"MAGHINTAY KA LAMANG...
AKO'Y DARATING"
Nobela ni Zampagitang Azul
IKATLONG KABANATA
MAY BUKAS PA BANG DARATING?
Ikadalawampo't walong Tagpo
Sa loob ng Brewed Coffee Shop sa loob ng Casa Manila, pinamulahan ng pisngi si Althea nang alukin siya ni Ine na maging maid of honor kapag naitakda na ang kasal nila ni Ernie. Di-mapanatag naman sa pagkakaupo si Ernie.
"Di ba Ernie...mas maganda sana kung si Althea na ang kuhanin nating maid of honor sa kasal natin," ang pagsangguni ni Ine kay Ernie.
"Malayo pa naman 'yun...saka isa pa...wala pa kong ipon," ang umiiwas na sagot ni Ernie.Bagama't nabigla sa alok ni Ine, idinaan na lang sa tawa ni Althea ang kanyang naging tugon.
"Sure ka bang ako ang gusto mong maging 'maid of honor'?" ang nakangiting pagtatanong ni Althea kay Ine.
"Oo naman, one hundred percent sure ako, ngayon pang nakilala na kita...sa tingin ko...maraming bagay na nagkakatulad tayo sa pag-uugali lalo na sa mga kakikayan..." ang masayang tugon ni Ine.
Nagpatianod naman si Althea.
"Palagay ko nga...maraming bagay tayong pagkakasunduan...Ernie baka pwedeng iwanan mo muna kami ni Ine...pwera ka na muna sa usapan namin, girls' talk muna kami," ang nakangiting kahilingan ni Althea.
Di-mapanatag si Ernie, nag-aalangang umalis.
"Oo naman Ernie...iwanan mo muna kami...baka may importanteng sasabihin sa akin si Althea," ang biglang pagseseryoso ni Ine na sa pakiwari niya'y may kakaibang sasabihin sa kanya si Althea.
"Di ba maaaring marinig ko kung anuman ang pag-uusapan ninyo?" giit ni Ernie na gumuhit sa mukha ang matinding pag-aalala.
"Girls' talk nga eh...bakit girl ka ba?" sabay-tawa ni Althea.
Parang napahiya si Ernie na pinamulahan ng mukha.
"Sige...iwanan ko muna kayo riyan kaya lang saglit lang kayo at baka gabihin na tayo sa ating pag-uwi," ang nasabi na lang ni Ernie na halatang di-mapakali.
Nang mapag-isa na ang dalawa, naunang magsalita si Althea.
"Bago ko tanggapin ang alok mo na maging 'maid of honor' sa kasal ninyo ni Ernie, sa harap mo, gusto kong maging malinis ang kalooban ko...yun bang wala akong itinatago anuman sa iyo..." ang pasimula ni Althea.
"Anong ibig mong sabihin?" ang tanong ni Ine na nag-iba ang pakiramdam.
"Noong unang gabing sinagip ko ang buhay ni Ernie at pinatulog ko siya sa bahay, nagising akong nanginginig siya sa sobrang taas ng lagnat...tinatawag niya ang iyong pangalan...kumuha ko ng iyelo sa refrigerator at pinunasan siya para bumaba ang kanyang lagnat...hinawakan niya ang kamay ko at kanyang hinatak...nakalimot ako...natukso..." di na natuloy ni Althea ang kanyang kwento at tinangkang pigilin ang kanyang pag-iyak ngunit may ilang butil ding pumatak sa kanyang mata.Di makahuma si Ine sa kanyang narinig. Nakaagaw ng pansin sa ilang serbidorang naroon ang pagpahid ng panyo sa luha ni Althea.
"Nuong una, gusto kong ipaglaban si Ernie sa iyo ngunit nuong magkakilala na tayo ng personal at nakita ko kung gaano mo kamahal si Ernie, nagbago na ang pasya ko...ipinauubaya ko na siya sa iyo nang buong puso...at alam kong sa kaibuturan ng puso ni Ernie, ang pangalan mo ang kanyang isinisigaw!" Di na napigilan ni Althea ang bumulugnos niyang damdamin.
Sa oras na iyon, nagtataka si Ine kung bakit habag ang kanyang naramdaman kay Althea sa halip na siya ay magalit. Maya-maya'y pumapatak na rin ang luha sa mga mata ni Ine. Nang mapansin ito ni Althea, niyakap niya si Ine nang mahigpit."Patawarin mo ko Ine. Patawarin mo ko!"
"Wala kang kasalan Althea! Higit sa lahat, dapat panagutan ni Ernie ang nangyari sa inyong dalawa..."
Sa papasok si Ernie, dinig na dinig niya ang huling mga salitang namutawi sa labi ni Ine na di siya makapaniwala. Nagbubulungan naman sa paligid ang mga nag-usyosong serbidora.
All reactions:5Rachelle Bautista Mijares, Drigo Fountain and 3 others
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
AdventureKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...