Para akong estatwa na hindi makagalaw dahil sa sinabi n'ya. Nanatili ang paningin ko sa kan'ya. Gusto kong hindi maniwala, gusto kong sabihin na hindi ako naniniwala. Ngunit ang malakas at malamig na dampi ng hangin sa katawan ko ay kakaiba. Nakatingin lang ako kay Vrel na ngayon ay inililipat na ang tingin sa langit.
"N-Nice joke." utal kong sambit bagaman hindi ko magawang matawa.
Ngunit hindi s'ya kumibo, tahimik lang s'yang ngumiti habang nananatiling nasa tanawin ang paningin. Ayaw kong maniwala, ngunit may kakaiba sa kan'ya ang tila nagpapabigat ng pakiramdam ko. May lungkot na dulot sa akin ang mga ngiti n'yang 'yon.
"Sinungaling ka." sinikap kong matawa, "Hindi naman totoo 'yan, eh." muli kong sambit.
Ngunit ang bigat sa pakiramdam ko ay pinipigilan akong ngumiti. Pakiramdam ko ay babagsak ang luha ko ano mang oras. Mainam ko s'yang tiningnan nang lingonin n'ya ako.
"I wish it was all a lie." ngumiti s'ya.
Nangilid ang mga luha ko, hindi ko maintindihan. Kung ganoon ay binibigyan ko ng pagasa ang taong kahit kailan ay hindi na makakakita pa ng pagasa. Tinitigan ko lang ang mga mata n'ya, inangat ko ang kamay ko upang hawakan s'ya. Pumikit ako nang mapagtantong hindi ko s'ya mahawakan, bahagyang naginginig ang kamay ko nang ibaba ko iyon. Nanatili akong nakapikit, ramdam ko ang pagtulo ng luha ko.
Kaya pala hindi kita maramdaman kahit nasa tabi lang kita.
Ayaw kong dumilat, kung naging positibo akong gagaling s'ya ay kabaliktaran na no'n ang nararamdaman ko ngayon. Nanatili akong nakayuko at nakapikit, hindi ko alam kung paano ipo-proseso ng utak ko ang nalaman ko.
"Samara? Anak."
Agad kong pinunasan ang luha ko saka nilingon ang boses na 'yon, nakita kong palapit si Mama sa direksyon ko.
"Ma." pinilit kong ayosin ang boses.
Aligaga n'ya akong nilapitan, "Ano bang ginagawa mo't nakayuko ka mag-isa d'yan?" tanong n'ya.
Sa sinabi n'yang 'yon ay nilingon ko ang pwesto ni Vrel, naroon parin s'ya. Hindi ko agad naalis ang tingin sa kan'ya, nanatili s'yang nakatingin sa akin saka ngumiti.
"Samara." muling tawag ni Mama, "Ayos ka lang ba? Ano bang tinitingnan mo d'yan?" tanong n'ya saka rin nilingon ang likuran ko.
"Wala, Ma." tugon ko, "Bakit po pala?" tanong ko.
"Kanina pa kita hinahanap, nandito ka lang pala. May dala ako para sayo, kailangan mo nang kumain." aniya sa akin.
"Susunod nalang po ako." ngumiti ako.
Nagtataka akong tiningnan ni Mama, nanatili lang akong nakangiti upang hindi s'ya magisip ng kung ano-ano. Kalaunan ay tumango s'ya.
"Sabagay, kailangan mo rin ng preskong hangin." ani Mama, "Sumunod ka agad Samara." aniya na tila nagbabanta.
Natawa nalang ako saka tumango, "Pagkatapos ng ilang minuto, susunod agad ako." ngumiti ako.
Naglakad na paalis si Mama, tinanaw ko s'yang makalayo. Nanatiling nasa daan na tinahak n'ya ang paningin ko. Ibig sabihin ay totoo ngang ako lang ang nakakakita kay Vrel. Ibig sabihin ay totoong multo na s'ya, mabigat ang loob akong huminga ng malalim saka ikinalma ang isip.
"Samara." dinig kong sambit ni Vrel sa pangalan ko.
Nang lingonin ko s'ya ay nakatayo na rin s'ya sa likuran ko. Hinarap ko s'ya saka diretsong tiningnan sa mga mata.
BINABASA MO ANG
OH MY GHOST [ONGOING]
Teen FictionSi Samara ay isang masiyahin at positibong tao, lahat halos ng nakakasalamuha n'ya ay napapagaan niya ang loob. Hindi natatakot sa multo, bata pa man ay hindi na s'ya naniniwala sa iba't-ibang kuwento patungkol sa mga kaluluwa. At sa hindi inaasahan...