Chapter 24

7.1K 484 257
                                    

Nanatili pa rin kamig walang imik sa isa't-isa ni Vrel. Hindi ko matukoy ang dahilan kung bakit s'ya ganito ngayon, dati ay nakakausap ko naman s'ya ng maayos. Palihim ko s'yang nilingon, nanatili ang tingin n'ya sa tanawin.

"Ayos ka lang ba talaga?" hindi ko natiis na hindi maniguro.

Hindi n'ya ako nilingon, ang tingin n'ya ay nasa tanawin parin. Nagaalala ako sa inaasta n'ya, na baka may masamang balita s'yang nalaman kaya ganoon. Pinilit kong waglitin iyon sa isip ko. Nang ituon kong muli ang pansin kay Vrel ay walang parin s'yang kibo.

"Bakit hindi mo ako sinasagot?" nagtataka kong tanong.

"You're not even courting me." seryoso n'yang tugon.

Nangunot ang noo ko habang gulat na nakatingin sa kan'ya, seryoso pa rin ang tingin n'ya sa tanawin na akala mo'y seryoso rin sa sinasabi. Napasinghal nalang ako sa kawirdohan n'ya.

"Umayos ka ng sagot." inis kong saad.

Tahimik n'ya akong nilingon, tila inilulusot lang sa kabilang tenga ang mga sinasabi ko. Hindi ko inalis ang pangungunot ng mga noo ko upang makita n'yang naiinis talaga ako sa inaasta n'ya, ang akala ko pa naman ay magkaibigan na kami at pwede ko na s'yang damayan sa kung ano mang dinamdamdam n'ya. Bagaman naiintindihan ko naman na hindi lahat ng problema ay kayang ipagkatiwala at isuplong ng tao sa kahit na sino, ay may inis pa rin sa akin dahil hindi man lang n'ya maamin na hindi maayos ang pakiramdam n'ya.

"What?" inosente n'yang tanong.

Nawawalan ng pag asa akong nag iwas ng tingin sa kan'ya saka huminga ng malalim upang ikalma ang sarili. Kung ayaw n'yang makipagusap ay bahala s'ya, hindi rin ako magsasalita.

Binalot nga talaga kami ng katahimikan, wala sa amin ang kumibo. Nanatiling nasa tanawin ang paningin naming pareho, sinikap kong magkaroon ng sariling mundo. Malugod kong nilanghap ang sariwang hangin na dumadampi sa balat ko, kalaunan ay nawala rin ang inis na nararamdaman ko dahil sa inaasta ni Vrel kanina.

"I'm not in the mood." kalaunan ay sambit ni Vrel.

Nilingon ko s'ya nang sabihin n'ya 'yon, nakatingin na rin s'ya sa akin.

Magsasabi rin pala, pinatagal pa.

"Bakit?" tanong ko.

Hindi s'ya agad na sumagot, ilang sandali pa ay nag iwas s'ya ng tingin. Hinintay ko lang s'yang magsalita, ngunit halos minuto na ang lumipas ay nanatili pa rin ang paningin n'ya sa tanawin. Hindi ako nakaramdam ng inis, hinayaan ko lang s'yang pagmasdan 'yon. Dahil kasabay ng pagmamasid n'ya sa tanawin ay ang pagpako ng paningin ko sa mukha n'ya.

Ang kintab ng balat n'ya.

"Do you want to come with me?" tanong n'ya saka ako nilingon.

Mabilis pa sa kidlat kong inalis ang paningin mula sa kan'ya saka kunwaring hinimas ang batok ko palingon sa hindi malamang direksyon. Kunwari pa akong nag unat saka s'ya nilingon, nasa akin pa rin ang paningin n'ya. Sana lang ay hindi n'ya naramdamang kanina pa ako nakatingin sa kan'ya.

"S-Saan?" tanong ko.

"To ICU." tugon n'ya.

"Nandoon ang katawan mo, 'diba?" gulat kong tanong.

Tumango s'ya sa tanong ko.

Saka ko lang naalala, noong araw na itinanong ko sa kan'ya kung saan ang room n'ya. Ang isinagot n'ya sa akin ay sa ICU daw, at labis kong ipinagtataka kung bakit s'ya nakakapaglakad at nakakalabas mula sa ICU. Ito pala ang dahilan, dahil hindi na s'ya tao. Kung pwede lang ay batukan ko ang sarili dahil hindi ko agad iyon nahulaan noon.

OH MY GHOST [ONGOING]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon