IKALIMANG KABANATA: IGINUHIT NA PANGARAP(Tagpo 46-C )

55 2 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"


Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul


IKALIMANG KABANATA


IGINUHIT NA PANGARAP


Ikaapat na po't anim na Tagpo (C)


Kapwa nabigla at di-malaman ang gagawin nina Ernie at Arianne. Sa mga sandaling yaon, parang na-freeze na iyelo ang dalawa sa kanilang kinalulugaran habang labis na nasorpresa sa pagsulpot ng babaing sumabunot kay Arianne.


"Althea!" ang tanging lumabas na salita sa bibig ni Arianne habang nakapamulagat naman sa pagsulpot sa eksena ng di-inaasahang panauhin si Ernie.


"Di ba nasa Batanes ka?" ang takang-takang nasambit naman ni Ernie.Mabalasik ang mukha ni Altheang nakatitig sa kanila. Waring nang-uusig!


"Ipinagkatiwala ko sa iyo si Jershey...ngayo'y iiwan mo na lang basta dahil lang sa babaing 'yan!" ang nagtatagis ang bagang na panunumbat ni Althea.


Sa loob-loob ni Ernie, oo nga naman, tama si Althea bakit niya iniwan sa silid si Jershey? Biglang nakonsensiya siya at nagbalik sa isip ang pag-aalala sa anak. Paano kung magising si Jershey na wala siya sa tabi ng anak.


Sa tagpong yaon, mangiyak-ngiyak naman si Arianne sa ginawa niyang kagagahan.Napaigik na lamang sa matinding sakit si Ernie ng maramdaman ang isang matinding suntok sa kanyang sikmura sa ilalim ng tubig.


"Bakit Ernie? Anong nangyayari sa iyo?" ang nagugulumihanang tanong ni Arianne nang mapansing napangiwi si Ernie sa matinding sakit.


Sa ibabaw ng tubig, unti-unting susulpot ang mukha ni Ine.


"Surprise!" ang mariing nawika ni Ineng nakangiting nang-uuyam.


Nasorpresa ang tatlo sa pagsulpot ni Ine sa eksena na nanggagalaiti sa matinding galit.


"Anong kabalbalan itong pinaggagawa n'yo Ernie ni Arianne? Pinagtiwalaan ko pa naman kayo, ngayon ito pa ang igaganti ninyo sa akin! Mabuti pang maghiwalay na tayo!"


"Ine, hayaan mo muna kong magpaliwanag..."ang natatarantang tinig ni Ernie.


Sa lulutang naman sa tubig si Jershey na lumalangoy palapit sa inang si Althea. Sasalubungin ni Althea ang anak at yayakapin nang mahigpit habang pasan-pasan. Magsusumbong ito sa ina.


"Mommy, salbahe ang ninong ko...huwag mo na kong iiwan sa kanya huhuhu!" Tila nanlalaki ang ulo ni Ernie at waring nabibingi habang pinakikinggan ang tinig ni Jershey na sinisisi siya sa kanyang ginawang pagpapabaya.


Sa lulutang sa ibabaw ng tubig si Louie na nakaturo ang hintuturo nitong kamay na galit na galit na inuusig siya.


"Tito Ernie...wala kang kwentang amain. Bantay-salakay ka!"


Sa lakas ng tinig ni Louie, unti-unting umalimbukay ang alon. Tumaas ito nang pataas, lagpas sa bubong ng hotel na kanilang tinutuluyan habang patuloy na bumubulubok naman si Ernie sa ilalim ng tubig na lumilikha ng maliliit na mga alon sa kanyang bibig hanggang sa paunti-unti na ang hangin sa kanyang katawan. Kinakapos na siya ng hininga. Tila time bomb na nais nang sumabog ang kanyang baga.

Like

Comment

Share

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon