IKATLONG KABANATA : MAY BUKAS PA BANG DARATING? (Tagpo 24)

97 4 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG... AKO'Y DARATING"


IKATLONG KABANATA


MAY BUKAS PA BANG DARATING?


Ikadalawampo't apat na Tagpo


Balik uli sa trabaho si Ernie. Kasama ang pamangking si Louie, maaga si Ernie na bumiyahe sa Nueva Ecija para makapag-deliver ng mga kahong-kahong balot sa mga suki nila. Pasipol-sipol pa siya habang nagmamaneho. Nagbibiruan at naghaharutan pa silang mag-amain. Naroon sa puso ni Ernie ang pananabik sa pagkikita nilang muli ni Ine bagama't di maiwasan ang kaba na sumasalit-salit sa kanyang dibdib. Di pa rin mawala sa kanya ang pangamba. Paano niya sasabihin kay Ine ang nangyari sa kanila ni Althea?Sakto naman na pumapailanlang ang awiting "Sanay Dalawa na Lang ang Puso Ko sa radio stereo ng dyipning sarao na minamaneho ni Ernie. Ngingiti-ngiti naman si Louie na sinasabayan ang awitin habang mananakang sumusulyap-sulyap na parang nakakaloko kay Ernie na abala sa pagmamaneho.


"Sana dalawa ang puso ko..." ang tila nanunuksong pagsabay sa awitin ni Louie.


Makahulugang matitingin si Ernie sa pamangkin at masayang makikisabay na rin siya sa pag-awit ni Louie. Sa mga sandaling 'yon, naiisip ni Ernie, kapwa matimbang sa kanya sina Ine at Althea. Puwede kayang magmahal sa dalawang babae na walang masasaktan? Pwede kayang ipagpatuloy na lang niya sa dalawa ang pakikipagrelasyon niya sa mga ito? Paano kung malauna'y magkaalaman na? Tiyak na di lamang ang dalawang babaeng kanyang minahal ang masasaktan kundi higit sa lahat ang kanyang sarili at kapag umabot pa sa sukdulan, baka mawala pareho sa kanya ang dalawang babaeng kanyang minahal.Nasa ganon siyang pagninilay-nilay nang magsalita si Louie.


"Tito Ernie, ano ba ang uunahin natin? Ang mag-deliver o unahin muna nating puntahan si Tita Ine?"


"Uyyy na-miss mo na ba ang tinolang manok na sobrang anghang?" ang pagbibiro ni Ernie.Biglang natawa si Louie.


"Oo naman...na sa sobrang sarap eh naibuga ko sa mukha mo!"


Nagtawanan ang mag-amain.


"Unahin na muna natin ang delivery...alam mo naman nagpapabango pa ko sa Kuya at sa maldita kong hipag!" ang sabi ni Ernie.


Lakas ng tawa ni Louie nang marinig ang malditang hipag.


"O sige...sige...ganyan nga...bawi-bawi pag may time!" ang birong tutuo ni Louie.Makalipas ang ilang oras, natapos na rin ang ruta nila sa delivery. Nang makasingil na, dumiretso na ang dyipning sarao na minamaneho ni Ernie sa bahay nina Ine. Sakto namang pagparada nila, lumalabas sa bahay sina Ine at Luisa na bihis na bihis. Gulat na gulat ang magkapatid nang matanaw sina Ernie at Louie na papalapit sa kanila.


"Mukhang may lakad ata kayo," ang masayang bati ni Ernie sa magkapatid.


"Ano ba ang nangyari sa iyo? Labis mo kong pinag-aalala..di ko malaman tuloy kung buhay ka pa o patay na..ang dami kong text sa iyo...di mo sinasagot...napanis na ang mga tulang isinent ko sa iyo ni isa man tula...wala kang isinent sa akin!" ang sunod-sunod na panunumbat ni Ine sa kanya.


"Naku sobrang nag-alala 'yang kapatid ko na 'yan sa iyo Ernie...ano ba ang nangyari sa iyo at ni isa mang text o tawag man lang...wala siyang natatanggap sa iyo," ang pag-uusisa ni Luisa.


"Nalubog sa baha ang cp ni Tito Ernie..." ang agap na pagtatanggol ni Louie.


"Tama si Louie...mahabang kwento! Kaya nga ako nagsadya rito para makausap si Ine.

 Alam kong nag-aalala na rin siya sa akin gaya ng pag-aalala ko..." ang paliwanag ni Ernie.

"Saan ba kayo pupunta n'yan Tita Ine?" ang sabat ni Louie.


"Magsisimba kami sa Quiapo," ang maikling tugon ni Ine na halatang nagtatampo pa rin kay Ernie.


"Pwede bang sumama para makapag-usap na rin tayo?" ang sambot ni Ernie."Sige, kung di ka ba maaabala?" ang maikling tugon ni Ine.


"Sige sumunod na lang kayo..." ang sabi naman ni Luisa na sumakay na sa Jeep na stainless, kasunod na si Ine.


Sumakay na rin sina Ernie at Louie sa dyipning sarao at sinundan na nila ang tumatakbong jeep na stainless papuntang Quiapo.


Nang makarating na sa Quiapo, pumasok sa simbahan si Ine. Kakaunti lang ang tao sa loob. Sa malapit sa altar, lumuhod si Ine sa may luklukan. Sumunod si Ernie, lumuhod din malapit sa tabi ni Ine.


Kasunod na rin sina Luisa at Louie na naupo sa bandang likuran nila.


Bagamat, mahina ang tinig ni Ine habang umuusal ng panalangin, nauulinigan ni Ernie at nararamdaman ang sinseridad sa panalangin ng kanyang kasintahan.


"Diyos ko...kasama ko po ang lalaking madalas kong ipanalangin sa inyo na aking idinudulog sa inyong Banal na Awa na makaisang dibdib ko sa harap ng altar, na makasama ko sa hirap man o ginhawa, sa buhay man o kamatayan!"


Naramdaman na lang ni Ernie ang manipis at maputing palad ni Ine na dumampi sa kanyang mga palad at mahigpit na hinawakan ang kanyang dalawang kamay at bumaling ng tingin sa kanya. Inapuhap ang paningin ni Ernie hanggang sa magtagpo ang kanilang mga paningin.


"Ernie, sa halos dalawang linggong di natin pagkikita...wala akong ginawa kundi ipanalangin ka...na sana ligtas ka at walang masamang nangyayari sa iyo...halos dalawang linggo ring di naging maayos ang aking pagtulog...hirap na hirap ang aking kalooban nang wala isa man text akong natatanggap sa iyo...at ngayong narito ka na...alam ko dininig na ng Diyos ang aking panalangin!"


Ramdam na ramdam ni Ernie ang bawat salitang namutawi sa labi ni Ine habang nagbabatis na ang luha sa mga pisngi nito.


"Ikaw Ernie ang hiniling ko sa Diyos na makaisang-dibdib ko at makasama habang buhay..."


Napayuko na lamang si Ernie. Pilit na iniiwasan ang mata ni Ine na inaapuhap ang kanyang paningin. Di malaman ni Ernie ang kanyang gagawin. Mangiyak-ngiyak na rin siya. Paano pa niya ngayon ipagtatapat ang tungkol sa kanila ni Althea? Paano pa niya ngayon tutuparin ang pangako niya kay Althea?


"Mangako ka sa akin Ernie! Ako lang ang iyong mamahalin at ang iyong ihahatid sa altar sa araw ng ating pag-iisang dibdib!"


Alam niya, naghihintay ng kasagutan si Ine. Wala sa sariling napatango na lamang siya. Sumilay ang kasiyahan sa mga mata ni Ine. Sa wakas, nagtama na rin ang paningin nila ni Ernie na kapwa lumuluha. Si Ine'y lumuluha sa labis na kasiyahan. Si Ernie nama'y lumuluha dahil nabigo siyang ipagtapat ang tungkol sa kanilang dalawa ni Althea. Sa mga oras na yaon, iisa lang ang sigurado kay Ernie. Lumuluha siya dahil sa dalawang babaeng kapwa niya minahal.

All reactions:2Ricky Navarro and Charet B. Monsayac1 commentLikeCommentShare

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon