"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"
Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
IKAANIM NA KABANATA
BUWAYA SA DAGAT NG BUHAY
Ikalimampo't Anim na Tagpo
Maagang-maagang gumayak si Ernie. Ilang saglit pa, lulan ng kanyang SUV, tinatahak na niya ang landas patungong Alido Subdivision. Gaya ng dati, wala pa ring guard house o ni guwardiya man lang, napapaisip si Ernie sa kawalan ng seguridad sa lugar. Nakapasok nang wala man lang sumita sa kanya.
Sa bagay, tahimik naman talaga sa kanilang baranggay magmula nang maupo ang NInong Anchong niya bilang kapitan. Malayang nakalalabas-masok ang mga sasakyan sa loob ng Alido Subdivision.
Dahil sa kaabalahan niya sa pagmamasid sa paligid, di niya namalayan agad na nasa harap na pala siya ng mansion ni Kapitan Anchong. Humanap siya ng puwesto para di niya maharangan ang main gate ng mansion. Minabuti niyang i-park ang kanyang SUV sa lilim ng isang punong acacia.
Pagkababa sa SUV, walang inaksayang sandali si Ernie. Agad tinungo niya ang kanyang pakay. Pagsapit niya sa mansion, pinindot niya ang door bell. Lumabas ang isang malaki ang tiyang katiwalang lalaki ni Kapitan Anchong at binuksan nito ang gate.
"Tuloy ka...pumasok ka na raw sa loob..." sabi ng katiwala.
Tuloy-tuloy nang pumasok si Ernie sa maluwang na sala ng mansion. Nadatnan niya si Kapitan Anchong na naghihintay sa kanyang pagdating.
"Maupo ka Ernie...halika samahan mo kong mag-agahan..." ang anyaya ni Kapitan Anchong na nakaupo sa eleganteng sopa habang sumusubo ng slice bread na may palamang pritong itlog.
Mauupo si Ernie. aabutin niya ang isa pang nakatimplang kape sa may center table na may kasamang slice bread at pritong itlog para sa dalawang katao.
"Musta ka na Ernie? Di rin pala pinakinggan ng Kuya Pert mo ang pakiusap ko? untag ni Kapitan Anchong kay Ernie.
Hihigop muna ng kape si Ernie na di malaman kung paano magsisimula.
"Pasensiya na po Ninong kung nabigo ako sa pagkumbinsi kay Kuya...ginawa ko na po ang lahat...sinubukan ko pong pakiusapan ang Kuya na sa susunod na halalan na lang siya lumaban..." ang namutawi na lang sa labi ni Ernie na hirap ang loob sa pagpapaliwanag.
"Don't worry Ernie...wala kang dapat ipag-alala....karapatan ng Kuya mo 'yun...ang mahalaga nakasuporta sa akin ang mga kapatid mo...'yun lang ay malaking bagay na para sa akin...ikaw ba? Kenino ka ba susuporta? Sa Kuya mo ba o sa akin?" ang diretsang tanong ni Kapitan Anchong.
Napipilan si Ernie. Matagal na nag-isip. Halatang hirap ang loob.
Matamang pagmamasdan ni Kapitan Anchong si Ernie, inaarok ang nasa kalooban nito.
Gayundin si Ernie, binabasa ang nasa isip ni Kapitan Anchong. Magsasalita na sana siya ngunit naunahan siya ng Ninong niya.
"Huwag kang mag-alala Ernie...alam ko malaki ang utang na loob mo sa Kuya mo...at ayokong mag-away kayo...mas makabubuting siya na lang suportahan mo sa halalan..." ang tila nauunawaang sabi ni Kapitan Anchong sa sitwasyon ni Ernie.
Di-makapaniwala sa narinig si Ernie. Aaliwalas ang mukha. Ramdam niya lumuwag ang dibdib niya.
"Talaga Ninong? Salamat po Ninong...kay buti po ninyo...salamat po sa pang-unawa n'yo..." ang di magkandatuto sa pagmamano ni Ernie kay Kapitan Anchong sa kabutihang-loob nito.
Pakiramdam niya pinalaya siya ng kanyang Ninong Anchong sa pagkakaipit sa nag-uumpugang bato.
Mula sa labas ng mansion, nagulantang na lang ang magninong nang makarinig sila nang malalakas na pukol ng bato sa main gate ng mansion. Mula sa sala, hangos na mapapatakbo ang katiwala para alamin kung ano ang nangyayari sa labas ng mansion. Mapapasunod na rin sina Ernie at Kapitan Anchong.
Laking gulat nila sa nagkalat na malalaking tipak ng bato na ipinukol sa main gate. Halos di makapaniwala ang katiwala, sina Ernie at Kapitan Anchong nang matambad sa kanilang harapan ang isang iniwang kabaong sa may tapat ng main gate ng mansion.
Nanlalaki ang mata ng katiwala nang mabasa ang nakasulat na letrang kulay puting pintura sa itim na kabaong.
"UMATRAS KA NA ANCHONG KUNG AYAW MONG MABAON SA HUKAY!"
Kapwa di-makapagsalita sina Ernie at Kapitan Anchong sa kabiglaanan sa di-inaasahang pangyayari.
![](https://img.wattpad.com/cover/354144529-288-k906745.jpg)
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
AdventureKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...