IKAAPAT NA KABANATA : KUKUTI-KUTITAP NA BITUIN (Tagpo 34)

66 2 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG,AKO'Y DARATING..."

Kathambuhay Zampagitang Azul


IKAAPAT NA KABANATA


KUKUTI-KUTITAP NA BITUIN


Ikatatlumpo't apat na Tagpo


Sa tanggapan ng Barangay Hall, nagharap na sina Liling at Mang Damian na nagbalik sa ulirat at nawala na rin ang matinding kalasingan habang hinihingan ng salaysay ni Kapitan Anchong ang magkabilang panig. Naruon din si Ruperto, Ernie at Ine na inanyayahan rin ng mga barangay tanod para maglahad din ng kanilang panig sa naganap na insidente. Luhaang isinalaysay ni Mang Damian ang di pagpapautang sa kanya ni Liling na naging sanhi ng pagkamatay ng kanyang asawang maysakit. Halatang hirap na hirap si Mang Damian habang nagsasalaysay dahil sa hapdi at kirot ng tinamasang bugbog at mga pasa sa katawan na sanhi ng palo, tadyak at suntok ng mga bikol na trabahador ng mag-asawang Ruperto at Liling.


Katwiran ni Liling ang dapat sisihin ni Mang Damian ang kanyang pagiging mahirap at di dapat siyang sisihin kung bakit di siya pinautang na naging sanhi ng pagkamatay ng asawa ng nag-amok. Sa bandang huli, sa harap ni Kapitan Anchong, naayos din ang problema. Napilitang humingi ng tawad si Mang Damian at nangakong di na niya uulitin ang ginawa niyang pag-aamok at siya ay pumirma sa isang kasunduan na pag naulit muli ang kanyang pag-aamok ay ipadadampot na siya sa pulis.


Nang makaalis na si Mang Damian, sinamantala na nina Ernie at Ine ang magandang pagkakataon para anyayahan na magninong si Kapitan Anchong sa kanilang planong pagpapakasal na magiliw namang sinang-ayunan ng butihing kapitan.


Matapos ang problema nila kay Mang Damian, dinalaw na nina Ernie at Ine, isa-isa ang mga kapatid sa mga bahay-bahay ng mga ito upang ipabatid ang kanilang pagpapakasal lulan ng inarkilang pampasaherong dyipni ni Atong na na siya na ring nagmamaneho. Personal na inimbitahan na rin nina Ernie at ine na maging 'best man' sa kanilang kasal si Atong na agad namang sumang-ayon. Sa kanilang pagdalaw nang isa-isa sa kanilang mga kapatid, nakita nina Ernie at Ine ang mainit na pagtanggap sa kanila at mga nangako pa ang mga ito na tutulong sa pagluluto gayundin sa paglilinis at pag-aayos ng kanilang lumang bahay. Tinawagan naman ni Ine ang kanyang Ate Luisa sa selfon at ibinilin na ilagay sa mga kahon ang mga kutsara, tinidor at mga plato at dalhin sa madaling araw ng kanilang kasal sa Baliuag.


Tanging ang Dikong Romy lang nila na nakaalitan ng kanilang Kuya Ruperto at ng hipag na si Liling ang di dinatnan nina Ernie at Ine ngunit nangako naman ang asawa nito na dadalo silang mag-anak sa kasal.


Matapos ang pagdalaw sa mga kapatid, nagtungo na sila sa Parokya ng Simbahang San Agustin sa kabayanan para kumausap ng paring pwedeng magkasal sa kanila sa lumang bahay. Nang pumayag na ang pari at maiskedyul na ang kanilang kasal, tumawag na si Ine sa kanyang Ate Luisa na ibiniilin na ilagay sa mga kahon ang mga kutsara, tinidor, plato at baso at ipinapadala sa lumang bahay nina Ernie sa Baliuag sa madaling araw ng mismong kasal. Tinawagan rin nila ang naging suki nilang matabang babae na si Aling Magda sa Pangasinan at pinakiusapan nilang maging ninang sa kasal nila.


Bagamat pagod na pagod sa maghapon sina Ernie at Ine, masayang-masaya naman sila at 'excited' na sa nalalapit nilang kasal.


Papasok na sila sa loob ng lumang bahay para magpahinga nang biglang mag-vibrate ang cp ni Ernie. Sinilip niya ang text message. Nag-appear sa screen ng cp niya ang pick-up line ni Arianne.


"Ikaw ba ang anghel dela guardia ko?"


Lihim na napangiti si Ernie. Di niya sinagot ang pick up line ni Arianne. Sa loob-loob niya, eto na naman si Arianne, nangungulit na naman. Ano kaya't ipagtapat niyang ikakasal na siya? Para di siya kulitin ni Arianne at maibaling na nito ang atensiyon sa iba.Mapapansin siya ni Ine.


"Bakit ba nangingiti ka?" ang usisa ni Ine.


"May ibinulong kasi sa akin ang aking anghel dela guardia. Sabi ang ganda mo raw, bagay tayo hehehe," ang pagbibiro ni Ernie para di-mahalatang nagtext sa kanya si Arianne na anak ng isang mayamang suki nila sa balot na taga-Cebu.


"Ikaw talaga...o, halika na't magpahinga na tayo at marami pa tayong asikasuhin sa nalalapit na kasal natin!" saka malambing na yayakapin ni Ine si Ernie!"


Biglang magri-ring ang cp ni Ernie. Alam niya tumatawag si Arianne.


"May tumatawag ata sa iyo...bakit di mo sagutin?" tanong ni Ine.


Titingnan ni Ernie kung sino ang tumatawag. Si Arianne nga! Biglang papatayin ni Ernie ang cp niya.


"O, bakit mo pinatay?" nagtatakang tanong ni Ine.


"Si Louie...tumatawag baka aayain akong uminom...pagod na ko...saka isa pa...gusto kong masolo na kita," ang pilyong nakangiting pagpapalusot ni Ernie habang nilalambing ang kasintahan.


All reactions:6Len Cruz Odtohan, Rachelle Bautista Mijares and 4 others

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon