"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"
Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
IKAPITONG KABANATA
ALIMAOM
Ikapitumpu't Pitong Tagpo
Di-malaman ni Ernie ang gagawin. Labis siyang nag-aalala kay Arianne. Tama ba ang kanyang ginawa? Parang nakokonsensiya siyang di niya mawari. Alam niya kung gaano kasakit sa isang babae ang tanggihan siya ng isang lalaking labis niyang pinahahalagahan.
Ngayo'y balisa siya. Nais niyang sisihin ang sarili. Di niya ugaling makasakit ng damdamin ng sinumang babae. Di niya dapat pinarangka si Arianne. Dapat kinausap niya ito nang mahinahon. Sana naipaliwanag niya nang maayos kung bakit hindi pwedeng maging sila. Para na lang silang mag-ama at kung pagbibigyan niya ang kagustuhan ni Arianne, ano na lang ang iisipin ng ibang tao sa kanya?
Bagama't marami na rin namang kaso ng pag-iibigan ng mga taong malaki ang agwat ng edad sa isa't isa, di niya magagawang saktan ang kanyang walang kasimbait na asawang lahat na lang ay ginawa upang mapabuti ang kanilang pagsasama.
Mula sa labas ng Chocolate Hotel, napahinto na lamang si Ernie sa kanyang pagmumuni-muni nang makatanggap siya ng tawag sa selfon kay Louie.
"Tito Ernie...nasusunog ang lumang bahay ninyo sa Virgen Delos Flores..."
"Diyos ko! Anong pinagmulan ng sunog? Musta na lagay riyan nina Ate Liling, Efren at Beet?"
"Marami ng bumbero rito Tito Ernie...lumalaki na ang apoy...nasa loob pa ng lumang bahay sina Tita Liling, Beet at Efren..."
"Naku...Diyos ko...sana huwag ipahintulot ng Diyos na may masamang mangyari sa kanila...siya...sige...papunta na ko riyan..."
Natatarantang hangos na tinungo ni Ernie ang SUV Toyota niya sa parking area ng Chocolate Hotel.
Sakay ng kanyang SUV, ilang saglit pa'y tinutugpa na niya ang landas patungo sa kanilang lumang bahay.
Kalunos-lunos ang dinatnan ni Ernie, halos matupok na ng apoy ang kanilang lumang bahay habang pinapanood na lamang ng kanilang mga kapitbahay na nag-uusyuso. Kitang-kita ni Ernie ang mga bumberong parang iisang katawang kumikilos para tuluyang maapula ang apoy.
Saktong inilalabas na pasan-pasan naman ng apat na bumbero sina Efren at Beet na kapwa nababalotan ng basang-basang makapal na kumot. Pagkalabas sa tarangkahan ng lumang bahay, sinalubong agad ni Ernie ang mga pamangkin. Kasunod na agad sina Louie at Atong na handa ring tumulong.
"Diyos ko...si Mommy...si Mommy naiwan pa sa loob!" ang humahagulgol na iyak ni Beet.
"Babalikan ko si Mommy...ililigtas ko siya!" ang sigaw ni Efren na tila wala sa sarili at pilit na nagpupumiglas habang pigil-pigil ng mga bumbero.
Yayakapin ni Louie ang nagwawalang pinsan. Tutulong na rin si Atong sa pagpigil sa pagwawala nito.
Ngumunguyngoy naman sa pag-iyak si Beet habang mahigpit na yakap-yakap ni Ernie.
"Si Mommy nagkulong sa loob ng kwarto huhuhu tapos-tapos bigla na lang may sumiklab na apoy...gumapang ang apoy sa kisame...huhuhuhu".
Si Beet pa rin na sinasariwa ang mga pangyayari. Patuloy pa rin ito sa walang tigil na pag-iyak. Di na rin mapigilan ni Ernie ang sarili. Naiiyak na rin siya habang yakap ang pamangkin.
All reactions:1Charet B. Monsayac1LikeCommentShare
Matatag na din si Ernie sa ginawa sa kanya ni Arianne mas lalu pang hinihingi ng situwasyon ngaun ang katatagan sa mga dagok ng buhay.
LoveReply
Write a comment...
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
AdventureKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...