunate. Anong factor man ang naging trigger para magawa iyon ni Ben sa kanyang pamilya, sa palagay ko ay hindi niya talaga iyon kagustuhan. Sayang lang na sa isang iglap, ang kanilang masayang pamilya ay biglang nawasak.
Lahat po ng pangalang nabanggit ay iniba ko, at pasensya na dahil hindi ko pwedeng sabihin yung exact location for privacy reasons. Salamat po sa pagbabasa. Salamat din, Admin Chai, sa pag-post.
Marga Vermilion, 2019
BINABASA MO ANG
Scary Stories 4
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree