Chapter 111

620 23 34
                                        

SAM'S POV

Kinabukasan ay naghanda na ako ng sarili para sa activities na gaganapin ngayong araw. Bagaman magaling na ako at hindi na nilalagnat, may kung ano pa rin sa loob ko ang mabigat at matamlay. Idinaan ko na lamang ang pakiramdam na iyon sa buntong hininga saka agad na nag-asikaso, bumaba na rin ako nang matapos. Nauna na sila Zia at Andy sa ibaba dahil mas nauna silang nagising, hindi na daw nila ako ginising para makapagpahinga ako ng maayos.

Kung wala silang dalawa, maging si Kalia at Renz ay paniguradong mas mabigat at mas mahirap para sa akin ang lahat. Mabuti na lang at nandiyan sila, handa akong damayan sa lahat ng oras at sitwasyon. Hindi na masyadong mabigat dahil handa silang pakinggan ang lahat ng bagay na nagpapabigat sa pakiramdam ko. Hindi na gaanong mahirap dahil may mga bagay silang nagagawa na kahit papaano'y ikinatutuwa ko.

Mabuti nalang at may mga kaibigan ako.

"Ibuka ang bulaklak, nandito na ang reyna!" pabirong salubong ni Andy sa akin.

"Ang aga mo," lumapit si Zia.

"Talaga?"

"Oo, ikaw nalang ang hinihintay, hindi kami makapagsimula," ngumiwi siya.

Nang lingunin ko ang lahat sa kabilang dako ng resort ay mukhang nakahanda na nga sila. Halos lahat ay may kapares na, mukhang ako na nga lang ang hinihintay. Hindi ko agad maalis ang paningin ko sa kumpulan na 'yon, may hinahanap ang mga mata ko. May katiting sa akin ang gusto siyang makita ngayong araw, ngunit mas lamang ang nagtutulak sa aking huwag na itong hagilapin dahil paniguradong bibigat lang ulit ang pakiramdam ko.

"Nasaan ang partner ko?" tanong ko nalang.

"Here."

Nilingon ko ang pinanggalingan ng boses na 'yon. Papalapit sa akin ang isang lalaki hawak ang card na pareho ng akin, inangat niya pa ito upang ipakita. Nakita ko naman sa gilid ng mga mata ko kung paano umirap si Zia nang lagpasan siya nito, pinilit kong hindi mangiti.

"Diamond?" tanong niya sa akin.

Tumango naman ako kaya bahagya siyang ngumiti. Kamalas-malasang sa lalake pa ako natapat, puwede naman sanang sa babae nalang. Hindi naman sa ayaw ko sa partner ko ngayon, ayaw ko lang na makita ako ng iba na may kasamang ibang lalake, at talagang partner ko pa sa activity na 'to. At mas nakakayamot ang katotohanang tatlong araw gaganapin ang activity, kung puwede sanang mag-solo nalang ako. Malalim ang hingang binitawan ko.

"I'm Jazion, you can call me Jaze," inabot niya ang kamay.

Saglit ko pang tiningnan 'yon, nagtatalo ang isip ko kung makikipagkamay o hindi. Nakipagkamay rin ako kalaunan, panay ang tingin ko sa paligid, umaasang walang makakita sa pakikipagkamay ko sa lalaking 'to.

"Nice to meet you...?" aniyang hinihintay ang pangalan ko.

"Sam."

"Nice to meet you, Sam."

Nakangiti pa rin siyang nakatingin saka naiilang na nag-iwas. Hindi naman ako makaramdam ng ilang o ano sa kaharap ko, mas lamang ang pag-aalala kong makita kami ni Vrel, kahit alam kong wala naman siyang pakealam kung magkataon. Nakaramdam na naman ako ng bigat sa naisip, malalim na buntong hininga ang pumawi no'n.

"I'm Andy," kalaunan ay sabat ni Andy saka inabot ang kamay, "Hindi ako nakapag-introduce sa'yo kagabi."

"Jaze," inabot iyon ng lalaki.

"Siya naman si—"

"I'm not interested."

OH MY GHOST [ONGOING]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon