"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"
Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
IKAANIM NA KABANATA
BUWAYA SA DAGAT NG BUHAY
Ikaanim-na-po't pitong Tagpo
Mabilis na pinatakbo ang closed truck van palayo sa lumang bahay nina Ernie. Kasunod nito ang isang Hi-ACE Van na puno ng mga naka-polo barong na puting matitipuno ang katawan na kargado ng high-powered guns.
Duon na nagkamalay sa loob ng malaking closed truck van si Ernie na nakaposas na ang mga kamay. Bagamat nakapiring ang kanyang mga mata, naaaninag niya na may kasama rin siya sa loob ng truck van na kinalululanan niya na pawang mga nakaposas at nakapiring rin ang mga mata.
Kinabahan si Ernie. Naitanong niya sa sarili, saan kaya sila dadalhin ng mga kumidnap sa kanila? Di kaya isa-salvage silang lahat?
Binalikan niya ang huling pangyayari sa loob ng lumang bahay nang makatanggap siya ng text message sa Ate Nena niya na nagsasabing nasa gate silang magkakapatid ng kanilang 'old house' at nang lumabas siya sa tarangkahan, may bumundol sa kanyang isang malaking closed truck van.
Nang mapahandusay siya sa kalye at namamalipit sa sakit, namukhaan niya ang isang lalaking matipuno ang pangangatawan na naka-face mask at nang takpan nito ng panyong itim ang kanyang ilong at bibig, nakaramdam siya ng matinding pagkaliyo at ngayon nga nang manumbalik ang kanyang ulirat, nasa loob na siya ng truck van at pakiwari niya'y may mga kasama pa siya sa loob.
Naisip niya tuloy, di kaya ang kanyang Ate Nena at iba pang mga kapatid ang kasama niya sa loob ng truck van? Di niya maubos-maisip, sino ang may kagagawan nito sa kanila kung sakali mang mga kapatid niya ang kasama niya sa van? Nagkaayos na naman ang kanyang Kuya Ruperto at mga kapatid gayundin naman siya na hayagan nang sumusuporta sa kanilang nakatatandang kapatid sa pagtakbo sa pagka-Kapitan.
Sa bandang huli, naisip niyang di kaya ang kanyang Ninong Anchong ang 'mastermind' nito? Kung Ninong Anchong naman niya ang puno't dulo ng lahat ng ito, bakit naman idadamay pa siya samantalang ito pa nga ang nagpayo sa kanya na sa Kuya Ruperto na siya sumuporta sapagkat malaki ang utang na loob niya rito?
Isa pa, bakit naman pati mga kapatid niya'y idadamay samantalang alam naman ng Ninong Anchong niya ang hayagang pagsuporta ng mga kapatid niya sa kaniyang kandidatura?
Hanggang napag-isipan ni Ernie na sambitin ang pangalan ng Ate Nena niya para tiyakin kung kasama nga niya ito sa loob ng van.
"Ate Nena!"
May sumagot.
"Ernie, ikaw ba 'yan?"
Nandun ang pananabik nang marinig ni Ernie ang tinig ng nakatatandang kapatid na babae.
"Oo ako nga ito, Ate Nena..."
Gumagaralgal ang tinig ni Ernie.
"Ikaw ba ang nagtext sa akin na nasa gate kayo ng mga kapatid natin sa lumang bahay natin at sabi mo'y sabay-sabay na tayong boboto..."
Buong pagtatakang sumagot ang kanyang Ate Nena.
"Di ako...kinuha kasi ng mga kumidnap sa amin ang aming mga selfon...sigurado kong sila ang nagtext sa iyo..."
Nagsisagutan na rin ang iba nilang kapatid.
"Pati ikaw pala Ernie nadamay," sabat ni Romy.
"Sino kaya ang may pakana nito?" tanong ni Ernie.
"...yun nga din ang pinag-uusapan namin..." sabat ni Susan.
"Saan kaya tayo dadalhin Kuya Ernie?"ang nahihintakutang tinig ni Ellen.
"Sana di pa natin katapusan 'to..." tinig ni Ben.
"Huwag ka ngang magsalita ng ganyan Sangko..." saway ni Sancho.
"Mabuti pa magrosaryo tayo..." susog ni Nena na pilit na pinatatatag ang sarili sa harap ng panganib.
"Mabuti pa nga Ate Nena...pangunahan mo kami sa panalangin..." mungkahi ni Sancho na pilit ring nagpapakahinahon.
At sinimulan na ng magkakapatid ang pagrorosaryo. Nilakasan nila ang kanilang pagdarasal para pawiin ang kanilang mga pangamba. Para bagang sila'y mga 'prayer warriors' na nakikipag-amok sa mga dimonyo!
Lumipas ang mahabang oras ng kanilang paglalakbay hanggang sa tuluyan na silang mapagod sa pagdarasal at sa bandang huli, mga nakatulog nang mahimbing; lahat sila'y nagpapaligsahan pa sa paghilik! Nakatutuwa silang pagmasdan, parang isang orkestra sa musikang magkakaiba ng indayog at himig!
Ano kaya naghihintay sa kanilang kapalaran? Mabubuhay pa kaya sila o gagawing pataba na lamang sa lupa ng di pa nakikilalang kaaway?
All reactions:1Charet B. Monsayac1LikeCommentShareHula: Kahagawan ni kuya Ruperto yarn kundi ay ung Asawa nya.
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
PertualanganKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...