SAMARA'S POV
Ilang araw ang lumipas, sobrang daming nangyari. Sa lahat ng araw na iyon ay wala namang nangyaring masama o nakakalungkot. Naging normal lang ang araw-araw ko, masaya kahit maraming iniisip, sa kabila ng mga pasanin ay hindi ko maitatangging napapagaan Vrel ng sobra ang loob ko. Samahan pa ng walang humpay na panggugulo ng mga kaibigan ko.
Sino ba naman ang hindi gagaan ang loob? baka Vrel Rehan Terrico 'yon?
Ngayon ay ang araw bago ang inaasahang team building, nasa garden ako ng school habang tanaw ang mga estudyanteng dumadaan sa pathway doon. Maya-maya lang ay dumating na sila Andy at Zia, dala ang snacks na binili nila upang may manguya kami habang tumatambay. Wala kaming lecturers ngayon dahil naghahanda para sa team building ng Nursing at Engineering students bukas.
"Wala pa man pero grabe na 'yung excitement ko para bukas!!" bulalas ni Zia nang makarating sila sa pwesto ko.
"Ako rin, hays, ang mga pinapangarap kong engineering students.." nagpapantasyang sambit pa ni Andy.
"May babae ring Engineers, bakla. Maging specific ka, baka isipin kong tumuwid na ang landas mo?" biro ni Zia, "Kung tuwid ka na, nandito lang ako."
"Ay bakla, tumigil," nasusuka pa kunong sambit ni Andy, "Bumabaliktad ang sikmura ko, please lang."
Napailing nalang ako sa kanila saka natawa, habang tumatagal ay dumudugyot ang biruan nila.
"Arte, ako na 'to," mahangin pang ani Zia, "Lugi ka pa ba?"
"Omsim," ani Andy saka umayos ng upo at humarap sa akin, "Kamusta kayo ni Vrel?"
"H-Ha?" tanong ko.
Nabigla naman ako dahil biglang ibinaling sa akin ang usapan. Ang totoo, kanina pa ako naghihintay ng tawag n'ya. Simula umaga hanggang kanina ay hindi man lang n'ya ako tinawagan. Nakaramdam ako ng pagaalala dahil ngayon lang ito nangyari. Masyadong naging mabilis ang mga pangyayari nitong mga nakaraan, tuloy ay hindi ko malaman kung anong dapat maramdaman sa iba't-ibang sitwasyon. Nangangapa ako sa mga dapat gawin, bumuntong hininga na lamang ako.
"Ayos naman," sagot ko.
"Mukhang hindi pa kayo nagkakasama ngayong araw?" tanong ni Zia, "Bumawi nalang kayo sa team building bukas, solohin mo."
Sumama naman agad ang tingin ko sa kan'ya, "Kung ano-anong sinasabi mo."
"Kunwaring ayaw pa," panunukso ni Andy, "Kung ako ang nasa posisyon mo, hindi ko lang sosolohin si Vrel sa araw na 'yon, baka humigi pa."
"Ay for real!"
"'Diba?? Weak 'tong isa eh!"
"Tumigil nga kayo," suway ko sa kanila, "Hindi pwede ang gano'n, team building ang mangyayari bukas, okay? Hindi outing! Team-buil-ding. Team work, pagkakaisa, bubuo ng samahan."
"Sa kaharutan ng mga estudyante ngayon, baka hindi lang samahan ang mabuo."
Natawa nalang ako sa kanila, ngunit hindi pa rin maalis ang pagaalala sa'kin. Panay ang silip ko sa hallway kung saan dumadaan ang mga papasok sa garden. Umaasang baka sakali ay si Vrel na ang makita kong papasok doon, ngunit sa ilang minutong paghihintay ay wala pa rin. Bigo kong iniwas ang tingin doon saka kinain ang snack na binili nila Zia kahit hindi ko alam kung para sa akin ba iyon o hindi.
"Ate Ganda!"
Mula sa malayo ay dinig ko na ang pamilyar na boses na iyon, nilingon ko ang gawi ng hallway at nakita ko si Everest na papalapit sa amin kasama ang mga kaibign n'ya. Ang isa ay nakatagilid pa ang pagkakasuot ng sumbrero na akala mo'y malaking tao kung umasta. Natawa ako.
BINABASA MO ANG
OH MY GHOST [ONGOING]
Teen FictionSi Samara ay isang masiyahin at positibong tao, lahat halos ng nakakasalamuha n'ya ay napapagaan niya ang loob. Hindi natatakot sa multo, bata pa man ay hindi na s'ya naniniwala sa iba't-ibang kuwento patungkol sa mga kaluluwa. At sa hindi inaasahan...