IKAANIM NA KABANATA
BUWAYA SA DAGAT NG BUHAY
Ikapitompu't dalawang Tagpo
Hatinggabi nang gisingin ng dalawang armadong nakaputi ng polo-barong na natatakpan ng itim na facemask ang mga ilong at bibig sina Ernie at ang kanyang mga kapatid na tila naalimpungatan pa na pawang nakaposas pa rin at nakapiring ang mga mata.
"Gising kayo...gising!"
Magsisitalima naman ang magkakapatid. Kakalagan sila ng posas at piring ang mga mata. Tatambad sa paningin nila ang tatlong mala-tomboy na serbidorang babae na may mga sukbit na baril sa baywang na hinahatiran sila ng pagkain at inumin.
"Magsikain na kayo...magpakabusog na kayo...para may sapat kayong enerhiya sa gagawing laro ng organisasyon..." anya ng isang matipunong lalaking naka-polo barong ng puti na naka-face mask.
Sa labis na gutom na nararamdaman, mapipilitang kumain na sina Ernie, Romy, Ben, Elmer, Juancho, Sancho, Nena, Susan at Ellen na palinga-palinga sa loob ng silid at patingin-tingin sa mga armadong bantay nila.
"Anong itinitingin n'yo riyan...bakit tatami-tamilmil kayo...sa loob ng 10 minutes ang di-makaubos agad...babarilin..." ang paninita naman at pananakot ng isang babaing serbidora na may nakasukbit ng baril.
Sa takot ng magkakapatid, nag-aapura ang magkakapatid na tila naghahabulan sa pag-ubos ng pagkain. May nabibilaukan, may manaka-nakang nahihirinan ngunit paspas pa rin ang bawat isa sa pagsubo ng pagkain na para bagang nakikipagtugisan kay kamatayan. Wala pang sampong minuto, nakatapos na ang lahat sa inihaing pagkain at inumin sa kanila.
Walang ano-ano'y pinababa sila mula sa ikalawang palapag ng gusali at pinalakad sila hanggang maraanan ang isang mahaba at malapad na swimming pool. Pagkalagpas nila sa swimming pool, ihaharap sila sa mga nagkakatipong armadong naka-polo barong ng puti.Pawang kinakabahan ang magkakapatid at nakikiramdam. Manlalaki ang mata ni Ernie nang matanaw niya si Dong nang lapitan ng isa sa mga armadong bantay at may ibinubulong rito habang nasa isang malaking mesang nadadamitan ng kulay-silver na kaharap ang iba pang armadong mga naka-polo barong ng puti.
Mapapansin rin ni Ernie na karamihan sa mga naroon ay mapupula na ang mga mata at kargado na ng droga.
Punong-puno ang bawat mesa ng mga pagkain at inuming nakalalasing na may mga nakaupong armadong kalalakihan na medyo mga bangag na, mababakas ang kasiyahang mga nararamdaman.
Pilit na nilalabanan ng magkakapatid ang takot na bumabagabag sa kanilang kalooban lalo na ng muling posasan ang kanilang mga kamay at piringan muli ang kanilang mga mata.
Sa mga sandaling iyon nagkukukot ang kalooban ni Ernie. Lumilinaw na sa isipan ni Ernie na isa si Dong sa may kinalaman sa ginawang pagdukot sa kanila. Di kaya kasabwat ang Kuya Ruperto niya sa ginawang pagpapadukot sa kanila. Sumagi rin sa utak niya ang matinding takot. Nagtataka siya.
Ano kaya ang gagawin sa kanila? Bakit kailangang posasan sila ulit at piringan ang kanilang mga mata sa harap ng nagkakatipong mga armadong kalalakihan? Pakiwari niya'y paglalaruan muna sila bago patayin.
Maya-maya pa, tatayo na si Dong na hawak-hawak ang kalibre 45 na baril.
"Gaya ng mga nakagawain nating tradisyon, magsisipaglaro muna tayo...ilagay na ang mga mansanas sa ulunan ng mga bihag...ang sinumang tatamaan ang siyam na mansanas, pagkakalooban ko ng 100 thousand pesos..."
Magpapalakpakan ang lahat ng armadong naka-barong ng puti. Tatalima naman ang tatlong mala-tomboy na babaeng may mga nakasukbit ng baril, Ilalagay nila ang mga mansanas sa ulunan ng magkakapatid na Ernie, Romy, Ben, Elmer, Juancho, Sancho, Nena, Susan at Ellen. Matapos mailagay, Tatayo ang isang matikas na naka-barong ng puti na kasapi ng sindikato.
"Boss Dong...simulan ko na ang tradisyon hehehe...para matuwa naman ang pamilya ko pag-uwi ko..."
Iaabot ni Dong ang kalibre 45 na baril sa nagboluntaryo.
"Sige...simulan muna!"
Pagkahawak sa baril ng nagprisinta, umalingaw-ngaw na ang siyam na putok. Lagas lahat ang siyam na mansanas. Nanginginig naman ang mga tuhod ng magkakapatid ng ginawang targetan ng kamatayan na abot ang usal ng panalangin na huwag sana silang tamaan ng bala. Pagkaabot ng isandaang libong piso sa nagboluntaryo, umuugong ang palakpakan at hiyawan ng mga kasapi ng sindikato!
All reactions:4Charet B. Monsayac, Desserie Mae Garan and 2 others1LikeCommentShare
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
PertualanganKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...