Kwentong Sundalo (Parts 3 & 4)

403 10 1
                                    


PART 3

[Hello and magandang gabi sa inyong lahat, kwentong delikadong trabaho naman tayo. Medyo natagalan po dahil busy kaya heto na naman po ako at ipapagpatuloy ko na.]

Nang maitapon kami sa Lanao del Norte ay naka-hold pa rin kami sa isang Heavy Mech Camp Batt*******. Platoon leader naman namin doon ay si Cheif Barborosa. Panay ang question nya sa amin at pag-iimbestiga dahil sa nangyari. Sa loob ng opisina may mga importanteng tao ang nag-aabang sa impormasyon naming ibabahagi. Habang kaharap namin ang mga opisyales sa isang malaking table ay nagpalitan kami ng tanong at sagot. Madi-discharge kami dahil sa mga armas at gamit namin na naiwan, ngunit pilit kaming pinagtakpan ni Sir Gomera. Ginawan kami ng paraan ni Sir Gomera para patuloy pa rin ang serbisyo namin lalo na't pangatwiran nya'y kahanga-hanga ang naging karanasan namin na kailan ma'y hindi nila naranasan sa que laki-laki ng rango at posisyon nila sa military. Pinagbigyan kami sa pangatwiran namin ngunit kailangan nilang masaksihan ang lugar. Kaya nagtungo ang opisyales at mga private army sa lugar na pinangyarihan ng bakbakan at habulan. Nagsama kami ng almost 50 na kasamahan para magtungo sa lugar. Una naming pinuntahan ay kung saan nadukot ang mag-asawa. Nakakumpiska kami ng 500 rounds ng bala ng AK-47, anim na granada, matutulis na patalim, mga improvised na pampasabog, bitag, bungo ng mga tao, nilalangaw na bangkay at mga pananim na Marijuana. Nagtataka lang ako bakit wala kaming naisama na media/reporter upang ibahagi ito sa buong pilipinas, mukhang itinatago nila itong misyon na ito. Sunod naman na pinuntahan namin ang bahay ng mag-asawa kung saan kami napadpad ni Marlon. Bakas pa rin ang marka ngunit alerto ang lahat dahil baka ma-ambush kami sa gitna ng kakahuyan. Pagkarating namin doon ay sunog na ang bahay pati na ang ebidensya namin. Ngunit may panghahawakan pa rin kami dahil sa salaysay namin na tugma doon sa unang bahay na pinuntahan namin. Akmang didilim na ang paligid kaya naman nagsi-uwian na kaming lahat at bumalik na sa Campo Uno. Habang nag-uusap ang mga ibang opisyales kasama sila Sir Gomera at Sir Barborosa ay kinakabahan na kami ni Marlon. "Makoy, kung masibak tayo sa pwesto back to zero na naman tayo, 'langya." Sabi ni Marlon sakin. "Tigas ng ulo mo eh greedy ka masyado, ayan tuloy dehado na tayo. Imbes na tumaas ang ranking, masisibak pa tayo." Sagot ko naman kay Marlon. Pagkatapos mag-usap ng mga opisyales ay ipinatawag agad kaming dalawa. Tahimik lang kami at kinakabahan. "Napagdesisyunan namin na, alisin kayo sa serbisyo dahil sa kapabayaan ninyo na nagdulot ng kapahamakan." Nakikita kong malungkot si Marlon dahil sa narinig na pahayag namin sa mga opisyales. Kaya naman nagmakaawa ako at kinausap ko silang lahat, kung pwede pa ba, kung may paraan pa ba. Kaya naman inako ko lahat ng kasalanan, at kapabayaan para hindi matanggal sa serbisyo si Marlon. Nagtinginan silang lahat at sinabi na "Pag-iisipan namin ng mabuti ang hinihingi mong pabor." Kaya naman kinabukasan ipinatawag ulit kami at pumayag sila. Pagkatapos namin ma-dismissed ay kinausap ako ni Sir Barborosa at Sir Gomera. "Madi-discharge ka, ngunit kailangan mong bumalik sa lalong madaling panahon." Sabi ni Sir Barborosa. "Ibabato muna kita sa **** para mag-training ka ulit, good for 62 days lang Makoy." Kaya naman umuwi ako sa amin at niyakap ko ang pamilya ko. Bago ako mag-training ulit nag-schooling ako for Heavy Equipment Skills para dagdag kaalaman na magagamit ko sa pagsusundalo. Matapos ang isang buwan na pag-i-schooling ay tinawagan na ako upang mag-training ulit. Wala pa ring pinagbago, kagaya pa rin ng dati ngunit sanay na ako sa mga ganitong training. Kaya pagkatapos ng 62 days ng training ko tinanggap ulit ako at itinapon pabalik sa Lanao del Norte. Balik serbisyo ulit ako at dahil sa skills na kinuha ko na-assign ako sa Mech Driving. Nagkikita at nag-uusap pa rin kami ni Marlon paminsan-minsan. Magkaiba na kasi kami ng area at shifting namin sa gabi at umaga. Pero iba talaga pag kami na ni Marlon ang magkasama, hindi kami tinatantanan ng takot at kaba. 2019 dahil malapit na ang botohan sa BOL or tinatawag na BANGSAMORO ORGANIC LAW ay nag-umpisa na agad kaming mag-checkpoint mula sa Iligan City hanggang sa Maranding Lanao del Norte. Dahil driver ako ng Mech talagang mabilisan ang takbo dahil hindi namin masyadong kabisado ang Lanao. Palipat-lipat kami ng checkpoint kaya panay hatid sundo ako sa mga kasamahan ko. Si Marlon naman nasa front seat dahil hindi sumama si Cheif Barborosa. Dahil sa bukas pa ang schedule namin na mag-checkpoint sa iba pang lugar tinawagan kami ni Cheif Barborosa na bumalik muna sa campo dahil kulang sa kasamahan doon. Malayo ang campo namin dahil dadaan pa kami ng ilan pang bundok para makarating. Masyadong traffic dahil sa ginawang road widening at pati na rin sa dami ng sasakyang dumadaan patungong Ozamiz City Port. Tatlo kaming Heavy Mech na naka-convoy, nauna na ang dalawa at naiwan kami dahil sa inaantay pa namin ang apat naming kasamahan. Nang makarating na sila ay agad na binilisan ko ang pagmamaneho. Traffic ang daan at malamig na ang ihip ng hangin at mukhang uulan kaya dumaan ako ng shortcut. Kahit hindi maganda ang daan at masyado itong mabato binilisan ko pa rin ang takbo. "Makoy hinay-hinay lang. Ba't parati kang nagmamadali?" Tanong ni Marlon sakin. "Aba syempre malayo pa tayo sa campo at gabi na, mag-aalas syete na di pa tayo kumakain." Sagot ko naman kay Marlon. Maaliwalas ang daan at napakadilim ng paligid. Rumadyo ang kasamahan namin sa likod na "Sir malapit na ba tayo? Napakadilim naman ng daraanan Sir." Anya sa amin ni Marlon. "Nag-take kami ng shortcut dahil masyadong traffic." Sagot naman ni Marlon sa radyo. Habang dumadaan kami sa putol-putol na kalsada ay may naaninag akong tao sa daan. Isang babae na nakahiga sa daan. "Makoy may tao sa daan iparada mo!" Sabi ni Marlon sakin. Ngunit hindi ko ito hininto at iniwasan lang sa daan. "Ano ba?! Ba't di mo hininto baka kung ano na ang nangyari dun." Sabi ulit ni Marlon. "Wag kang bobo, di tayo basta-basta hihinto lalo na't maaliwalas ang daan dahil baka patibong lang yan Marlon at ma-ambush pa tayo." Sagot ko naman sa kanya. Rumadyo ang isa naming kasamahan at sinabi na "Sir okay ba talaga 'tong dinadaanan natin? Nakakatakot dito Sir". Sumagot naman ako sa radyo na "Relax lang nag-shortcut lang tayo." Pagkaraan ng ilang metro ng pagmamaneho ko ay nadaanan na naman namin ulit ang isang babae ngunit nakatayo na ito. Nagtayuan lahat ng balahibo ko dahil iba ang pakiramdam ko. Kaya inipakan ko ang accelerator at kusang sasagasaan ko na talaga. Napakapit si Marlon ng mahigpit at napasigaw habang papalapit kami sa babaeng nakatayo. Ngunit bigla nalang itong tumagos sa aming harapan at nagulat kami ni Marlon kaya bigla akong pumreno. Rumadyo ako sa mga kasamahan ko kung may tao ba sa likod. "Marvin may nakikita ba kayong babae diyan sa likod? Resp." Sumagot naman ito ng "Negative Sir, di ko maaninag dahil maalikabok ang daan Sir. Over" Habang tinitigan ko ng maigi ang side mirror ng truck bigla akong nagtaka. Habang unti-unting nawawala ang alikabok sa daan naaninag namin ang babae at nakatalikod. "Sir may babae Sir, bababa ba ako Sir? Resp." Sambit naman ng kasamahan namin sa likuran habang tinititigan nila at iniilawan ng malaking flashlight. Pero nagsigawan ang mga kasamahan ko at rumadyo na "Sir patakbuhin nyo po! Patakbuhin nyo na!" Nang tinignan ko ulit sa side mirror kitang-kita naming lahat na umikot ang ulo nya habang nakangiti nang kakila-kilabot. May napakahabang dila at tumatawa pa ito. Wala syang mga mata at panay ang pagdaloy ng dugo nya sa pisngi mula sa gilid ng mata nya. Sumigaw ito ng napakalakas at tumatakbong patalikod habang nakaharap ang mukha sa amin. Kaya pinaharurot ko na ang truck habang nagsisigawan sila sa loob pati na si Marlon na halos hilahin na ang kanang balikat ko para patakbuhin ang sasakyan. Masasabi kong napakabilis nyang tumakbo dahil makikita mo talaga sa side mirror na papalapit sya nang papalapit habang iniilawan nila ang daan sa likuran. Wala na akong piniling daan malalaki man ang mga bato o maayos man ito. Basta-basta ko nalang pinatakbo ito at halos muntikan na kaming sumemplang sa kurbadang daan dahil sa bilis ng takbo namin. Lumagpas na nga kami sa crossing lane papunta sa campo at halos di ko na alam ang gagawin, kaya rumadyo ako at sinabi na "Kumapit kayo ng mahigpit!" at iniliko ko ang daan sa may mga damuhan. Diretso lang ang daan kahit madamo, buti nga walang malalaking bato. Pasimpleng umiiwas-iwas lang kami sa may mga puno hanggang sa makadaan kami sa mga pananim na mais. Kahit natatakpan na ng mga kaunting damo ang harapan patuloy pa rin ako sa pagmamaneho. Dinig na dinig namin ang sigaw ng mga kasamahan namin at tawa ng demonyong humahabol rin sa amin. Di kalayuan sa maputik at madamong daan naaninag namin na may dumaang sasakyan, kaya naman nang makarating kami sa totoong daraanan papuntang kampo ay di na agad kami nagpaliguy-ligoy pa. Bumusina ako ng tatlo at nag-response naman ito ng tatlo. Ibig sabihin kasamahan namin at Heavy Mech ito. Magkasunod lang kami at parehas na pupuntang kampo. Pumarada ito sa gilid habang itinapat ko naman ito. Bumaba kami ni Marlon at tinignan ang isa sa mga kasamahan namin. Hindi namin alam kung matatawa kami, maawa, o matatakot dahil sa nagmistulang parang bata kung umiyak ang isa sa mga kasamahan namin. "Sir sa susunod huwag na tayong mag-shortcut. Di baleng mamatay sa gutom huwag lang sa demonyong mas gutom." Sabi ng isa naming kasamahan na si Allen. "Sa base na tayo mag-usap dahil delikado dito." Tugon ko sa kanila. Nagulat ang ibang kasamahan na nakasakay sa isa pang truck dahil napakaraming nakasabit na damo sa Mech at putik habang may umiiyak pang kasamahan namin. "Anong kaganapan meron diyan Sir Makoy" sigaw ng isang kasamahan kong driver din. "Sa campo na tayo mag-usap Mendez" sagot ko naman sa kanya at nag-convoy kami patungong campo. Bago kami makapasok tinanggalan namin ng mga damo ang truck at ipinarada na ito sa loob. Pinatipon ko ang mga kasamahan ko sa truck pati si Marlon at sinabi na "Kung anuman ang nasaksihan natin, huwag na natin ipagpaalam kay chief Barborosa at ipagkalat sa iba. Baka malintikan na naman ako dahil hawak ko kayong lahat." Tumango silang lahat at pinangakuan ang isa't isa. Sa ngayon naka-duty na ako sa gate pass dahil shift ko na naman. Di mapigilang mapakwento ang kasamahan ko na si Mendez tungkol sa kababalaghan dito sa Lanao del Norte na iilan lang ang nakakasaksi.

PART 4
Karanasan ng kasamahan

[Note: Ang mga pangalang ginagamit ng tauhan sa storya ay hindi po totoo. Sa mga taga Lanao po na alam kung saan ang campo namin. Sana po ay isa-isip natin na i-sikreto nalang ang nabasa tungkol dito dahil sa kauna-unahang pagkakataon, ako lang ang sundalong madaldal at ikinuwento ang pangyayari. Iwasan nalang po natin ang pagiging curious nyo sa akin. May isang kasamahan kasi ako na nagtanong kung nagkalat ba ako, o baka may kalokohang ginagawa habang naka-on duty. Sana maintindihan nyo po iyon, malaking kalokohan na talaga kung nagkwento ako sa karanasan ko at ng mga kasama ko, mawawalan pa ako ng trabaho. Salamat.]

Nagkwentuhan kami ni Mendez (di tunay na pangalan) tungkol sa nalalaman nya daw dito. Hindi naman ako sigurado kasi minsan mahilig mag-joke itong si Mendez. Pero sabi nya may naging pangitain daw sya, at naging totoo pa talaga.

"Ganito kasi yon Makoy. Habang naka-formation kami noon sa ground nanginginig ang mga tuhod ko. Para bang kinakabahan ako. Tinitigasan ko ang tindig ko habang nakikinig sa sinasabi ni Chief pero iba talaga ang pakiramdam. Hindi ako makatingin sa gilid ko dahil pag nahuli ako ni Chief baka makatanggap ako ng 50 push ups. Nakalinya kasi ako sa likuran, sa harapan ko naman nakikita ko ang apat nating kasamahan. Nakaharap ako kay Sir pero ang mata ko nakatingin sa isa nating kasamahan noon na nakatayo sa pinakagilid. Nakita talaga ng dalawa kong mata Makoy, nagdurugo ang uniporme nya, wasak ang ulo at malalaki ang sugat, nabalian ng mga buto sa balikat. Hindi ko alam kung imagination ko lang yon o baka naman talaga totoo. Ayokong magsalita sa mga kasamahan natin noon dahil baka pagtawanan lang ako at pag-isipan pa na baliw. Alam ko kung sino sya ngunit di ko kayang kausapin sya at pinabayaan ko nalang kung ano ang nakikita ko. Nagpasya ako na bumili ng gamot ang magpa-check up dahil baka nababaliw na ako paminsan-minsan na di ako kumakain. Normal naman ako sabi ng doktor pero binigyan pa rin ako ng reseta ng doktor. ********* nung araw na yun nagpasya silang mag-outing at hindi pa nagpaalam sa mga nakakataas. Marami sila at nag-inuman pa nga daw. Mga ilang oras na ang nakalipas habang wala sila, tila ba parang Bad mood si Chief. Yung nakita kong duguan ang uniporme at wasak ang katawan na kasamahan natin ay nadisgrasya pala sa motor at lasing ito. Hindi ko alam kung maniniwala ako o hindi pero talagang totoo yun Makoy. Ibinaba yata ang ranggo nila tsaka ikinulong sila sa campo ng isang buwan bilang parusa sa kanila."

Kwento ni Mendez sakin habang dilat na dilat ang mga mata nya. Takot ako sa kanya at hindi sa kwento nya dahil napakadilat na dilat at seryoso kung magsalita with action pa. Habang nagkukwentuhan kami napansin ko na may sinusuot syang kwintas na anting-anting na bala ng isang M4A1 o rifle. Tinanong ko sya kung saan nya yon nakuha. Sabi nya sa isang albularyo sa Lanao na napakagaling at kasamahan lang namin ang nagturo sa kanya. "Epektibo 'to Makoy, dahil nasubukan ko na ito ng hindi inaasahan. Pero bawal daw itong dalhin kapag nambababae dahil wala daw epek, Makoy" Sabi nya sa akin. Tinanong ko sya kung ano ang epekto ng anting-anting na pinagawa nya. Sabi nya nung umuwi daw sya, sa kanila daw nangyari. Habang inaayos nya ang kotse ng papa nya sa garahe di nya daw napansin na may taong nakapasok dahil bukas ang gate. Kalahati ng katawan nya nasa labasan habang ang kalahati naman nasa ilalim ng sasakyan. Nakarinig nalang daw sya ng yapak ng isang tao, akala nya kapamilya nya lang ngunit isa palang tirador o mas kilala sa tawag na "GUN FOR HIRE" na mga tao. Pinaputukan sya ng apat na beses sa katawan at naramdaman daw nya talaga ang napakainit na bala sa katawan nya at tumakbo ito. Nawalan sya ng malay at nakahiga. Sabi nya eh parang nanaginip lang daw sya ng normal kesyo may magandang babae daw na naka-s** nya. Bigla na lang daw syang nagising ng may narinig syang sigawan, iyakan, at ingay ng isang ambulansya. Habang hinahatak sya palabas sa ilalim ng sasakyan bakas daw sa damit nya na nagdurugo. Nagulat daw ang mga taong nakatingin sa kanya dahil buhay na buhay sya at tumayo lang na parang walang nangyari. Nang itinaas nya ang damit nya napasigaw at nagulat ang lahat dahil ang mga bala ay parang dumikit lang sa balat ng tyan nya at isa-isa nya itong pinagtatanggal. Namangha sya at nagmukha daw syang baliw sa kakatawa. Nang inimbestigahan nila kung sino ang Gun Man napag-alaman nila na kaaway ng pamilya nila ang naging sanhi ng pamamaril. "Eh kung totoo yan ba't di ibinalita sa TV yan Mendez?" Tanong ko sa kanya. "Hindi lahat ng pangyayari nailalabas sa TV Makoy. Mas mabuti na rin yon dahil baka naging artista pa ako at hindi Sundalo." Sagot nya habang mamatay-matay ako sa tawa. Inaamin kong hindi ako kagwapuhan pero kung mas hindi kagwapuhan si Mendez. Naging interesado ako sa kwento nya at narinig ito ni Marlon kaya kinukulit nya ako na mag pagawa rin kami ng anting-anting kagaya nung kay Mendez bago kami itapon sa ibang lugar sa Mindanao next month for emergency reason.

-NightVision

Scary Stories 4Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon