"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"
Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
IKASAMPONG KABANATA
DALUYONG
Ikaisandaa't labingwalong Tagpo
Sa paghupa ng malakas na lindol na nagbunga ng nag-aalimpuyong tidal wave sa Ishikawa, Japan, makalipas ang ilang linggo, karaniwan nang tanawin ang wasak-wasak na gusali, ang naghambalang na mga patay sa kalsada. Mayroon din namang mangilan-ngilang mga Pilipino at iba't ibang lahi sa mundo na walang pakundangang nilusob at pinilit buksan ang mga nakasaradong grocery store at pinagkukuha ang mga canned goods at bottled water dahil na rin sa sobrang gutom na nararamdaman nila.
Taliwas sa ganyang senaryo, bukod tanging kalmante at disiplinado ang mga Hapones sa pagsapit ng mga ganitong trahedya. Kapansin-pansin ang maayos na mahabang pila nila sa ilang nakabukas na grocery store na malalayo ang pagitan habang naghihintay isa-isa na mapagsilbihan ng mga sales ladies sa nakabukas na grocery store.
Abala na ang iba't ibang ahensiya ng Pamahalaang Hapon gayundin ang maraming kaalyadong bansa sa mundo sa pagtugon sa pangangailangan ng mga naging biktima ng lindol at tidal wave sa Ishikawa, Japan.
Pinangunahan ng Japanese Imperial Army Rescue Team ang paghuhukay sa mga wasak-wasak na gusali sa pagbabaka-sakaling makapagligtas pa ng buhay. Nagpadala rin ang mga kaalyadong bansa ng Bansang Hapon kabilang na ang Pilipinas na nagpadala rin ng Philipine Army Rescue Team duon para tumulong sa paghuhukay at paghahanap sa mga Pilipinong nawawala na natabunan ng mga gumuhong gusali.
Kalunos-lunos ang mga panaghoy na naririnig sa mga gumuhong gusali. Umaasa ang mga asawa, kapatid, kamag-anak at mga kaibigan na sana buhay pa ang kanilang mga mahal sa buhay.
Napabalita sa CNN Philippines at iba pang broadcast media sa buong mundo ang mahimalang pagkakaligtas sa tatlong sanggol na may lahing puti na animo mga anghel na nakangiti pa at walang kamalay-malay sa trahedyang kanilang sinapit sa isang gumuhong gusali sa Ishikawa, Japan.
Sa Pilipinas, maagang nagpaalam si Atong kay Ine para ipagpatuloy ang kanyang panatang "Pagpapako sa Krus" na kanyang ginagawa taon-taon sa Kapitangan, Paombong, Bulacan ng dinarayo ng mga tao sa bayan-bayan at ng media, mapa-lokal man o mapa-internasyunal na pinayagan naman siya ng kasintahan lalo na nang ipaliwanag niya na gagawin niya ulit ang ganitong pagsasakripisyo alang-alang sa kaligtasan ni Ernie na kaklase niya at kaibigan at ni Ine na kapwa naging mabuting tao sa kanya.
Ilang saglit pa, dumating naman si Padre Tinio na inanyayahan ni Ine para magdaos ng misa para sa mag-asawang Ernie at Ine, Adonis, Althea, Jershey, Aniway at iba pang naging biktima ng nabanggit na trahedya sa Ishikawa, Japan na na dinaluhan ng Pangulo at mga kasapi ng Couples' for Christ, mga kamag-anak, kaibigan, mga kapitbahay at mga trabahador. Ginanap ang misa sa maluwang na bakuran ng pagawaan ng balot na nakadatig sa ipinagawang mansion ng mag-asawang Ernie at Ine.
Sa kanyang homily, binigyan-diin ni Padre Tinio ang kahalagahan ng pagbabalik-loob sa Diyos. Anya, sinabi ni Hesus, "Ako lamang ang Daan, ang Buhay at ang Katotohanan.Walang makaparoon sa Ama kundi sa pamamagitan Ko!"
Matapos ang misa, agad nagpaalam si Padre Tinio dahil na rin sa kaabalahan niya sa mga gawain sa Semana Santa. Tanging naiwan lamang ang mga kasapi ng Couples for Christ na ipinalangin nang mataimtim ang mag-asawang Ernie at Ine na kaanib ng kanilang samahan.
Sa loob ng mansion habang namamahinga, nakaramdam ng pag-asa sina Ine at ang mga kasapi ng Couples of Christ nila nang mapanood nila ang pagbabalita ng CNN Philippines sa malaking television na naka-display sa maluwang na sala na may pabitin na malaking aranya tungkol sa mahimalang pagkakaligtas ng tatlong walang malay na sanggol na lahing puti na nahukay sa isang gumuhong five star hotel. Umaasam sila na nawa'y mapabilang ang mag-asawa sa mapapalad na nakaligtas sa sakuna.
Kinagabihan, Araw ng Biyernes Santo, di-inalintana ng magkakapatid na Romy, Nena, Susan, Ellen, Elmer, Sancho at Juancho ang tikatik na papalakas na patak ng ulan nang nagsipag-ilaw sa mahabang prusisyon habang taimtim na nanalangin na sana'y matagpuan na ang nagsipaglahong sina Ernie at Ine gayundin ang libo-libong taong pinaghahanap pa rin na nilamon ng mga nagguhuang gusali.
Nabasa nang lahat ang mga debotong Katoliko gayundin ng mga naggagarbahong mga karo na kinalulunanan ng mga dinibuhong imahe na may mahahalagang papel na ginampanan sa buhay at pagpapako sa krus ni Kristo para sa ikatutubos ng kasalanan ng sanlibutan. Nagtiyaga ang lahat ng naroon, ni walang bumitiw, di-iniwan ang prusisyon sa kabila ng pagsusungit ng panahon. Nakikidalamhati rin ang langit na tila patuloy na lumuluha sa sinapit nina Ernie at Ine, at ng libo-libong naging biktima ng trahedya na sama-samang nabaon, buhay man o patay, sa mga gumuhong gusali sa Ishikawa, Japan.
Ano ba ang ipinahihiwatig nito? Sa araw ng pagkamatay ng "Anak ng Diyos", kasama ring nalibing ang mga naging biktima ng trahedya!
All reactions:1Edy Giann Saplan
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
AventuraKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...