"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"
Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
IKAANIM NA KABANATA
BUWAYA SA DAGAT NG BUHAY
Ikaanim-na-po't dalawang Tagpo
Tinawagan ni Ine isa-isa ang mga kapatid ni Ernie sa selfon upang ipabatid sa mga ito na nasa ospital ang asawa at kasalukuyang nagpapagaling. Makalipas ang dalawang araw, binayaran na ni Ruperto Cruz Santos III ang 'hospital bills' nang bigyan na ng clearance ng doktor si Ernie upang makalabas na ng ospital nang matiyak na nitong ligtas at nanumbalik na ang dating sigla at lakas ng kanyang pasyente.
Masayang hinarap ni Ernie na tila walang anumang masamang nangyari sa kanya ang alalang-alalang mga kapatid na nagsidalaw sa kanya sa bahay nina Ine sa Jaen, Nueva Ecija. May kanya-kanyang bitbit na masasarap na pagkain: adobo, menudo, batchoy, valenciana, fruit salad, avocado shake, saging at marami pang iba ang kanyang mga kapatid na akala mo may dadaluhang mahalagang okasyon.
Nangingiti na lamang si Ernie na nagmamasid sa mga kapatid niya na parang iisang katawang kumikilos habang inihahain sa mesa ang iba't ibang masasarap na putahe ng pagkain.
"Mamamatay na ba ako? Nadala lang ako sa ospital...at eto nga't magaling na magaling na naman ako...bakit naman ganyan n'yo ko ipinaghanda na para bang ako'y paglalamayan na hehehe" pagbibiro ni Ernie.
"Hahaba pa ang buhay mo Ernie! Hindi hahayaan ni Lord na mawalan kami ng isang napakabuting kapatid na katulad mo...so sa iyong patuloy na paggaling at paglakas pa...it calls for a celebration, di ba mga kapatid? Cheers!" maagap na tugon ng kanyang Dikong Romy.
"Gusto lang naman namin sa iyo Ernie na iparamdam kung gaano ka naming kamahal ng mga kapatid mo...Cheers!" ang pangangalawa ng Ate Nena ni Ernie.
Nagsisunod na rin ang iba pang mga kapatid na sina Elmer, Ben, Sancho, Juancho, Ellen at Susan.
"Cheers! Cheers!"
Lalapitan si Ernie ni Ben at iaabot ang kapit-kapit na salapi.
"Sangkong Ben para saan 'to?" ang nagtatakang tinig ni Ernie matapos abutin ang kapit-kapit na salapi.
"Isinosoli na namin nina Elmer, Sancho at Juancho 'yung puhunang ibinigay mo sa amin na ginamit namin sa pagsisimula namin sa aming junkshop...ngayong kumikita na kami...nararapat lang na ito'y ibalik na namin sa iyo..." ang paliwanag ni Ben.
Nagsisunod na rin sina Romy, Nena, Ellen at Susan. Ibinalik na rin nila kay Ernie ang puhunan na ipinagkaloob ni Ernie sa kanila.
"Teka...teka....bigay ko lang itong mga puhunan sa inyo...di naman ako naniningil....bakit kailangan ninyong isoli ito sa akin?" ang patuloy na nagtatakang pag-uusisa ni Ernie sa di-inaasahang pagsosoli ng puhunang kusa niyang ipinagkaloob sa mga kapatid.
Nakamasid lang sina Ine at Luisa sa magkakapatid na kapwa rin nasorpresa sa naging kapasyahan ng mga kapatid ni Ernie.
"Alam namin Ernie na bigay mo lang sa amin 'yan kaya lang napagpasiyahan namin na total naman...naging maunlad na rin naman ang buhay namin pare-pareho dahil sa puhunang kaloob mo...ibinabalik namin 'yan sa iyo para lalo mo pang mapalago at kung may mga taong nais ka pang tulungan na kagaya namin noon na hikahos sa buhay, makatulong ka pa!" susog ng nakatatandang kapatid na babae na si Nena.
Dahil sa magandang paliwanag ni Nena, tinanggap na rin ni Ernie ang balik-puhunan. Sa labas ng bahay, may SUV Toyota na hihinto, bababa ang Kuya Ruperto ni Ernie. Bababa rin si Dong kasunod ang tatlo pang matitipunong lalaking nakasuot rin ng polo barong na puti. Maiiwan si Dong at ang tatlo pang lalaki sa labas ng bahay na nagmamatiyag sa paligid. Papasok si Ruperto sa bahay ni Ine.
"Tuloy Kuya Ruperto..." ang paanyaya ni Ine sa nakatatandang kapatid na lalaki ni Ernie pagkakita pa lamang niya sa bungad ng pintuan ng bahay nila.
Nakaramdam ng pagkaasiwa si Ernie sa di-inaasahang pag-aabot ng kanyang Kuya Ruperto at ng mga kapatid na nagsidalaw sa kanya na lantaran nang sumusuporta kay Kapitan Anchong.
Pilit na kinalma ni Ernie ang sarili. Pawang nagsitahimik na ang mga nagkakasayahang magkakapatid na sina Nena, Romy, Ellen, Susan, Ben, Elmer, Juancho at Sancho sa di-inaasahang pag-aabot nila at ng kanilang Kuya Ruperto sa pagdalaw kay Ernie.
Ang pag-aabot kayang ito ay isang magandang simula ng pagkakasundo o lalo pang magpapalala sa hidwaan ng magkakapatid?
Charet B. Monsayac
Ito na sana ang panahon upang pagdugtingin ang nalagot na tali ng pagkakaisa.
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
AventuraKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...