Sophie's POV
"Dr. Jacobs, pwede ba akong magtanong tungkol sa kapatid mo?" kusa na lamang lumabas mula sa bibig ko ang tanong na iyon.
Ngumiti naman siya sa akin. "Sure. Anong gusto mong malaman tungkol sa kanya?"
"Uh... Close ka ba sa kanya?"
Panandalian siyang nag-isip. Inilapag niya ang ballpen niya sa desk sa ipinagkrus ang mga braso niya. "Actually, close naman kami noong mga bata palang kami. Kaya lang isang araw bigla nalang siyang nag-rebelde. Noong maging teenagers na kami, parati ko na siyang pinagagalitan at tingin ko naiinis siya ron. Galit siya sa akin, pati na rin sa mga magulang namin."
"Kasama mo pa ba siya sa bahay?"
"Hindi na. Pinalayas siya ng mga magulang namin nang malaman nilang naging leader siya ng isang gang. Ano nga ba ang tawag doon?"
"Mukhang kalat na talaga ang mga mafia, huh." bulong ko sa sarili. Bumangon ako mula sa pagkakahiga saka tumingin sa kanya. "Galit ka ba sa kanya?"
"Huh? Galit? Hindi kahit na kailan. Ang totoo, hinihintay ko pa rin na bumalik siya. Hinihiling ko na sana magbago ang isip niya at ma-realize na gusto lang namin kung ano ang mas makabubuti para sa kanya. Siya lang ang nag-iisa kong kapatid, kaya nag-aaalala talaga ako para sa kanya.Kaya lang masyado siyang ma-pride." bahagya siyang tumawa. "Pero hanggang ngayon hinihintay ko pa rin talaga na isang araw lumapit siya sa akin."
"For sure, lalapit din siya ulit sa'yo."
"Sana nga."
"Oo nga pala, anong pangalan ng kapatid mo?" tanong ko sa kanya.
Ngumiti siya. "Ang pangalan niya--
"Excuse me, Dr. Jacobs?" bigla na lamang sumilip ang isang babae sa loob ng infirmary.
Pareho kami ni Dr. Jacobs na tumingin sa kanya. "Yes?"
"Gusto ka raw po makita ni Miss Samantha."
"Samantha?" tanong ko.
Tumingin sa akin si Dr. Jacobs saka siya tumayo. "Sophie, hintayin mo ako rito."
"O-Okay."
Inayos niya pa ang necktie at ang damit niya bago lumabas ng infirmary habang nakangiti. Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa hindi ko na siya makita.
Samantha?
Sino siya? Hindi niya nabanggit na may kapatid din siyang babae. May kapatid na babae si Lance?
O baka naman iyon ang babaeng tinutukoy niya noon?
Muli akong nahiga sa kama saka sinubukang ipikit ang mga mata ko para makatulog pero hindi ko talaga magawa. Hindi ko maiwasan na ma-imagine sina Lance at ang Samantha na iyon habang iniisip kung ano ang ginagawa nila. Sigurado akong sobrang sweet nilang dalawa ngayon.
Tumigil ka, Sophie.
Wala kang karapatan na mag-selos kahit pa girlfriend nga ni Lance ang babaeng iyon. May asawa ka na. Ang asawa ko na ayaw ipaalam sa akin ang mga detalye tungkol sa personal niyang buhay.
Isa pa, hindi ko mahal si Vincent. Ganoon din naman siya sa akin. Nakikipaglaro lang siya sa akin para hindi siya ma-bored.
Tumayo na ako saka isinuot ang sapatos ko at naglakad palabas. Hindi ko na talaga kayang magtagal pa roon.
"Ayos na ba ang pakiramdam mo?" tanong sa akin ng nurse na nakasalubong ko sa labas.
"O..Opo. Babalik na po ako sa klase ko."
"Mabuti kung gano'n."
Naglakad lamang ako nang naglakad habang lumilinga-linga sa paligi hanggang sa makarating ako sa garden ng university namin. Doon ko nakita si Lance kausap ang isang matangkad at blonde na babae suot ang isang ink sheath dress. Napakaganda niya, tingin ko nga ay nakita ko na siya sa TV dati. Nagatatawanan silang dalawa na para bang ang saya-saya ng usapan nila kaya hindi ko naiwasang magselos.
Nakatingin lamang ako sa kanila nang bigla na lamang inilapit ni Lance ang mukha niya sa babae at..... hinalikan niya ito.
Nanlaki ang mga mata ko. Tila estatwa lamang akong nakatayo roon habang pakiramdam ko ay may kung anong tumutusok sa puso ko. Bigla na lamang tumulo ang luha mula sa mga mata ko at naramdaman ko ang panginginig ng mga kamay ko habang nakatingin sa kanilang dalawa.
***
"Sophie, plano mo bang matulog dito? Sigurado akong hinahanap ka na ng asawa mo." sabi sa akin ni Sabrina.
"Walang pakialam sa akin si Vincent, okay? Wala rin akong pakialam kahit na magalit pa siya sa akin."
Bumuntogng-hininga siya. "Pasado alas-nuwebe na at tignan mo ang sarili mo, apat na bote ng whiskey na ang nainom mo. Lasing ka na."
"Pwede mo nalang akong iwanan dito kung may gagawin ka pa, Sab."
"Ano? At bakit ko naman gagawin iyon? Hindi kita pwedeng iwanan nang ganyan!"
Muli kong tinungga ang isa pang bote ng whiskey. "Alam mo, Sab? Tingin ko galit sa akin ang mundo."
"Ano? Anong pinagsasabi mo?"
"Iniwan ako ng mama ko, si Daddy naman ibinigay ako kay Vincent. Si Dr. Jacobs naman hindi rin ako gusto. Lahat nalang ayaw sa akin, walang nagmamahal sa akin, walang may gustong manatili ako. Hindi ko maintindihan... masama ba akong tao? Bakit lahat nalang ng taong mahal ko iniiwan ako?!"
"Sophie, huwag mong sabihin iyan.."
"Si Lance, I mean, Si Dr. Jacobs. Mahal na mahal ko siya... mahal na mahal ko siya... pero may gusto na siyang iba... Anong gagawin ko, Sab?"
"Well, baka kasi hindi naman talaga kayo para sa isa't isa. Baka--
"Pero mahal ko siya! Mahal na mahal ko siya!"
"Pero kasal ka na, Sophie. Kasal ka na kay Vincent Hastings. Siya ang dapat na pinagtutuunan mo ng pansin. Siya dapat ang nakakakuha ng pagmamahal mo."
Umiling-iling ako. "Mahal na mahal ko si Lance..."
"Hay, Sophie..."
Muli akong tumungga ng alak habang patuloy ang pag-agos ng luha mula sa mga mata ko. Hindi ko alam na ganito pala kasakit ma-broken hearted. Alam ko namang hinding-hindi ako mamahalin ni Lance, pero bakit umasa pa rin ako na mapapansin niya rin ako balang araw?
Ang tanga ko talaga.
Sino ba naman ang magmamahal sa isang babaeng gaya ko?
BINABASA MO ANG
Mafia King's Innocent Bride [PUBLISHED UNDER IMMAC PPH]
Romansa[ALREADY HAVE A PHYSICAL COPY ON IMMAC PRINTING AND PUBLISHING HOUSE!!] "Everytime I win, I will conquer a part of you. I will keep on doing that, until I fully conquer all of you." Walang ibang gusto ang dalagang si Sophie kundi ang matupad ang mga...