'MAGHINTAY KA LAMANG... AKO'Y DARATING"
Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
IKAAPAT NA KABANATA
KUKUTI-KUTITAP NA BITUIN
Ikatatlumpo't pitong Tagpo
Sa bahay sa Jaen, Nueva Ecija, na nagsipaghapunan sina Ernie, Ine, Louie at Atong kasama si Luisa na naggayak sa kanila ng isang masarap na hapunan.
"O, kumusta na si Liling? May pag-asa pa bang magising iyon?" ang usisa ni Luisa habang humihigop ng sabaw na mainit.
"Sabi ng doktor Ate...matagal na gamutan daw 'yun...sa ganyang kaso raw ata, inaabot ng buwan o taon bago maka-recover!" ang paliwanag ni Ine habang sumusubo ng kanin na sinabawan ng sinigang na hipon.
"Naku, baka maubos ang kabuhayan ni Ruperto n'yan...dangan kasi...sobrang naging matapobre na ang mag-asawang 'yan mula nang magkaroon sila sa buhay..." ang may pagkasarkastikong tugon ni Luisa.
"Ate, dahan-dahan ka naman ng pagsasalita...nakokonsensiya na nga si Ernie sa nangyari sa hipag niya...kung di niya sinagot-sagot baka ok pa siya hanggang ngayon..." ang mahinahong pagpapaliwanag ni Ine sa kanyang Ate Luisa.
"Diyan ako di-naniniwala...sa paniniwala ko...may brain aneurysm na 'yan noon pa, diabetis at high blood pressure...nagkataon lang nang atakihin ...sa kanya natapat nang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo...kaya Ernie, di ka dapat makonsensiya ...masama rin sa tao, ang sobrang bait..."ang may himig pang pangangaral ni Luisa.
Di-kumikibo si Ernie habang ninanamnam na mabuti ang sinasabi ni Luisa. Halata sa bawat marahan at madalang niyang pagsubo ang labis na pag-aalala sa naganap sa hipag niya at iniisip niya kung ano na ang mangyayari sa kabuhayan ng Kuya Ruperto niya na may mga anak na pinag-aaral pa.
Tuloy naman sa pagsubo sina Atong at Louie na sarap na sarap sa hapunang inihanda ni Luisa.
Matapos ang mahaba-haba ring kwentuhan at balitaan, nang makaramdam ng antok, nagsiidlip muna ang mga ito.
Madaling araw na kinabukasan, nagsigayak na at lulan ng pampasaherong dyipni ni Atong, tinatalunton na nila ang landas patungong Simbahan ng Virgen Manaog sa Pangasinan. At nang makarating sila sa kanilang destinasyon, ipinarada ni Atong ang sasakyan sa isang parking area.
Dinatnan na nilang marami ng taong nagkakatipon-tipon para magsimba. Sabay-sabay na silang nagsipaglakad papasok sa Milagrosang Simbahan ng Virgen Manaog.
Punumpuno na ang loob ng simbahan kung kayat sa labas na lang sila nakinig at nanood ng misa habang nakaupo sa mga inilaang upuan sa tapat ng isang telebisyon. Taimtim na nanalangin si Ernie at Ine para sa maagang paggaling ni Liling at nawa'y gabayan sila ng Diyos sa kanilang negosyo at patuloy pa ring makatulong sa mga gastusin na kinakailangan sa pagpapagaling ni Liling.
Matapos ang misa, nakaramdam nang di-maipaliwanag na ligaya sina Ernie at Ine. Sa mga puso nila, pakiwari nila'y tinugon na ng Diyos ang panalangin nila.
Pagdating nila sa Baguio, inilagay na nila sa mga kwarto-kwarto nila ang mga gamit nila sa isang antique house na inupahan nila. May isang solong kwarto para kay Ernie at Ine at may solong kwarto rin para kay Luisa. Magkasama naman sa iisang kwarto sina Atong at Louie. Dahil sa alanganing oras na silang dumating, dun na rin sila nagsipag-brunch (breakfast and lunch). Nagtuwang sa pagluluto sina Ine at Luisa. Dahil sa sobrang pagod sa biyahe at kakulangan sa tulog, nagpasiya silang magpahinga na muna roon.
Naunang nagising si Louie. Sumunod na nagising si Atong. Mapapansin, gumagayak si Louie.
"Saan ba ang lakad?" bati ni Atong.
"Tinext ako ng mga ka-tropa ko...dito rin raw sila sa Baguio. Nakita siguro 'yung post ko sa fb...pakisabi kay Tito Ernie...maglakwatsa lang ako sandali..."
"Sige...ingat ka lang Bro..." tugong nakangiti ni Atong.
Pasipol-sipol pang lumabas ng silid si Louie. Magkakasalubong sila ni Luisa sa may sala na kagigising lang din.
"Mukhang may lakad ka ata..." bati rin ni Luisa.
"Opo Tita! Magmi-meet po kami ng tropa ko!" tugon ni Louie.
"Huwag kang pagagabi...uwi ka agad, masarap pa naman ang hapunan na igagayak ko..."ang nakangiting paalala ni Luisa.
"Opo...opo...di ko po palalagpasin 'yan...suwerte po Tita Luisa ang mapapangasawa n'yo..." ang tinig na panghaharot ni Louie.
"Salbahe kang bata ka...sa tingin mo ba makapag-aasawa pa ko sa tanda ko ng ito..." ang ganting pabiro ni Luisa.
"Aba'y opo! Ang ganda-ganda po kaya n'yo...kahawig po ninyo si Manay Lolit Solis!" ang di-mapigilang panghaharot ni Louie.
"Bruho ka! Umalis-alis ka nga't baka di na kita matantiya!" ang halatadong pagkapikon ni Luisa sa pagbibiro ni Louie.
Nang mahalata ni Louieng di na nakabuti ang kanyang ginawang pagbibiro, tuloy-tuloy na itong lalabas ng bahay na pakendeng-kendeng pa na nang makita ni Luisa, naibsan ang kanyang pagkapikon hanggang sa di na niya mapigilang matawa.
Hanggang sumapit na ang hatinggabi, nakapaghapunan na silang lahat, wala pang Louieng dumarating. Nagsimula nang mag-aalala sina Ernie, Ine, Luisa at Atong. Makailang beses na nilang tinatawagan sa selfon si Louie, di sila sinasagot nito. Malaunan, cannot be reached na ang selfon niya.
All reactions:3Rachelle Bautista Mijares, Aileen Quinto and 1 other
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
AdventureKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...