"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"
Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
IKALIMANG KABANATA
IGINUHIT NA PANGARAP
Ikalimampong Tagpo
Mag-aalasais na ng hapon nang dumating sa lumang bahay si Ernie. Pagbungad palang niya sa pinto, masayang sinalubong na siya ni Liling na parang walang anumang namagitan sa kanilang samaan ng loob.
"Tuloy-tuloy Ernie..." ang nakangiting salubong sa kanya ni Liling.
Napansin agad ni Ernie ang masaganang hapunang nakahain sa mesa. May postreng alimango, sinigang na sugpo, kare-kare, lumpiang sariwa, ulo ng litson na may nakasubong mansanas sa bibig at iba pang masasarap na putahe.
"Maupo ka muna diyan sa sala habang hinihintay natin ang iba mo pang kapatid...naghanda kami ni Kuya Ruperto mo ng isang masaganang hapunan na ating pagsasaluhan..." ang patuloy ni Liling na tila wala ng bahid ng anumang pagka-arogante.Bagama't naninibago si Ernie sa ipinakikitang giliw sa kanya ng hipag na si Liling, maginoo naman siyang naupo sa sala bilang pagpapaunlak sa hipag.
" 'Yung tungkol sa ating di-pagkakaunawaan, kalimutan mo na 'yon Ernie...ang mahalaga magkasundo-sundo tayo lalo pa nga't tumatakbo sa pagka-Kapitan ang Kuya Ruperto mo..." ang magiliw na pakikitungo ni Liling kay Ernie.
Naaasiwang di-malaman ni Ernie kung paanong pakikitunguhan niya ang kanyang hipag lalo't iba ang kanyang pakay sa pagsadya sa dati nilang lumang bahay.
Sa paglabas ni Ruperto sa silid na bihis na bihis, kaagad na nakangiting tinungo nito ang kinaruruonan ni Ernie. Pagkaupo niya sa may sala, dalawang kamay na mahigpit niyang tututupin ang mga palad ni Ernie habang nangungusap ang mga mata.
"Salamat naman Ernie at di mo ko binigo...aasahan ko ang suporta mo sa eleksiyon...dala mo na ba ang half million na hinihiram ko sa iyo?"
Iaabot ni Ernie ang cheque na nagkakahalaga ng kalahating milyon."Naku, maraming salamat Ernie, malaking tulong ito sa aking kandidatura..."
Masayang-masayang inabot ni Ruperto ang cheque habang nakangiting nakatingin naman si Liling. Lalapit na rin si Liling at makikisalo sa usapan ng magkapatid. Mauupo na rin sa may sala.
"Sana, matulungan mo rin si Ruperto sa iyong mga kapatid...alam mo naman na malaki ang naging tampo nila sa Kuya mo...alam ko na kapag ikaw ang nagsabi...tiyak na di ka nila mapapahindian..." ang pangugumbinsi sa tinig ni Liling na may himig pagpapakumbaba.
Di-malaman ni Ernie kung paano magsisimula. Sadyang sa mata ni Ruperto, itutuon ni Ernie ang kanyang paningin na tila iniiwasan ang magiging reaksyon ng kanyang hipag sa kanyang sasabihin.
"Kuya...'wag sanang ikasasama ng loob mo...buo na ang pasya ng ating mga kapatid...si Kapitan Anchong ang kanilang susuportahan sa eleksyon..."
Aakyat ang dugo sa ulo ni Liling.
"Punyeta! Anong klaseng mga kapatid 'yan? Mas mamatamisin pa nilang suportahan ang ibang tao kaysa ka-dugo nila!"
Pilit na magpapakahinahon si Ruperto.
"Huminahon ka Liling...lahat ng bagay...makukuha sa paupo! Hayaan mong ako ang kumausap sa kanila. Anyway, maya-maya lang siguro narito na ang mga 'yun," ang paliwanag ni Ruperto sa asawa.
"Ikinalulungkot kong sabihin Kuya na di sila darating sa paanyaya mo ngayong hapunan...kinumbinsi ko na rin sila na suportahan ka namin sa eleksyon...matigas ang naging pasya nila na di ka raw nila susuportahan..." ang mahinahong pagsisiwalat ni Ernie sa mag-asawa.
Nakawala na naman sa tulos si Liling. Umiral na naman ang pagka-maldita.
"Simbergwensa! Mga talipandas! Walang utang na loob! Sino na ngayon ang kakain ng mga pagkain na inihanda natin para sa kanila?"
Nang marinig ang pagwawala ng ina, lalabas sa silid si Efren ang panganay na anak na isang senior high school student kasunod si Beet na isa namang junior high school student na kapwa nag-aaral sa Living Angels Christian Academy. Yayakapin ni Beet sa bewang ang ina sa may bandang likuran na bakas sa mukha ang labis na pag-aalala.
"Please Mommy, huminahon ka! Baka tumaas na naman ang bp mo..."
Pilit magpupumiglas si Liling sa pagkakayakap ng anak na si Beet. Kapwa sila mawawalan ng panimbang at mapapahiga sa sahig. Aalalayan ni Efren sa pagbangon ang ina ngunit nang makatayo na, itutulak sa dibdib ang anak palayo sa kanya at sa matinding galit, tutunguhin ni Liling ang hapag-kainan at ihahagis ang mga plato, kutsara at tinidor pati mga pagkain sa sahig.
Pilit na papayapain ni Ruperto ang asawa. Yayakapin ito nang mahigpit.
"Mga dimonyo sila...mga walang utang na loob! Mamatay na silang lahat!" patuloy na nagwawala si Liling na halos mawala na sa sariling katinuan.
"Huminahon ka Liling...baka atakihin ka na naman niyan...kalma ka lang...please...parang awa mo na..." pilit na aakayin ni Ruperto ang asawa sa silid, "...duon ka na muna sa ating kwarto...magpahinga ka na lang muna..."
Pagdadamputin naman ng magkapatid ang mga kalat sa sahig. Tutulong na rin si Ernie sa magkapatid para maibalik na muli sa ayos ang lahat. Pagkatapos maisayos ng mag-aamain ang mga kalat na iniwan ni Liling, magsisipag-mano ang magkapatid na Efren at Beet sa Tito Ernie nila.
"Pasensiya na po Tito Ernie sa inasal ni Mommy..."ang nahihiyang paghingi ng paumanhin ni Efren sa Tito Ernie niya.
"Sige po Tito...maiwan po muna namin kayo...puntahan lang po namin si Mommy..."ang biglaang pagpapaalam naman ni Beet na labis na nag-aalala sa kalagayan ng ina.
Agad namang pumasok na ang magkapatid sa silid na kinaruruonan ng ina
Matapos na maipasok ni Ruperto ang asawa sa silid, dinig na dinig ni Ernie ang paghagulgol ni Liling hanggang sa tuluyang pumayapa ito. Matagal-tagal din naghintay si Ernie sa pagbabalik ng Kuya Ruperto niya sa sala.
"Musta na lagay ni Ate Liling? Wala na ba 'yung Nars na nag-aalaga sa kanya..." pag-aalala ni Ernie.
"Di na pumasok 'yung nars niya...nag-abroad eh...naghahanap nga ako ng kapalit..." paliwanag ni Ruperto.
'' Kuya..di na ba magbabago isip mo...nag-aalala lang ako na baka matalo ka lang at lalo ka pang mabaon sa utang..."
"Nakasubo na ko Ernie...nakapangutang na ko nang malaki sa banco bukod pa sa hiniram ko sa iyo at kinausap ko na rin ang malalaking negosyante rito sa baranggay natin na kakumpitensiya ni Kapitan Anchong sa kanyang mga negosyo na nangakong handa akong suportahan..." giit ni Ruperto na taglay ang matinding paniniwala na mananalo siya sa eleksyon.
"Nakikiusap kasi si Ninong Anchong na ipagpaliban mo na muna ang iyong pagtakbo...huling termino na niya...nangako siyang kung aatras ka ngayon at manalo siya...sa susunod na halalan pagbaba niya sa kanyang panunungkulan, ikaw naman ang kanyang dadalhin at susuportahan..." ang paliwanag ni Ernie sa kapatid.
"Makinig ka Ernie...hindi ako matatalo....kaya ako nangungutang ng malaking halaga...tatapatan ko nang mas malaking halaga ang gagawing pamimili ni Kapitan Anchong...bibilhin ko ang mga botante ng Virgen Delos Flores..."
"Di ganon kadali 'yang iniisip mo Kuya...malakas ang makinarya ni Kapitan Anchong..." ang patuloy na pagbibigay-babala ni Ernie sa Kuya Ruperto niya.
"Tayo ang magkadugo kaya ako ang dapat tulungan mo...kapag nanalo ko...babawiin ko lahat ang nagastos ko sa halalan at muling bubuhayin ko at papalaguin ang aking mga negosyo at kapag nalaman kong pinagkaisahan n'yo kong magkakapatid...malilintikan kayong lahat sa akin...iisa-isa ko kayong babalikan! Itaga mo 'yan sa bato!" ang mariing pagbabanta ni Ruperto.
Rumehistro sa mukha ni Ernie ang labis na pag-aalala sa mga binitiwang salita ng kanyang Kuya Ruperto. Ano na kaya kahihinatnan sa lumalalang di-pagkakaunawaan sa pagitan ni Ruperto at ng kanyang mga kapatid? Magiging madugo kaya ang tunggalian sa pulitika nina Kapitan Anchong at Ruperto?
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
PertualanganKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...