Hello po. Silent Reader po ako dito sa Spookify. Sana po ma-post 'to. Thank you sa admin in advance.Ikinuwento lang po ito sa akin ng papa ko. Tungkol po ito sa kapatid niyang nakatira sa Leyte. Medyo matagal na nung naikwento nya ito kaya baka may lapses na sa pagkukwento ko.
Si Tito J ay nakapangasawa ng isang guro. Nagkaroon sila ng apat na anak. Nagtayo sila ng bahay sa lugar nila Tito J. Isang maliit at tahimik na lugar. Medyo magkakalayo ang mga bahay. Dun sila nanirahan dahil may negosyo sila ng pagtutuba at malapit din naman ang lugar nila sa paaralang pinapasukan ng kanyang asawa. Nagkaroon sila ng pang-limang anak.
Nagsimula ang kababalaghan ng isilang na ni Tita M ang bunso nilang anak. Isang batang lalaki na napakagwapo at napakaputi. Talaga daw nakakatuwa pagmasdan ang baby boy nila Tito J sabi ni papa. Masigla at malusog ito.
Simula noong isilang si baby ay kung anu-anong di maipaliwanag na pangyayari ang nararanasan nila. Naging masakitin bigla si baby at kinakailangan siyang ibyahe sa bayan para palaging ipagamot. Mga isang oras ang byahe papunta sa ospital kung sakay ng habal-habal (di ko alam kung tama ang pagkakaalala ko. tawag sya dun sa malaking motor na bumabyahe dun sa lugar na yun).
Madalas daw na pag-aalis sila para ipa-check up si baby ay nakakapagtakang nawawala ang susi ng kanilang sasakyan. Hinahanap na nila sa buong kabahayan ngunit di talaga nila makita. Kapag sumuko na sila sa paghahanap, saka nila makikita yung susi pero naghanap na sila dati dun sa lugar na yun at wala naman doon ang susi. Nakakapagtakang biglang lilitaw iyon doon.
Minsan din daw napanaginipan ni Tito J na may babae at lalaki na hinihingi ang baby nila at papalitan daw ito ng kayamanan. Syempre hindi siya pumayag at saka di siya nagpapaniwala sa ganun. Isang buong taon silang nagpapabalik-balik sa ospital dahil laging nagkakasakit si baby. Dinala pa nila sa Cebu pero di talaga mapagaling si baby.
At yun nga, namatay si baby.
Sobrang sakit non sa family nila Tito J. Ginawa nila ang lahat pero hindi nila naisalba si baby. Di nila iniisip non na baka gawa iyon ng masasamang elemento.
A week after na mailibing si baby, nagche-check sila ng pictures nang bigla nilang mapansin na may nakuhanan silang mga taong di nila kakilala at noon lang nila nakita sa libing ng baby. Maliit lang ang barangay kaya magkakakilala sila.
Doon nila naisip na baka totoo ang panaginip ni Tito J at kinuha nga ng engkanto si baby.
Napalipat ng paaralang pinapasukan si Tita M, kaya lumipat sila ng tahanan. Minsang napabisita sila sa dati nilang bahay, naikwento ng mga kapitbahay nila na simula noong umalis sila, marami silang napapansin sa bahay. Naroong may naririnig silang nagwawalis sa umaga at hapon sa bakuran ni Tito J ngunit wala namang tao doon. Naririnig din nila na parang may tao sa bahay. May naghuhugas ng plato, gumagalaw ang upuan na parang may humihila at ang pinakanakakakilabot, madalas nilang naririnig ang iyak ni baby na para bang buhay ito.
Noong binisita nina Tito J ang bahay kataka-takang napakalinis nito. Walang alikabok o mga lalawa kahit na halos isang taon na silang hindi nakakabisita doon. Para bang araw-araw nililinisan.
Kumbinsido sila na kinuha nga ng engkanto si baby. Pero wala na silang magagawa. Sabi pa ng mga matatanda doon na malamang hindi si baby ang kanilang inilibing at malamang na parte lamang ng puno ng saging na nilagyan ng mahika para magmukhang si baby.
Nakakalungkot lang kasi baka nga buhay pa si baby somewhere. Ngayon wala na daw nagpaparamdam sa lugar na yon. Di na din nila binibisita. Sabi ni papa wala naman daw siyang naramdaman nung minsang nakitulog siya doon.
Yun lang po. Di masyadong nakakatakot. Pero napaisip ako ng malalim nang ikwento ito ni papa.
Pag na-post po 'to, ise-share ko naman po ang mga kababalaghan sa lugar nila lola, ang encounter ni papa sa santelmo at madami pang iba.
HunLay9410
BINABASA MO ANG
Scary Stories 4
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree