"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"
Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
IKAWALONG KABANATA
SALAMISIM
Ikawalumpo't Siyam na Tagpo
Gabi na'y ayaw pang dalawin ng antok si Ernie. Alipin siya ng sariling pangamba. Natatakot siyang muli na naman niyang mapanaginipan si Arianne. Bagamat nakararamdam siya ng takot, di niya maamin sa sariling alipin pa rin siya ng pananabik na makarating muli sa Palasyong Ginto na animo isang 'dream fantasy island' na nilikhang mundo ni Arianne para sa kanilang dalawa.
Nasasabik siyang makahalubilong muli ang mga punongkahoy na may masasayang mukha at matatamis na ngiting nakahahawa na nagbibigay sa kanya ng di-maipaliwanag na saya, ang mga ibong nakaaaliw pagmasdan na may iba-ibang hugis at kulay gayundin ang mga unggoy na nangagsabit sa mga sanga ng punongkahoy na may hawak na biyolin na masayang nagtutugtugan, ang mga leon at mga tigreng magkakasundo na masayang nagsisipaglaro sa mga batis, ang mga lambanang nagliliparan na nakikisabay sa kanilang paglipad ng isang diwatang nakasuot ng isang mahabang gown na kulay-pilak habang sakay sila ng isang puting kabayong may pakpak patungo sa Palasyong Ginto.
Sariwang-sariwa pa sa kamalayan ni Ernie ang lahat ng detalye ng panaginip lalo na ang pagsasayaw nila ni Arianne sa saliw ng awiting "Maghintay Ka Lamang...Ako'y Darating", ang pagsasalo nila ni Arianne sa isang masaganang agahan habang nakapalibot sa kanila ang mga lambanang masayang nag-aawitan maging ang paliligo nila ni Arianne sa batis na walang saplot ni isa man ang kanilang mga katawan na para bagang sina Eva at Adan, ang masayang pagsalubong at pagyakap sa kanila sa Palasyong Ginto nang isa-isa ng mga naggagandahang mga sanggol na tila mga munting anghel-dela-guardia.
Bumabalik rin sa kanyang alaala nang magising siyang nakadukot sa loob ng kanyang brief ang kamay ni Ine na buong puso naman siyang nagpaubaya at nang pinagsasaluhan na nilang mag-asawa ang ritwal ng 'luto ng Diyos', napadilat na lang ang kanyang mga mata nang biglang lumitaw na lamang sa kanyang balintataw si Arianne na may hawak na punyal at buong pagseselos na pinagsasaksak siya.
Binalikan rin ni Ernie sa kanyang isip nang humiwalay sa kanyang katawan ang kanyang kaluluwa (astral projection), kitang-kita niya ang sariling katawang wala ng buhay, ang pagpasok ni Ine sa kanilang silid na kasama ang isang doktor para tignan ang kanyang kalagayan at ideklarang patay na siya gayundin kitang-kita rin niya ang pagpasok nina Liling, Beet, Efren at Luisa na labis na nag-aalala hanggang sa pagbabalik muli ng kanyang ulirat na sa pakiwari niya'y parang nanaginip lamang siya.
Patuloy na tinatanong ni Ernie ang sarili, naghahanap siya ng mga kasagutan sa kahulugan ng kanyang mga panaginip. Paano niya ipapaliwanag nang managinip siyang pinuntahan niyang isa-isa sina Ine, Althea at Arianne para ipabatid niya ang ginawang pagbundol sa kanya ng isang malaking truck van at pagpapaamoy sa kanya ng panyong may pampatulog, ang pagbabalik uli ng kanyang ulirat sa loob ng truck van na kasama ang mga kapatid na binihag din ng sindikato ng droga hanggang sa pagkakahimpil nila sa maluwang na silid ng isang gusali sa ituktok ng bundok ng Montalban Rizal gayundin ang pag-uusisa ni Jessa sa kanya sa panaginip hinggil sa hiwaga ng kanilang pagkawala ng kanyang mga kapatid nuong nakaraang eleksiyon.
Nang mga oras na 'yaon, tanging nag-iisa lamang siya sa may hapag-kainan sa may bandang kusina ng matandang bahay nina Ine. Nakabukas ang laptop niya, nagtungo siya sa google search engine. Itinipa niya sa keyboard ang 'dream interpretation' hanggang sa mapanood na niya ang video ng iba't ibang psychic vlogger.
Napag-alaman niya sa mga ito na lahat ng tao ay may kani-kaniyang 'hidden psychic powers' na kailangan lamang idiskubre at i-develop. Habang lumalalim ang gabi, lalong nagigising ang diwa ni Ernie. Ganoon na lamang ang kanyang pananabik sa kanyang mga nababasa at napapanood tungkol sa 'dream interpretation'. Unti-unti nang lumilinaw ang mga kasagutan sa mga katanungan niya sa kanyang mga panaginip.
Natawag ang pansin niya nang di-inaasahang mapanood ang video ni Jessa na kaibigan at kaklase ni Arianne na isang certified psychic vlogger na batay sa karanasan niya, may kakayahan siyang mag-astral travel o humiwalay ang kanyang diwa o kaluluwa sa kanyang pisikal na katawan para makapaglakbay sa iba-ibang lugar na nais niyang puntahan.
Biglang pumasok sa isip niya, di kaya tinuruan ni Jessa si Arianne kung paano mag-astral travel? Nakaramdam siya ng kakaibang vibration na di niya maipaliwanag. Nag-message si Ernie kay Jessa sa comment section, nagpakilala siya at nagsabi siyang gusto niyang sumangguni kay Jessa. Naghintay siya ng sagot ngunit hanggang sa mainip lang siya, wala pa rin siyang natanggap na reply. Paano kaya niya makokontak si Jessa?
Ipinagpatuloy niya ang pagri-research niya tungkol sa mga taong nakaranas ng astral projection kahit di nila ito pinapraktis at nangyari na lang basta dahil sa sobrang pagod o dulot ng isang matinding aksidenteng kinasangkutan nila.
Naisip niyang aktwal na naranasan na niya itong astral projection na ipinagkamaling binabangungot siya nang di siya makagalaw habang gising na gising ang diwa niya nang humiwalay ang kanyang kaluluwa at makita niya mismo ang pisikal na katawan niya na walang buhay na iniiyakan ng asawang si Ine sa harap ng duktor na tinawag nito para tignan ang kalagayan niya gayundin naramdaman niya ang labis na pag-aalala nina Liling, Beet, Efren at Luisa na saksi sa nangyari sa kanya.
Nang mabasa ni Ernie ang tungkol sa 'bilocation', nagbalik sa alaala niya si Arianne na sinusundan niyang tumatakbo sa may Padre Pio Subdivision nang tawagin siya ni Atong na hinahabol naman siya sa pagtakbo at nang muling ibaling niya ang paningin kay Arianne bigla na lamang naglaho ito. Ilang saglit lamang ang nakaraan, tumawag si Arianne sa pamamagitan ng roaming cel phone nito at sinabing siya ay nasa ibang bansa at duon na ipagpapatuloy ang kanyang pag-aaral.
Napaisip si Ernie, di kaya si Arianne ay may psychic power na rin na may kakayahang mag-astral travel nang sabay sa magkaibang lugar sa pamamagitan ng 'bilocation'? Naiugnay ni Ernie agad ang kanyang binasa sa posibilidad na ginawang paggabay ni Jessa kay Arianne para makapag-perform ng 'bilocation'? "Di-kaya?" sa loob-loob ni Ernie.
Sa kanyang ginawang pananaliksik, nakabasa rin siya at nakapanood ng mga video tungkol sa telepathic dream, precognitive dream at clairvoyance dream. Maituturing bang telepathic dream ang ginawa niyang pakikipag-ugnayan kina Ine, Althea at Arianne sa panaginip nang bihagin silang magkakapatid ng sindikato ng droga?
Masasabi ba namang precognitive dream at clairvoyance dream ang panaginip niya tungkol sa lindol at tidal wave na posibleng maganap sa hinaharap? Anong ibig sabihin ng mga tinig nina Ine, Arianne at Althea na narinig niya sa kanyang panaginip na tila naghahanap sa kanya habang nasa loob ng isang gumuhong gusali?
Nasa ganoong pagdidili-dili si Ernie sa kanyang ginagawang pananaliksik nang tawagin siya ni Ine na ikinagulat niya.
"Ernie...ano ba 'yang pinagkakaabalahan mo na 'yan...di ka ba matutulog? usisa ni Ine habang papalapit sa asawa.
Isasarado na ni Ernie ang laptop niya.
"May ni-research lang ako hehehe?" maagap na sagot ni Ernie.
"Ano ba 'yan ni-research mo?" ang nakakunot ang nuong pag-uusisa ni Ine.
"Tungkol sa PCOS hahaha ni-research ko kung paanong magkakaanak na tayo hahaha" ang pagsisinungaling ni Ernie.
Masuyong yayakapin ni Ernie ang asawa para palisin ang pagdududa nito at mabilis na papangkuhin patungong silid.
"Let us make a baby now...yuhoooo!" sigaw ni Ernie.
"Hoy ingay mo hahaha...baka magising si Ate Luisa..." ang mabilis na pakli ni Ine na parang kinikiliti sa puwit.
All reactions:7Maria Digna Ramos, Charet B. Monsayac and 5 others
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
AventuraKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...