Nakangiti lang ako hanggang sa makabalik ako sa room namin, ayon na naman ang mga mata ni Zia na nakasalubong sa pagdating ko. Nakataas ang kilay n'ya habang pinagmamasdan ang mukha ko.
"Ngiting malandi ah." aniya, "Saan ka na naman galing?"
Inirapan ko lang s'ya saka ako naupo at sumandal sa headboard ng kama, isinuko ko ang bigat ng katawan sa hinihigaan dahilan upang guminhawa ang pakiramdam ko.
"Nagpahangin nga." tugon ko.
Narinig ko s'yang suminghal, batid kong hindi ko s'ya nakumbinsi. Kailan ba naman nakumbinsi ang babaeng 'to sa simpleng mga sagot lang. Ang kailangan n'ya ay iyong mala talumpating sagot, 'yong tipo na dapat ay mangangako ka pa para lang mapaniwala s'ya.
"Nagpahangin rin naman ako, pero hindi ako parang tangang nakangiti habang naglalakad." nakangiwi n'yang sabi.
Nag iwas na lamang ako ng tingin, kahit kailan ay pakealamera ang babaeng 'to. Saglit pa akong tumitig sa itaas saka ako maginhawang huminga at nakangiting nilingon si Zia. Seryoso pa rin s'yang nakatingin sa akin, saka ko lang napansin na pinagpapawisan s'ya. Nang lingonin ko ang paligid ay pawis rin ang iilan sa mga kaklase ko, ang iba ay tila nakapag-punas na.
"Anong nangyari?" tanong ko saka nilingon ang iba.
"Nag zumba kami." tugon ni Zia, "Ako ang instructor, grabe nakakapagod."
Kunot noo akong nakatingin sa kan'ya habang natatawa, damang-dama n'ya talaga ang bilib sa sarili. Ngunit kung sa bagay, ay talaga namang magaling sumayaw si Zia. Hindi na nakapagtataka na s'ya ang nag-lead sa zumba na sinasabi n'ya.
"Bakit hindi ko alam?" tanong ko.
"Malay ko sayo, saan ka ba kase galing?" nakangiwi n'yang tanong, "Ikaw lang ang wala kanina, nandito pa naman ang Dean."
"Ano naman kung nandito ang Dean?" taka kong tanong saka muling umayos ng pwesto.
"Hindi ko alam, gusto ka daw makausap eh." tugon n'ya.
Agad akong napalingon sa kan'ya nang sabihin n'ya 'yon. Hindi ko matandaang may ginawa akong mali para hanapin n'ya ako at kausapin. May kaba na dulot sa akin ang sinabi ni Zia, sa maraming taon ng pagaaral ko sa SIU ay ngayon lang ako hinanap ng Dean upang kausapin.
Hindi kaya... dahil gala ako ng gala?
Kinabahan ako sa naisip, ngunit muli lang ring napa-isip. Naalala ko ang tungkol sa event, hindi ko man alam kung kailan ilalabas ang resulta ay umaasa akong tungkol doon ang dahilan kung bakit n'ya ako kakausapin. Alam ko kung gaano ka-strikto ang Dean sa lahat ng bagay, kaya hindi n'ya ako ipapatawag ng basta lang kung hindi iyon lubos na importante.
Mukhang delikado ako.
"Bakit kaya?" kalaunan ay tanong ko.
Hindi agad sumagot si Zia, alam kong maging s'ya ay napapaisip. Bumuntong hininga ako saka pumikit, ngayon pa lang ay ipinagdarasal ko na ang buhay ko.
"Baka tungkol sa event?" kapagkuwa'y tanong rin ni Zia, "Ayon lang naman ang pwedeng maging dahilan."
Napatango ako sa sagot n'ya, gumaan ang pakiramdam ko dahil doon. Baka tama nga kami ng iniisip, tungkol iyon sa event na ginanap noong nakaraan. Baka kakausapin n'ya ako dahil sa resulta ng mga sagot ko sa integral calculus, kung talo man ako ay ayos lang sa akin. Ang importante ay hindi ako sabonin ng tanong ng Dean, iyon ang gusto kong iwasan hangga't maaari.
"Sana umabot tayo sa awarding." ani Zia saka ako nilingon.
Tahimik ko lang rin s'yang nilingon dahil wala akong ideya sa sinasabi n'ya. Resulta 'to ng palagiang paglabas at paglalakad-lakad ko sa hospital. Tuloy ay halos wala na akong kaalam-alam sa mga nangyayari.
BINABASA MO ANG
OH MY GHOST [ONGOING]
Teen FictionSi Samara ay isang masiyahin at positibong tao, lahat halos ng nakakasalamuha n'ya ay napapagaan niya ang loob. Hindi natatakot sa multo, bata pa man ay hindi na s'ya naniniwala sa iba't-ibang kuwento patungkol sa mga kaluluwa. At sa hindi inaasahan...