IKATLONG KABANATA : MAY BUKAS PA BANG DARATING (TAGPO 26)

86 2 0
                                    

''MAGHINTAY KA LAMANG...

AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKATLONG KABANATA

MAY BUKAS PA BANG DARATING?

Ikadalawampo't anim na Tagpo

Araw ng Linggo. Walang biyahe si Ernie. Gaya ng pangako ni Ernie, dinalaw niya si Althea sa bahay na bato ng pamilya nito sa San Miguel, Hagonoy.

Matapos siyang umakyat sa hagdanan, marahan siyang kumatok sa pinto. Sakto namang si Althea ang nakapagbukas ng pinto. Nang makita siya ni Althea, kitang-kita ni Ernie ang labis na kasiyahan sa mukha nito.

"Ernie...halika, halika...pumasok ka!" ang halatadong pananabik na paanyaya ni Althea sa kanya.

Nabungaran niya ang labis na saya ng pamilya ni Althea habang nagkukuwentuhan sa masaya nilang pagbabakasyon sa Davao. Napahinto lang ang katuwaan ng mga ito nang pinapasok na ni Althea si Ernie. Masayang ipinakilala ni Althea si Ernie sa pamilya.

"Papa...Mama...si Ernie, siya 'yung ikinukuwento ko sa inyong sinagip ko sa pagkalunod!" paalalang kwento ni Althea sa mga magulang.

"Gwapo pala itong si Ernie...alam mo Althea, bagay kayo!" ang biro ng mama ni Althea.

"Mama naman...nakakahiya kay Ernie!" ang nahihiyang sagot ni Althea sa ina.

"Bakit masama ba? Dalaga ka naman at palagay ko naman binata si Ernie...saka isa pa tumatanda ka na...at tumatanda na rin kami ng Papa mo...at gusto na rin naman namin na magkaapo sa iyo..." ang tuloy-tuloy na pagsasalita ng ina ni Althea.

"Hijo, halika...maupo ka!" ang paanyaya ng Papa ni Althea kay Ernie.

"Siyanga pala Ernie...Mama ko...Mama Donna...Papa ko...Papa Erwin..."pagpapakilala ni Althea kay Ernie sa kanyang peyrents.

"Wow gwapo naman ng magiging bayaw natin..." sabay na sabay pang nasabi ng kambal na kapatid na babae ni Althea na sina Wendy at Candy na kinikilig-kilig pa.

"He magsitigil nga kayo! Magsipasok nga kayong dalawa sa kwarto..." ang halatang napipikong tinig ni Althea.

"Tara na nga...napipikon na naman ang Ate..." ang sagot ng isa sa dalawang kambal.

Magkasunod naman pumasok ang dalawa sa kwarto. Saka palang mauupo si Ernie. Tatayo na rin ang mga magulang ni Althea.

"Sige, mabuti pa...maiwan muna namin kayo ni Althea para magkausap kayo..." ang sabi ng ina ni Althea sabay hatak sa kamay ng asawa na nagpatianod naman agad.

"Sige, maiiwan muna namin kayo, bahala ka na Althea sa bisita mo," ang pasintabing pagpapaalam at bilin ng ama kay Althea.

Magkahalong kaba at pananabik ang nararamdaman ni Ernie nang mga sandaling yaon nang maiwan na lang silang dalawa ni Althea sa sala. Hinugot ni Ernie sa kanyang pitaka ang halagang dalawang libo upang isoli ang salaping ipinabaon ni Althea sa kanya.

"Althea, sinosoli ko na sa iyo yung dalawang libong pisong ipinabaon mo sa akin." sabay-abot ni Ernie kay Althea.

"Bakit di mo na ba kailangan?" nag-aalanganing abutin ito ni Althea.

"Oo. Salamat ha? Nakasuweldo na ko...tinanggap na ulit ako ni Kuya sa kanyang pagawaan ng balot...nakuwento na rin kita kay Ine na ikaw ang nagligtas sa buhay ko at ikaw rin ang kumupkop sa akin sa dalawang linggong walang tigil na pagbaha!" ang pagkukuwento ni Ernie.

"So, alam na ni Ine ang tungkol sa ating dalawa?" ang nananabik na pag-uusisa ni Althea.

Napipilan si Ernie. Ilang saglit na katahimikan. Naghihintay ng sagot si Althea na ang pananabik ay nahalinhan ng pag-aalala.

"So, hindi mo nasabi?" ang tinitimping damdaming pangungulit ni Althea.

"Oo, nawalan ako ng lakas ng loob...nang ayain niya ko sa Quiapo para magsimba...kinuwento niya sa akin na sa loob ng dalawang linggong bumagyo...araw-araw niya kong ipinanalangin para maligtas ang buhay ko...at hiniling niya sa Diyos na ako ang kanyang mapangasawa at makasama habang buhay at nang malaman niyang iniligtas mo ang aking buhay, masayang-masaya siya at ang sabi sa akin, kay buti mo raw...at gusto niyang makilala ka niya para magpasalamat sa iyo ng personal!" ang madamdaming paglalahad ni Ernie sa naging paghaharap nila ni Ine.

Sa sandali ring yaon, di malaman ni Althea ang sasabihin kay Ernie. Kinakapa naman ni Ernie ang nasa isip ni Althea. Inaabangan din niya ang sasabihin nito sa kanya.

"Kaya pala nuong tinatawagan kita...di ka sumasagot...naisip ko...di ka na babalik...akala ko sadyang kinalimutan mo na ko talaga!" ang pamamasag sa katahimikan ni Althea.

Sandaling katahimikan ulit. Tangay ng matinding damdamin, naumid na muli ang dila ni Althea. Nais magsalita ni Althea, ngunit walang isa mang salita ang lumabas sa kanyang bibig. Dahan-dahan, pumatak ang kanyang mga luha. Pinahid niya ito. Nang makapag-isip-isip na si Althea at pumanatag na ang kanyang kalooban, nakapagsalita na rin siya sa wakas.

"Ok, gusto ko ring makilala si Ine, gusto ko ring magkausap kami. Gusto ko ring makilala siya nang lubusan!" ang matatag na mga pananalitang namutawi na sa labi ni Althea.

Di-makahuma si Ernie sa kanyang mga narinig. Naisip niya, ano kaya ang balak gawin ni Althea sa pagkikita nila ni Ine? Sinaklot ng matinding pangamba si Ernie. Pakiramdam niya baka malagay siya sa alanganing kalagayan. Sana naman, naisip pa rin niya, na ang paghaharap nilang tatlo ay huwag naman sanang maglagay sa kanila sa isang malaking kaguluhan.

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon