IKASIYAM NA KABANATA : AGAW-LIWANAG-AT-DILIM (TAGPO 100)

16 2 0
                                    

"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKASIYAM NA KABANATA

AGAW-LIWANAG-AT-DILIM

Ikaisandaang Tagpo

Dumating na ang pinakihihintay na araw ng mag-asawang Ernie at Ine sa pagbabasbas ng two-storey house na idinisenyo ni Architect Mallari na magiging pugad at tahanan ng kanilang pagmamahalan.

Madaling araw palang, abalang-abala na ang matitipunong trabahador sa pagawaan ng balot sa pagpihit ng sampong lilitsuning baboy na nakadarang sa nagliliyab na baga sa isang panig ng maluwang na bakuran ng eleganteng bagong kagagawang gusaling tahanan na may dalawang palapag na ang kabuuan ay nadidindingan ng makakapal na salamin.

Maaga rin dumating ang Inang Ko Po Catering Services na kinontrata ni Ine na mangasiwa sa isang malaking handaan na magaganap sa pagbabasbas ng kanilang magiging tahanan ni Ernie. Sa loob ng maluwang na bakuran, matapos mag-usap sina Ine at Bennie, ang manedyer ng catering services, iisang katawan nang kumilos ang mga staff at waiter para igayak ang apat na magkakahiwalay na buffet table ng masasarap na putaheng pinagkasunduang ihahanda para sa nabanggit na okasyon.

Kasunod na dumating ang magkakapatid na Nena, Romy, Ben, Sancho, Elmer, Juancho, Ellen at Susan kasama ang kani-kanilang pamilya gayundin mag-iinang Liling, Efren at Beet na nag-ambag-ambagan para sa sampong litson bilang karagdagan sa mga putaheng ipapakain sa mga bisita.

Mga ilang sandali pa, unti-unti nang dumarami ang mga bisita. Di-magkandaugaga sina Ernie at Ine sa pag-estima sa pagdating ng mga miyembro ng Couples for Christ, mga kamag-anak, mga kaibigan, mga kasosyo sa negosyo, mga taong simbahan, kapitbahay at iba pa na nakiisa sa prayer vigil nuong malagay sa panganib ang buhay ng magkakapatid na Santos sa malupit na kamay ng nabuwag na sindikato ng droga na pinamunuan ni Kapitan Anchong.

Tumulong na rin sa pag-estima sa mga bisita sina Luisa, Atong, Liling, Efren, Beet at magkakapatid na Santos. Di-magkamayaw ang mga bisita sa sobrang saya ng kanilang pagkikita. Gaya ng kinagawian, naging abala na naman si Louie sa pagbibidyo sa nagaganap na okasyon. Naroon din si Mang Damian na laging tinatanong si Luisa kung ano ang ipagagawa.

Maya-maya pa dumating na rin ang banda na kinontrata ni Ernie at matapos ituro ang lugar na pupuwestuhan ng mga ito, babalikan niya uli si Ine para tumulong sa pag-estima sa iba pang mga dumarating na bisita.

Makaraan ang ilang sandali pa, dumating naman si Padre Tinio. Pagkatapos maisuot ang kanyang abito, sinimulan na niya ang seremonya ng pagbabasbas. Nagsilbing giya ang mag-asawang Ernie at Ine sa paglibot ni Padre Tinio sa loob ng two-story-house sa kanyang pag-usal ng panalangin at pagwisik ng agua vendita mula sa maluwang at maaliwas na sala sa ground floor na may nakabiting malaking arangya sa pinakasentro ng kisame.

Kasunod nina Ernie at Ine ang kanyang mga kapatid at ang Couples for Christ habang umaakyat sa malaking hagdang yari sa narra patungo sa pangalawang palapag na binubuo ng may panibagong katamtamang laki ng sala, apat na naggagandahang mga silid, rest rooms at mini movie theater.

Pagkatapos mabasbasan ito ni Padre Tinio, sabay-sabay naman silang aakyat sa panibagong hagdang yari sa narra patungong roof deck na matatagpuan ang isang may katamtamang haba at lapad ng swimming pool na kasya ang sampo hanggang dalawampong katao at iba pang amenities gaya ng restroom, bathroom, bar house at guest room.

Humihingal si Padre Tinio at ang iba pang mga guests na nagsisunod kina Ernie at Ine nang matapos ang pagbabasbas ngunit bakas sa mukha ng lahat ang labis na kasiyahan sa kariktan at kaayusan ng ipinatayong mansion nina Ernie at Ine.

Inabot na hanggang gabi ang okasyon. Nagkakagulo sa kasiyahan ang lahat ng mga naiwan habang nakikinig sa masayang awitin ng banda na inaawit ng Big Three Sulivans nuong kanilang kapanahunan.

Nakihalubilo naman si Ernie sa mga trabahador na Bikolano sa Virgen De los Flores na matagal na panahong nakasama niya sa pagawaan ng balot na sa hirap man o ginhawa, sa pagtulog man o inuman, lagi silang magkakasama, na matagal na naging kaututang-dila niya at kadaingan ng mga problemang pare-parehon nilang nararanasan nuong nabubuhay pa ang Kuya Ruperto niya.

Habang nakikipag-inuman sa mga ito, di rin niya naiwasang balikan sa kanyang mga alaala ang pagkakaligtas sa buhay nilang magkakapatid sa malupit na kamay ng mga sindikato.Sumagi rin sa isip niya si Althea na nang magkita sila sa misa ng pasasalamat na idinaos dito mismo sa maluwang na bakurang pinag-iinuman nila ay buong higpit siyang niyakap nang di na isinaalang-alang si Dr. Adonis at iba pang taong naroon gayundin si Arianne na halos ayaw bumitaw sa pagkakayakap sa kanya sa labis na katuwaan nang makitang buhay pa siya!

Sa mga sandaling yaon, nakaramdam si Ernie ng matinding pangungulila. Sa kauna-unahang pagkakataon, di-dumating ang mag-anak na Althea, Adonis, Jershey at Aniway sa okasyon. Wala rin si Arianne sa okasyon.

All reactions:7Charet B. Monsayac, Grace Alon and 5 others1

1LikeCommentShareRich na talaga mag-asawa.

LoveReplyWrite a comment...

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon