IKALIMANG KABANATA : IGINUHIT NA PANGARAP (TAGPO 43-A)

53 3 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG... AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKALIMANG KABANATA

IGINUHIT NA PANGARAP

Ikaapat-napo't tatlong Tagpo (A)

Sa likod ng bahay nina Ine at Luisa, madaling araw pa lang nagising na ang mag-asawang Ernie at Ine, na kapwa naka- red t-shirt at naka-navy blue ng jogging pants habang magkahawak-kamay na nililibot nila ang may 500 kuwadro metrong sukat na bakuran na napaliligiran ng mga punong ipil habang inaabangan nila ang pagsapit ng bukang liwayway sa dakong Silangan. Bukod sa mga punong ipil na nagsisilbing bakod at hangganan ng loteng kinatitirikan ng bahay nina Luisa at Ine, may mga tanim din na mga talong, sili, bataw, petsay, kalabasa at sitaw sa pinakaloob ng lote. May mga puno rin ng papaya, kaymito, abocado, sinigwelas at duhat na nagsisipamunga na. Busog na busog ang mga mata ni Ernie sa mga nakikita. Aliw na aliw si Ernie habang namamasyal ang kanyang mga mata sa lahat ng mga tanim na naroon na maaari ng anihin at pakinabangan.

"Di na pala natin kailangang mamalengke...lahat pala ng pangangailangan natin, narito na..."ang masayang pahayag ni Ernie.

"Tanim lahat 'yan ni Ate Luisa..." ang buong pagmamalaking pagkukuwento ni Ine sa asawa.

"At...dito sa lugar rin na ito natin itatayo ang ating munting negosyo...magpapagawa tayo ng dalawampo hanggang tatlumpong incubator at pagsinuwerte na tayo at naging in demand na tayo sa dami ng order ng balot saka na lang tayo magdagdag pa ng incubator at mga trabahador sa pagawaan natin ng balot..."dugtong pa ni Ine na ayaw paawat sa kanyang pangangarap.

"Buo na ang iyong pangarap...daig mo pa ang isang Arkitekto, may blue print ka na riyan sa utak mo hahaha," ang pagbibiro ni Ernie sa asawa.

"Sa palagay mo ba naman papayag si Ate Luisa na dito tayo magpatayo ng ating pagawaan ng balot?" ang nakangiting pag-uusisa ni Ernie.

"Papayag 'yun...saka isa pa...di ba sabi niya...dito na tayo tumira nang may makasama siya..."ang masayang sabi ni Ine habang malambing na nakayakap ang dalawang kamay sa beywang ni Ernie na nakapahilig pa ang mukha nito sa dibdib ng asawa at paminsan-minsan tumitingalang nakangiti kay Ernie samantalang si Ernie naman ay nakaangkla nang maluwag ang kanang kamay sa balikat ni Ine.

Maya-maya pa maaagaw ng unti-unting pagliwanag ng bukang-liwayway ang pansin ni Ernie at ituturo nito ang kariktan ng pagbubukang-liwayway.

"Ine...mahal...tignan mo...magbubukang-liwayway na...ang ganda di ba?" ang namamanghang reaksyon ni Ernie.

"Oo nga mahal...ang ganda!" ayon naman ni Ine habang nakayakap pa rin sa asawa."Simbolo 'yan ng pag-asa...ang pagbubukang-liwayway hanggang sa pagsapit ng silahis ng araw...ay sagisag ng pag-asa at tagumpay ng minimithi nating pangarap sa buhay!" ang patuloy na pangangarap ni Ernie.

"Sana nga...para sa isang maayos at matatag na pamilyang bubuuin natin...para sa magandang kinabukasan ng magiging anak natin hahaha..." ang masayang pangangarap ni Ine.

"Maya-maya pa'y tanaw na tanaw ng mag-asawa ang paparating na silahis ng araw. Sa labis na katuwaan ni Ernie, bubuhatin ang asawang si Ine na mahigpit namang mangungunyapit sa leeg niya at ipinaghehele sa matitipunong bisig nang paikot ni Ernie na parang duyang inuugoy-ugoy na labis namang nagpapakilig kay Ine.

Napahinto na lamang sa ginagawa ang mag-asawa nang makaramdam sila ng pagyanig ng lupa. Nakiramdam ang mag-asawa.

"Ernie, lumilindol ata...nag-uugaan ang mga puno," ang nasambit ni Ine habang pinakikiramdaman ang nangyayari sa paligid.

Ibababa ni Ernie si Ine na nakaramdam ng biglang pagkahilo. Kitang-kita ni Ernie ang pagkahulog ng mga bunga ng kaymito, avocado, duhat at papaya.

Sa lalabas ng bahay si Luisa, hinahanap ang mag-asawang Ernie at Ine."Ernie...Ine...lumilindol...pumasok kayo sa loob ng bahay...baka may mga mabuwal na punong kahoy riyan e mabagsakan pa kayo!" ang sigaw ni Luisa.

Patuloy ang pagyugyog ng lupa. Naghahapayan ang mga puno ng ipil. Mabilis na pumasok sa loob ng bahay sina Ernie at Ine. Walang ano-ano'y humupa na rin ang lindol. Matinding pangamba at takot ang bumalot sa damdamin nina Luisa, Ine at Ernie.Natapat pa sa pangangarap nina Ernie at Ine sa harap ng pagdatal ng bukang-liwayway hanggang sa pagsapit ng silahis ng araw na sinundan naman ng di-inaasahang pagyanig ng lupa.

Ano kaya ang palatandaang ipinahihiwatig nito? Sa loob-loob ni Ernie, di kaya may matitinding hamon silang haharaping mag-asawa bago nila makamit ang kanilang magagandang pangarap sa buhay?

"Nakakainis naman 'yang lindol...sarap na sarap pa naman kami sa pangangarap ni Ernie eh bigla na lang umuga ang lupa..." ang pagmamaktol ni Ine.

"Naku masanay na kayo...may bago pa ba sa nangyayari sa panahon natin...na kundi tayo dalawin ng bagyo...bigla na lang lumilindol nang wala man lang babala..." ang pagsahog sa usapan ni Luisa.

"Di ba ngayon kayo susunduin ni Aton para madala na ninyo ang mga pasalubong sa kapatid ni Ernie...?"

"Oo nga Ate...ngayon nga 'yon," ang pakli ni Ine.

"Tutuloy pa ba kayo? Eh...ayan at naglilindol na..."ang paalala ni Luisa.

"Oo naman Ate...nagkataon lang naman 'yang lindol na 'yan...tutuloy na rin kami...para di na nakatambak dito sa bahay natin 'yang mga pasalubong na 'yan...naku...mabuti pa makapaligo na...Ernie...ikaw ba? Di ka ba sasabay maligo?" ang aya ni Ine kay Ernie.

Nang di pa rin sumasagot si Ernie, tuloy-tuloy na sa banyo si Ine para maligo.Di agad nakasagot si Ernie na malalim pa ring nag-iisip tungkol sa naranasang paglindol kanina.

"Sige, magluto naman ako ng agahan natin para bago kayo umalis nakapag-agahan na kayo!" ang sabi ni Luisa na nag-aapura tumungo sa kusina.

Maya-maya nag-vibrate ang selfon ni Ernie. Tinignan niya kung sino ang nag-text. Nag-appear ang pangalan ni Arianne.

"Ernie...lumindol dito sa Baguio ang lakas...dyan ba? Musta na kayo riyan..."

Sinagot ito ni Ernie para di na mag-aalala at kulitin pa siya ni Arianne.

"Ok naman kami. Lumindol din dito pero saglit din naman. Mag-ingat ka rin riyan sa Baguio at mag-aral na mabuti..." tugon ni Ernie.

Pakiramdam ni Ernie, kinilig pa si Arianne sa naging reply message niya kasi nag-sent pa ito ng pick up line sa kanya.

"Lindol ka ba?"

"Bakit?"

"Kasi grabe ka kung makayanig sa puso ko!"

Nangiti na lang si Ernie sa palitan ng text message nila ni Arianne. Muli, sa loob ng banyo, maririnig ni Ernie ang pagtawag ni Ine.

"Ernie halika ka na rito, di ko maabot ang likod ko...pakihiluran mo ko mahal..."ang naglalambing na tinig ni Ine..."

"Oo nariyan na..." ang tugon ni Ernie na nangingiti kasi kabisado na niya ang asawa kapag ganito na ang tono ng pagtawag sa kanya.


All reactions:2Herman Manalo Bognot and Charet B. Monsayac

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon