"MAGHINTAY KA LAMANG... AKO'Y DARATING"
Kathang Nobela ni Zampagitang Azul
UNANG KABANATA
AANDAP-ANDAP NA ILAWAN
Ikalawang Tagpo
Madaling araw pa lang tinatalaktak na ni Ernie ang kahabaan ng pilapil mula sa itikan na pinagkunan nila ng mga itlog ng itik habang pasan-pasan niya sa kanang balikat ang kahong tabla na kinalalagyan ng tatlong daang itlog ng itik kasunod ang mga bikolanong trabahador na may pasan-pasan ding mga kahon ng itlog. Ramdam na ramdam ni Ernie ang bigat ng kanyang pinapasan na sa kanyang murang edad ay napasabak na siya sa ganitong mahirap na gawain. Kapag nangangawit na ang kanyang kanang balikat at nasasaktan na sa tablang kahon ng itlog ng itik na kanyang pinapasan, ililipat niya ito sa kaliwang balikat niya at mabilis niyang tatalaktakin ang kahabaan ng pilapil na tumatagaktak ang pawis hanggang sa maikarga na sa lugar na kinapaparadahan ng truck van.
Ilang beses din silang nagpabalik-balik mula sa itikan hanggang sa paglululan ng mga kahon-kahong itlog ng itik sa truck van. Nang siyasatin ng Kuya Ruperto niya ang bilang ng mga kahon, iiling-iling na nagsabi sa kanilang di pa sila makakauwi kasi kulang pa. Nagpasiya ang Kuya niyang huwag pang umuwi para makumpleto niya ang bilang ng mga itlog ng itik na kailangang maisalang sa "incubator" at nang di rin masayang ang lakad nila. Tinawagan ng Kuya niya sa selpong hawak nito ang may-ari ng itikan na duon na sila magpapalipas ng gabi para hintaying mangitlog ang mga itik nang sa ganoo'y mapunan ang kulang sa target niyang bilang na kailangan niyang mauwi para di siya masira sa kausap niyang pagdadalhan ng balot sa Nueva Ecija.
Wala silang nagawa kundi sumunod sa utos ng Kuya niya. Kinagabihan, buong kasiyahang nagbibiruan at naghaharutan ang mga bikolanong trabahador ng Kuya Ruperto ni Ernie habang nag-iinuman ng lambanog. Sa may di-kalayuan, tahimik lang si Ernie na nagmamasid sa kanila.
Pinahiram sila ng karaoke ng suki ng Kuya niya na may-ari ng itikan at binigyan pa ng asong itim na kanilang kinatay at tinuhog ng matulis na bakal. Habang pinipihit ang nililitsong kinatay na aso ng isa sa mga trabahador ng Kuya niya, nilapitan si Ernie ng kanyang Kuya Ruperto.
"Ernie, makihalubilo ka sa kanila," ang sabi ng Kuya Ruperto niya sa kanya, sabay senyas sa kanya na lumapit sa grupo. Binilinan ng Kuya niya ang mga trabahador na alalayan siya sa pag-inom. Pagkatapos, tinungo na ng Kuya niya ang may-ari ng itikan na nakaupo sa isang mesang kawayan na kanina pa kainuman niya.
Masaya naman siyang tinawag nung isa sa mga bikolanong trabahador na kasundo niya, "Ernie, halika rito...tabi tayo!"
Lumapit si Ernie at inabutan siya ng tanggero ng umiikot na tagay na baso ng lambanog. Habang ang isang trabahador naman ay abala sa pagpapaikot ng nililitsong kinatay na aso ay kasamang tinatagayan rin. Ilang saglit pa'y nagkakatuwaang pinagsasaluhan na nila ang nilitsong aso. Ang ibinukod nilang sariwang dugo ng aso na inilagay sa palayok na bahagyang isinalang sa apoy ay hinigop ng ilan sa kanila sa paniniwalang magdaragdag ito ng panibagong lakas sa kanila. Nakihigop rin si Ernie na halatang namumula na at tinatablan na ng lambanog.
Di namamalayan ni Ernie na nalalasing na siya habang palalim na nang palalim na ang gabi. Sa kanyang paligid, patuloy pa ring nagkakatuwaan ang mga bikolano. May umaawit. May nagsasayaw. Ang iba nama'y nagkakantiyawan. Lahat sila'y maiingay na, parang mga nakawala sa kural ng baboy.
Umiikot na ang paningin ni Ernie. Iba-ibang kulay na ang kanyang nakikita: puti, asul, pula, dilaw. Sa mga sumunod pang pangyayari, wala na siyang alam. Saglit na nalimutan niya ang labis na kalungkutang kanyang nararamdaman sa pagkamatay ng kanyang ama't ina. May naghihintay pa kaya sa kanyang magandang bukas?
![](https://img.wattpad.com/cover/354144529-288-k906745.jpg)
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
AdventureKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...