"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"
Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
UNANG KABANATA
AANDAP-ANDAP NA ILAWAN
Ikapitong Tagpo
Maaga palang naligo na si Ernie. Gaya ng bilin ng Kuya Ruperto niya, kailangan na niyang mai-deliver sa Divisoria ang mga order na balot. Iginayak na ng mga bikolanong trabahador, ang kahon-kahong balot sa dyiping sarao na iisang buwan palang nabili ng Kuya niya. Uminom siya ng cobra energy drink para hindi siya antukin sa daan.
Ilang saglit pa nasa N-lex na si Ernie habang buong ingat na pinatatakbo nang katamtaman lang ang bilis ng dyipning sarao kasama niya ang pamangkin niyang malaki ang kabataan sa kanya ngunit gwapo ring katulad niya. Pinasama sa kanya ng Kuya Ruperto niya para kumita at may makatulong niya sa pagbababa ng mga 'order' na balot sa Divisoria. Walang ano-ano'y may nag-text, ginamit niya ang kanang kamay para tunghayan at mabasa ang mensahe sa screen ng cp niya habang ang kaliwang kamay ay nakahawak sa manibela at banayad na pinatatakbo ang sasakyan. Kilala niya ang number. Ito yung nag-text sa kanya na "Maghintay Ka Lamang...Ako'y Darating."
Nag-appear sa screen ang pick up line na "Bagay ka ba?" At nakatuwaan niya itong sagutin ng "Bakit?" Tumugon agad sa kanya ang nag-text, "Kasi magkabagay tayo!"Kinutuban si Ernie. Parang natutunugan niya kung sino itong nag-te-text sa kanya. Itinabi niya ang sasakyan. Takang napatingin sa kanya ang kanyang pamangking si Louie.
"Si Ine ka ba?" pag-uusisa ni Ernie.
"Tito Ernie, sino bang Ine yang kausap mo. Iyan na ba yung crush mo na madalas kayong magkita sa pamimili sa Pampanga?" tanong ni Louie.
"Oo, siya na nga, ssshhh wag kang maingay!" ang saway at mabilis na sambot ni Ernie."Uyyyy! In love na talaga ang Tito Ernie ko. Aba'y bilis-bilisan mo't nang makahigop na kami ng mainit na sabaw!" ang panunudyo ng pamangkin niya sa kanya.
Sumagot ang nasa kabilang linya.
"Ano bang Ine ang pinagsasabi mo?" sabay tawa ng nasa kabilang linya. "Ang dali mo namang nakalimot..."
Lalong nagulumihanan si Ernie.
"Ako itong suki mo sa Cebu!" ang agad na sagot ng kanyang kausap.
Biglang kumislap sa isip ni Ernie ang disisiyete anyos na si Arianne na anak ng isang mayamang may-ari ng malaking hardware at merchandise store sa Cebu na binabagsakan nila ng mga kahon-kahong mga balot na hinahango naman sa balutan station nila ng mga maliliit na tindahan ng balot sa Cebu. Napatingin siya sa pamangkin nitong si Louie na itinutukso niya sa tin-edyer na si Arianne.
Tinawagan niya ang kausap na nasa kabilang linya.
"Arianne...ikaw ba yan?" ang paniniyak ni Ernie.
"Oo ako nga...musta ka na?" sabay tawa. "Mis ko na yang balot mo..umorder na ba ang papa ko sa Kuya Ruperto mo?" ang tanong na nasasabik ni Arianne.
"Nandito nga pala si Louie...kasama kong magde-deliver sa Divisoria...nami-miss ka na raw niya..." ang ganting pagbibiro ni Ernie sa tin-edyer.
Nangiti si Louie habang nakikinig sa usapan ng dalawa. Ramdam na 'type' niya si Arianne."Naku...pakisabi...di ko siya type...humanap na siya ng iba...may nagmamay-ari na ng puso ko." ang mabilis na tugon ni Arianne na rinig na rinig ang paghalakhak sabay patay ng cp niya.
Halatang nasaktan si Louie sa kanyang narinig. Medyo namula ang pisngi pero pinipilit na ipanatag ang sarili. Pinalakas ni Ernie ang loob ng pamangkin.
"Huwag kang mag-alala insan...pakipot lang yan...hayaan mo pagbabalik natin sa Cebu...tiyak na mapapasaiyo na yan."
Nag-vibrate uli ang cp ni Ernie at muli nag-appear sa screen ng cp niya: "Maghintay Ka Lamang...Ako'y Darating!"
Nahihiwagaan siya sa pinaggagawa ni Arianne. Ano ba ang nakain ng batang ito, mukhang siya ang napagti-tripan? --ang nawika na lang ni Ernie na lihim na nangingiti sa sarili.Tukso namang nagsasalit-salit sa isipan ni Ernie ang kayumanggi at mala-bombay na kariktan ni Ine at ang mestisang mala-espanyol na kagandahan naman ng tin-edyer na si Arianne. Ngunit sa mga sandaling iyun, higit na binabagabag ni Ine ang kanyang damdamin.
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
ПриключенияKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...