IKALAWANG KABANATA: KAPALARANG NAGHIHINTAY (Tagpo 16)

119 6 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG DARATING AKO"

Kathambuhay na  Nobela ni Zampagitang Asul

IKALAWANG KABANATA

KAPALARANG NAGHIHINTAY

Ikalabing-anim na Tagpo

Bumubuhos ang ulan nang makauwi na sa Baliuag si Ernie. Saktong bukas ang pinto ng tarangkahan ng matandang bahay nila nang ipasok niya ang minamaneho niyang sarao na kinalululanan ng mga kahong-kahong itlog ng itik na pinamili niya sa Nueva Ecija. Bumaba siya at inapuhap niya ng tanaw ang Kuya Ruperto na nasa isang sulok ng pagawaan ng balot habang umiinom ng beer. Tinungo ni Ernie ang Kuya niya na malagihay na. Napansin ni Ernie ang limang basyo ng boteng beer na nasa ibabaw ng mesa na kinapupuwestuhan ng Kuya Ruperto niya.

"Bakit nag-iisa ka? Nasaan si Louie?", ang usisa ni Ruperto.

"Nagpababa na sa akin sa bayan ng Baliuag Kuya...may ka-date daw. Bukas na lang daw niya kukunin yung ibibigay mo sa kanya," ang paliwanag ni Ernie sabay abot ng kapit-kapit na pera na nasingil niya sa idineliver niyang mga kahong-kahong itlog ng itk sa mga suki nila sa Nueva Ecija.

"Liling kunin mo nga yung nasingil ni Ernie rito," ang tawag ni Ruperto sa asawa na kaagad lumapit para kuhanin yung kapit-kapit na pera.

"Buti naman at marami kang nasingil...pag ganyan nang ganyan mauumentuhan ka ng Kuya mo," ang nakangiting papuri sa bayaw niya.

Pagkakuha ni Liling ng pera, pumasok na ito sa loob ng matandang bahay. Naiwan na ang magkapatid na nag-uusap.

"Sobrang lakas ng ulan Kuya...may bagyo ba?" ang usisa ni Ernie.

"Oo meron...Bagyong Egay! Kababalita lang sa t.v," ang maikling tugon ni Ruperto.

"Kaya pala...lagi na lang tayong binabagyo!" dugtong naman ni Ernie.

"May bago pa ba diyan? ...kahit naman walang bagyo...bigla-bigla na lang umuulan. Nag-uulyanin na ang panahon dahil sa 'climate change!' ang salungat ni Ruperto.

"May sasabihin sana ko sa iyo Ernie," ang buwelo ni Ruperto.

"Ano 'yun Kuya?"ang tanong ni Ernie na binabasa ang nasa isip ng Kuya Ruperto niya.

"Magmula ngayon di mo na maaaring gamitin 'yung isang incubator para magsalang ng sarili mong balot na pupuhunanin...", ang madiing sabi ni Ruperto sa bunsong kapatid.

"Bakit naman Kuya? Akala ko ba Kuya nauunawaan mo ko? Alam mo naman na nag-iipon na ko para sa pag-aasawa ko...saka isa pa di naman ako nagpapabaya sa trabaho ko." Halata sa tinig ni Ernie ang labis na pag-aalala.

"Pasensiya ka na. Ang Ate Liling mo ang may kagustuhan nito. Tinubos na niya ang sangla ng lupa at ng matandang bahay natin sa banco at saka isa pa balak naming ipabuwag itong matandang bahay natin pag nakaipon na para magpagawa ng bago," ang mahinahong paliwanag ni Ruperto.

"Sinangguni mo na ba Kuya ang mga kapatid natin tungkol dito?" ang maluha-luhang pag-uusisa ni Ernie sa Kuya niya.

"Di na kailangan. Nakita mo naman kung gaano kagulong kausap ang mga kapatid natin...saka isa pa, wala naman silang kakayahang mag-share para sa pagtubos sa sangla...at saka isa pa...ang dami na nilang nakukuha sa akin kapag sila ay nangangailangan. Kaya, kami na ang may karapatan sa ari-ariang ipinamana sa atin ng ating mga magulang," ang mariing paliwanag ni Ruperto.

Wala sa sariling tinalikuran na lamang ni Ernie ang kanyang Kuya na pilit na tinitimpi ang tila bombang nais nang sumabog sa dibdib niya.

"O, saan ka pupunta?" ang nabiglang tinig ni Ruperto sa di-inaasahang ikinilos ng kapatid.Bahagya na lamang naulinigan ni Ernie ang tinig ng kapatid. Wala sa sariling sinagasa nito ang bumubuhos na malakas na ulan. Lito, di alam kung saan pupunta.

Sa lalabas si Liling, masusulyapan ng tanaw ang papalabas ng bakuran na si Ernie na basang-basa na sa sinalubong na lakas ng ulan.

"Saan pupunta 'yon?" ang nagtatakang usisa ni Liling sa asawa.

"Sumama ang loob. Kinausap ko na kasi sa plano nating pagbuwag sa matandang bahay at nabanggit ko na rin 'yung napag-usapan natin na huling pagsasalang na niya sa isang incubator na ipinahiram natin sa kanya na ginagamit niya sa pamumuhunan ng balot." ang paliwanag ni Ruperto sa asawa.

"Ang ninipis ng mga kapatid mo...pati ba naman si Ernie...natuto nang magtampo...naku nakakainis...mga patay-gutom naman...kundi mo pa tulungan...paanong makaka-survive ang mga 'yan!" ang matinding pasaring ni Liling.

Sa labas ng bahay, walang patumanggang sinasagasa ni Ernie ang malakas na patak ng ulan habang patuloy na lumuluha. Di alam kung saan siya dadalhin ng kanyang mga paa. Unti-unti nang lumalalim ang tubig sa paligid.

All reactions:3Rachelle Bautista Mijares, Charet B. Monsayac and 1 other

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon